top of page

Comelec Chairman Garcia, nasangkot na sa male-maletang pera, pinapa-disbar pa, saklap!

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 16 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 26, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


SEN. BONG GO, ‘DI NAGPAAPEKTO SA ALEGASYON NG ICC KAYA BISYO NIYANG MAGSERBISYO, NON-STOP PA RIN – Hindi nagpaapekto si Sen. Bong Go sa alegasyon ng International Criminal Court na isa umano siyang co-perpetrator sa extrajudicial killings na iniuugnay kay Rodrigo Roa Duterte. Ayon sa senador, wala umanong katotohanan ang paratang kaya’t patuloy niyang gagampanan ang kanyang tungkulin sa paglilingkod sa bayan.


Sa kabila nito, tuloy pa rin ang kanyang mga aktibidad sa loob at labas ng Senado. Nagpadala ang kanyang Malasakit Team ng relief goods sa mga nasunugang pamilya sa Bongao, Marilao, Puerto Princesa, Pasig, at Malabon, gayundin sa mga naapektuhan ng Bagyong Basyang sa Surigao del Sur.


Sa Senado, sinuportahan niya ang pag-amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act upang higit na mapalakas ang tulong ng gobyerno sa mahihirap na mag-aaral. Nauna na rin siyang nagtaguyod ng mga batas na may kaugnayan sa pagpapalawak ng serbisyong pangkalusugan para sa mga Pilipino. Palakpakan naman d’yan!


XXX


RESO NI SEN. IMEE NA IMBESTIGAHAN ANG IBINULGAR NG 18 MARINES TUNGKOL SA MGA DINALHAN NG MGA MALE-MALETANG PERA, DAPAT SUPORTAHAN NG MAJORITY SENATORS – Nagsulong si Sen. Imee Marcos ng resolusyon na magpapaimbestiga sa Senado kaugnay ng ibinulgar ng 18 dating Marines na umano’y mga tauhan ni dating Zaldy Co.

Ayon sa kanilang pahayag, may mga maletang naglalaman umano ng pera na idiniliber sa ilang personalidad sa Malacañang, Kamara, Senado at iba pang ahensya ng pamahalaan.


Mabigat ang mga alegasyong ito kaya nararapat lamang na masusing imbestigahan. Dapat suportahan ng mayorya sa Senado ang naturang resolusyon upang malinawan ang publiko at mapanagot ang sinumang mapatutunayang sangkot. Period!


XXX 


TIYAK SAKIT-ULO NA SI COMELEC CHAIRMAN GARCIA KASI ISINANGKOT NA SIYA SA MALETANG PERA, MAY NAGPAPA-DISBAR PA SA KANYA – Matapos masangkot si Comelec Chairman George Garcia sa alegasyon ng 18 dating Marines na dinalhan siya ng maletang naglalaman ng pera mula kay Zaldy Co, sinampahan din siya ng disbarment sa Supreme Court ni Jaime Aquino, natalong kandidato sa pagka-mayor ng Mapandan. Ayon kay Aquino, idinismiss ng Comelec ang kanyang mga kaso laban sa kanyang katunggali—kasama na ang vote buying at disqualification—dahil sa hindi naipasang P10,000 filing fee na hindi naman ipinaalam sa kanya.


Hindi man aminin, tiyak na may sakit ng ulo ngayon si Chairman Garcia, dahil isinasangkot na siya sa maletang may pera at may kasong disbarment pa laban sa kanya. Boom!


XXX


MGA SAKLA OPERATOR SA CAVITE, DAPAT IPAHULI NA AGAD NI COL. RED – May kani-kaniyang teritoryo raw sa Cavite ang mga sakla operator: kay “Atas” ang Indang, kay “Eric” ang Noveleta, at kay “Turok” ang Kawit.


Iyan ay ilegal at raket lamang, kaya’t nararapat na hindi na magpatumpik-tumpik si Ariel Red. Dapat agad niyang ipahuli ang mga nangraraket sa loob ng kanyang hurisdiksyon upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan. Period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page