Co-ownership ng same-sex couples, legal nang kinilala
- BULGAR
- 26 minutes ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | February 11, 2026

Karapatan ng lahat ang malinaw na pagkilala ng Korte Suprema sa co-ownership ng same-sex couples sa mga ari-arian na kanilang pinaghirapan habang nagsasama.Sa lipunang matagal nang nagbubulag-bulagan sa iba’t ibang anyo ng pamilya, ang pasyang ito ay hindi lamang teknikal na interpretasyon ng batas kundi pagkilala sa dignidad at ambag ng tao, anuman ang kanilang sexual orientation.
Sa desisyong inilabas ng Second Division noong Pebrero 5, 2025, binaligtad ng Korte Suprema ang naunang mga ruling ng Regional Trial Court at Court of Appeals at idineklarang may tig-50 porsiyentong bahagi ang parehong panig sa bahay at lupang kanilang tinitirhan. Bagamat hindi kinikilala ng batas ang same-sex marriage, nilinaw ng Korte na sa ilalim ng Article 148 ng Family Code, maaaring ituring na common property ang ari-arian kung may patunay ng aktuwal na kontribusyon.
Sa kasong ito, nagsimulang magsama ang magkapareha noong 2005 at makalipas ang isang taon ay bumili ng bahay. Bagamat nakapangalan lamang sa isa ang titulo, may kasulatan ng Acknowledgement of Third-Party Interest in Real Property na nilagdaan matapos silang maghiwalay noong 2007. Nang tanggihan ng respondent ang karapatan ng kapareha sa hatian ng ari-arian, kinilala ng Korte Suprema ang karapatan ng petitioner.
Binigyang-diin ng isang Associate Justice na ang aplikasyon ng Family Code sa ganitong sitwasyon ay “nuanced,” ngunit hindi sapat na dahilan ang kawalan ng same-sex marriage law upang burahin ang malinaw na kontribusyon at kasunduan ng dalawang taong nagsama. Sa hiwalay na concurring opinions, iginiit ng ilang Senior Associate Justice na ang Article 148 ay sapat na upang saklawin ang same-sex cohabitation, at ang pagtanggi rito ay nagdudulot ng legal invisibility sa lehitimong ugnayan ng maraming Pilipino.
Mahalagang paalala rin ng Korte na hindi lamang hudikatura ang dapat kumilos; may tungkulin ang Kongreso na bumuo ng batas na tunay na magpoprotekta sa karanasan ng mga sektor na matagal nang isinasantabi.
Sa gitna ng patuloy na diskurso sa civil partnerships at pantay na karapatan, malinaw na ang desisyong ito ay hakbang para sa ikabubuti ng lahat. Ang pasya ay hindi tungkol sa pagbago ng kahulugan ng kasal, kundi sa simpleng prinsipyo ng katarungan: kapag may ambag, may karapatan; kapag may pagsasama, may pananagutan. Tungkol sa batas na kilalanin ito.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




