Close sa isa't isa... MGA ANAK NI WILLIE SA IBA'T IBANG BABAE, NAG-BONDING SA RESORT NIYA SA PUERTO
GALERA
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | June 28, 2021

“Kumpleto kami ng mga anak ko. Ito si Meryll, si Juamee, si Marimonte, ito ang bunso kong apo, si Guido, 6 months old siya at panganay na si Eli (Elijah). Dito kami sa resort. Pero walang chicks, walang nagmamahal, hindi bale, nandito naman sila,” ito ang pahayag ni Willie Revillame sa Mama Meme vlog ng panganay niyang anak na in-upload nitong Linggo, Hunyo 27.
Nalula kaming panoorin ang napakagandang private resort ni Willie sa Puerto Galera na napapalibutan ng maraming puno at bundok at puwedeng ihambing sa ibang bansa.
Sa tapat ng resort ay nakalapag ang helicopter ni Willie sa napakagandang port na gawa sa mapuputing semento at nakadaong naman ang dalawa niyang yate at ang 2 jetski ay gamit ng apong si Eli at ng magkapatid na Juamee at Marimonte. ‘Yung isang yate naman ay naka-park lang sa gilid.
Ramdam namin ang saya ng Wowowin host na makasama ang mga anak niya sa importanteng araw ng mga amang tulad niya.
Stage father si Willie dahil tinuturuan niya si Meryll mag-intro sa vlog nito at kung paano ipakilala ang lahat na pati anggulo ay itinuro kung paano.
Sabi ni Meryll ay ipapakita niya ang loob ng yate ni Willie sa part 2 ng vlog niya, “Ipapakita namin sa inyo kung paano nagre-relax si Papa at kung saan siya nag-iisip at may mga mina-master-master na ideas para sa kanyang mga ginagawa.”
Hindi naman napapagod kargahin ni Willie ang bunsong apong si Guido at panay ang halik dito. Ang daldal ng bagets na hindi naman maintindihan ang sinasabi.
Lutang na lutang ang kulay orange na patio umbrellas na nakapalibot sa harap ng bahay.
“O, 'di ba, ang mga kulay, hanggang dito, Shopee pa rin?” kaswal na sabi ng TV host pero kaagad namang may disclaimer na hindi sponsor ang online shopping sa vlog ni Mama Meme.
Sabi ng panganay na anak ni Willie, “Napakasaya namin dahil kasama namin si Papa ngayong Father’s Day. ‘Yung mga kapatid ko naman ay nagdye-jetski pa as of now. Makikita rin natin sila later. First time ni Guido mag-beach kaya napaka-special ng ano (pasyal) namin.”
Ipinakilala ni Meryll ang kapatid na si Juamee, “Ito ang aming bunso at only boy, si Juamee (anak ni Willie kay Liz Almoro). Bumati ka sa mga Mama Meme fans,” say ng aktres.
“Hi to dear Mama Meme fans,” bati ni Juamee na binata na rin.
“Hi mga okasan (Japanese term para sa nanay). So, ngayon, ipapakilala ko ‘yung ate ko galing sa Baguio, si Ate Marimonte (sabay bati sa mga okasan).”
Madalas daw nadadalaw ni Juamee ang ama at aniya, “For me, dahil nag-quarantine at online ‘yung klase ko, I visited him more. Minsan dito (Puerto Galera), minsan sa Tagaytay, and I get to bond with him through boating jetski. Sometimes when he drives this (chopper), ‘coz he’s a pilot, he’s certified.”
Say naman ni Eli, “For me, I visited him 'pag may mga special occasions also with Juamee. Kasi kung wala ‘yung dad ko (Bernard Palanca), we actually go to my lolo which is like he’s basically also like my father. I also like to spend time with him.”
“For me naman, since I live in Baguio City, the best way I can talk to him is through chat. But during my vacation, I go to spend time with him and spend time in Ayala (house ni Willie) together. So, that’s how I spend time with dad,” kuwento ni Marimonte.
May pahabol si Juamee, “At guys, isa pa, pumupunta ako rito (Puerto Galera) kapag nag-aaway kami ni Mommy (Liz). Joke lang.”
“Talaga ba, Juamee? Akala ko ba, camera shy ka?” hirit ni Meryll.
Sa obserbasyon namin sa mga anak ni Willie, kasama na ang apong si Eli, ay mga simple lang at may galang sa isa’t isa at close lahat.
Ayon kay Meryll, “Ako ang panganay (38 years old), meron pa kaming isa pang kapatid, hindi namin nakakasama ‘yun, ito naman si Marimonte (18) and Juamee (15). Tapos, si Eli, 13 na parang kapatid na rin nina Marimonte at Juamee kasi growing up, kayo ‘yung magkakasama. So, ayan, eto ang aking mga shopatembangs (gay lingo).
“Ang saya-saya ko kasi magkakasama kami ngayong Father’s Day. Ang saya ko na ipinasundo niya (Willie) si Marimonte at si Juamee sa Muntinlupa.
“Kaya nagpapasalamat ako na pumayag siyang i-video (magkakasama silang magkakapatid) ang araw na ito kasi nga Father’s Day.”





Comments