top of page

Commuter friendly na lansangan, tiyakin para sa kaligtasan ng taumbayan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Dec 11, 2025
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | December 11, 2025



Boses by Ryan Sison


Nakakatuwang isipin na mayroong direktiba, na patuloy na sumusuporta sa ating mga commuter, na araw-araw napapagod at nakikipag-siksikan, para lang makapunta sa kanilang pupuntahan.


Kaya ang direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawing mas ligtas ang EDSA ay isang hakbang na tiyak na makabubuti sa taumbayan. 


Kamakailan, nagsanib-puwersa ang Department of Transportation (DOTr) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang suriin ang aktuwal na kondisyon ng EDSA. 


Pinangunahan nina Transportation Secretary Giovanni Lopez at DPWH Sec. Vince Dizon ang isang 4.4 kilometrong walkthrough mula Ayala Avenue hanggang Roxas Boulevard, kasama ang Move As One Coalition at iba’t ibang civil society groups.


Sa loob ng halos dalawang oras na paglalakad, malinaw na ang sidewalk ng EDSA ay matagal nang pinabayaan. 


Mula sa lubak, baradong PWD ramps, basurang nakaharang, hanggang sa masisikip na bahagi, malinaw na hindi sapat ang nakaraan at kasalukuyang sistema. 


Ayon kay Lopez, pakiramdam niya ay mandirigma siya habang tinatahak ang walkway. At ayon kay Dizon, matagal nang reklamo ang ganitong kalagayan, ngunit ngayon pa lamang tinututukan.


Kaugnay nito, napagkasunduan ang agarang pagpapatupad ng short-term improvements, habang sa pagsapit ng 2026 ay sisimulan ang malawakang renovation ng EDSA walkway. Target nitong gawing ligtas, maluwag, at accessible ang bawat pedestrian. 


Posibleng bumaba pa ang dating P15 billion budget kapag naging mas mabilis ang trabaho, ayon kay Dizon.


Samantala, tinanggap ng Move As One Coalition ang inspeksyon ngunit iginiit nilang

kailangan ang pangmatagalang solusyong nakatuon sa tao. 


Ayon kay consultant Dinna Dayao, dapat unahin ang walking, cycling, at paggamit ng light electric vehicles bilang pangunahing paraan ng paggalaw sa lungsod.

Sa akin, ang problema sa EDSA ay hindi lang sa sira, kalat, o sikip ng daan, ito ay dahil din sa pagsasawalang-bahala. 


Kung hindi gagawing prayoridad ang tao, walang makikitang pagbabago kahit gaano kaganda ang plano. Kailangang ipaalala na ang bawat lubak ay sagabal sa trabaho, bawat baradong ramps ay banta sa may kapansanan, at bawat sirang sidewalk ay nagdadala ng panganib.


Kung nais ng bansa ng maayos na biyahe, dapat bigyan ng sapat na suporta ang mga imprastruktura na araw-araw tinatahak ng pangkaraniwang mamamayan. 

Hindi biro ang kahalagahan ng isang ligtas na sidewalk at komportableng transport system.  Ang EDSA ay ugat ng mass mobility, kapag maayos ito, gumagaan ang buhay ng buong Metro Manila. 


Kaya ngayon, dapat pagtulungan ng pamahalaan at publiko ang paglilinis, pag-aayos, at tamang paggamit ng kalsada para makaiwas sa aksidente at sa mas makatarungang paggalaw ng masa.


Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES ni RYAN SISON at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page