Chot, balik coach ng Gilas Pilipinas
ni VA / MC - @Sports | February 02, 2022

Muling itinalaga si Chot Reyes bilang bagong head coach ng Gilas Pilipinas na una niyang ginabayan ang team noong 2014 FIBA Basketball World Cup.
Ito ay matapos na lisanin ni Tab Baldwin ang naturang posisyon at agad ipinalit si coach Reyes. Inanunsiyo ito ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) noong Lunes kung saan siya na muli ang gagabay sa national team simula Peb. 1.
Ipinaliwanag ng federation na nagpasya si Baldwin na bitiwan na ang kanyang posisyon bilang Gilas Pilipinas coach para aniya, "to focus on his responsibilities to the Ateneo Men's Basketball Team."
Bukod sa pagiging program director ng Gilas Pilipinas, hawak din niya ang pagiging coach ng Blue Eagles na inakyat niya sa tatlong sunod na kampeonato sa UAAP.
Ayon sa SBP, ang pagkakaantala dahil na rin sa COVID-19 pandemic ang nagresulta sa mga nasirang iskedyul ng mga collegiate basketball season at paghahanda para sa FIBA Basketball World Cup 2023 qualifiers.
Inaasahan na ang UAAP ay magsisimula sa Marso habang ang Pilipinas ay sasagupa sa World Cup qualifiers sa huling bahagi ng Pebrero.
"Chot is the sensible choice to take over Gilas coaching, because he is very familiar with the program," saad ni SBP chairman emeritus Manny V. Pangilinan sa isang statement.
"He also has solid experience in international competition and FIBA games."
"Considering the high-level performance expected of Gilas, we decided to go with the coach who brought the country back to the FIBA World Cup in 2014," dagdag ni SBP President Al Panlilio.





Comments