Cong. Kiko Barzaga sinuspinde na, kailan kaya sususpendihin ng Kamara ang mga 'cong-tractor?'
- BULGAR

- 9 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 10, 2026

'SUNTOK SA BUWAN' MA-IMPEACH SI VP SARA, MAY MGA DDS KASI NA SENATORS NA MIYEMBRO NG MAJORITY SA SENADO – Kung maipasa man sa Senado bilang impeachment court ang mga Articles of Impeachment laban kay Vice President Sara Duterte, kahit na pabor sa impeachment ang numerong nakokontrol ng majority senators sa ilalim ni Senate President Tito Sotto, “suntok sa buwan” pa rin ang posibilidad na ma-impeach si VP Sara.
Ito ay dahil sa pitong miyembro ng majority senators sa 20th Congress na pabor kay Duterte: sina Loren Legarda, Pia Cayetano, Migs Zubiri, Mark Villar, JV Ejercito, Raffy Tulfo, at Lito Lapid. Lumabas ang kanilang posisyon bilang mga DDS senators noong 19th Congress nang pagbobotohan kung dapat simulan na ang impeachment trial o i-remand sa Kamara ang Articles of Impeachment; nanaig ang remand sa 18 boto, kabilang ang kanilang pito.
Sa kasalukuyan, may siyam na miyembro ng minorya sa Senado. Kahit hindi makaboto para sa acquittal si Chiz Escudero, Jinggoy Estrada, Joel Villanueva (sakaling makulong sa mga kasong plunder at malversation), at Ronald Dela Rosa, tiyak na makakaboto para sa vice president sina Alan Cayetano, Imee Marcos, Robinhood Padilla, Rodante Marcoleta, at Bong Go. Kung isasama pa ang pito sa majority senators (Legarda, Pia Cayetano, Zubiri, Mark Villar, Ejercito, Raffy Tulfo, at Lapid) na muling pabor sa VP Sara, ang kabuuang boto para sa acquittal ay 12, higit pa sa pitong boto na kinakailangan.
Ibig sabihin, ligtas sa impeachment si VP Sara. Period!
XXX
COMMITTEE REPORT, PINANINDIGAN, PARANG SINABI NI SEN. LACSON NA KURAKOT TALAGA SINA ESCUDERO, ESTRADA AT VILLANUEVA – Ayon kay Senate Pro Tempore Ping Lacson, paninindigan niya ang committee report ng Senate Blue Ribbon Committee na dapat kasuhan sina Escudero, Estrada, at Villanueva. Sa madaling sabi, inihayag ni Sen. Lacson na may matibay na basehan ang alegasyon ng katiwalian laban sa tatlong senador. Boom!
XXX
SINUSPINDE NA SI CONG. BARZAGA, KAILAN KAYA SUSUSPENDIHIN NG KAMARA ANG MGA 'CONG-TRACTOR?' – Patuloy ang pambabash ng mga DDS vloggers sa Kamara dahil muling sinuspinde si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga, dahil sa mga post niya sa social media laban sa ilang kongresista. Samantala, walang aksyon ang House of Representatives laban sa mga tinaguriang "cong-tractor."
Tanong ng marami: kailan kaya gagawa ng aksyon ang Kamara para suspendihin din ang mga "cong-tractor"? Abangan!
XXX
MUNTINLUPA CITY COL. DOMINGO, NAGPASIKLAB LABAN SA CARA Y CRUZ, PERO HINDI SA JUETENG, STL-BOOKIES, LOTTENG AT SAKLA – Nagpasiklab si Col. Robert Domingo, hepe ng Muntinlupa City Police, nang ipahuli ang mga naglalaro ng cara y cruz sa kanyang jurisdiction. Ngunit wala raw aksyon ang kanyang mga tauhan laban kina "Touche" at "Jojo," na parehong operator ng jueteng, STL-bookies, at lotto, pati na rin kay "Walter," operator ng sakla sa lungsod.
Ayon sa marami, hindi lang ang mga nagka-cara y cruz ang dapat ipahuli ni Col. Domingo; dapat ay pati ang mga malalaking operator ng ilegal na sugal sa Muntinlupa City. Period!








Comments