Chiz at Joel, ‘di pa safe sa plunder kahit nasa 'Gatchalian bloc' na
- BULGAR

- 8 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 21, 2026

P67B PONDO NA PANG-CLASSROOMS, NASA DEPED PA KAYA O NASA BULSA NA NG MGA BUWAYA SA MARCOS ADMIN? – Pangungunahan ni Sen. Bam Aquino, chairman ng Senate Committee on Basic Education, ang imbestigasyon sa kakulangan ng mga classroom sa mga pampublikong paaralan sa buong bansa.
Sa pagbubukas ng klase noong June 8, muling nabunyag ang kakulangan ng mga silid-aralan sa kabila ng P67 bilyong inilaan ng pamahalaan ngayong 2026 para sa pagpapatayo ng mga bagong classroom.
Dapat masusing imbestigahan ito ni Sen. Bam Aquino upang malaman ng publiko kung nasaan na ang P67 bilyon—kung nagamit ba talaga sa pagpapagawa ng mga silid-aralan o napunta sa bulsa ng mga buwaya sa Marcos administration. Boom!
XXX
PBBM, HINDI RAW MAKIKIALAM SA KASONG PLUNDER NI CONG. ROMUALDEZ – Inanunsyo ni Ombudsman Boying Remulla na malapit nang isampa sa Sandiganbayan ang kasong plunder laban kay Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez. Samantala, ayon sa Malacañang, hindi makikialam si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) sa kasong kinakaharap ng kanyang pinsan.
Kung gayon, malinaw na hahayaang umusad ang proseso ng batas nang walang panghihimasok mula sa Pangulo. Period!
XXX
KAHIT NASA 'GATCHALIAN BLOC' NA SINA SENS. ESCUDERO AT VILLANUEVA, HINDI PA RIN SILA SAFE SA KASONG PLUNDER – Tiniyak ni Ombudsman Boying Remulla na tuloy pa rin ang imbestigasyon sa umano'y pagkakasangkot nina Sen. Chiz Escudero at Sen. Joel Villanueva sa flood control scandal, kahit kabilang na sila sa Senate majority.
Ibig sabihin, hindi pa rin ligtas sa posibleng kasong plunder sina Sen. Escudero at Sen. Villanueva kahit nasa "Gatchalian bloc" na sila ng Senado. Boom!
XXX
TILA TATAMAAN SI SEN. ALAN CAYETANO SA HAMON NIYA KAY SEN. ERWIN TULFO NA MAGSAGAWA NG IMBESTIGASYON SA FLOOD CONTROL – Tila si Sen. Alan Cayetano ang maaaring tamaan sa hamon niya kay Sen. Erwin Tulfo, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, na magsagawa ng imbestigasyon sa mga flood control project.
Kinasahan ni Sen. Erwin Tulfo ang hamon at sinabi niyang kabilang sa iimbestigahan ang umano'y mga ghost flood control project sa Taguig City na iniuugnay kay Sen. Alan. Ayon pa sa senador, ang isa sa maaaring tumayong testigo ay ang kapatid nitong si dating Taguig City Mayor Lino Cayetano. Period!





Comments