Certificate of Registration ng forester, maaaring ipagkaloob uli
- BULGAR

- Aug 20, 2024
- 3 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | August 20, 2024

Dear Chief Acosta,
Ang aking Certificate of Registration bilang isang forester ay binawi ng Professional Regulatory Board for Foresters (Board) noong nakaraang taon. Naintindihan ko naman ang dahilan kung bakit ito binawi at tanggap ito ng aking kalooban. Sa ngayon ay ninanais ko na lamang hintayin na ang pagkakataong ito ay muling ipagkaloob sa akin, ngunit hindi ko alam kung kailan ba ito mangyayari. Nasa batas ba kung kailan puwede muling ipagkaloob sa akin ang aking lisensya bilang isang forester? Salamat sa inyong kasagutan. — Bel-Bel
Dear Bel-Bel,
Ang isang forester na binawian ng kanyang Certificate of Registration ay maaaring mapagkalooban muli ng lisensya sang-ayon sa Section 22 ng Republic Act (R.A.) No. 10690, o mas kilala sa tawag na “The Forestry Profession Act”, kung saan nakasaad na:
“SECTION 22. Reissuance of Revoked Certificate of Registration, Replacement of Lost or Damaged Certificate of Registration, Professional Identification Card or Temporary/Special Permit. – The Board may, upon petition, reinstate or reissue a revoked certificate of registration after two (2) years from the effectivity of the period for revocation, which is the date of surrender of the certificate and professional identification card if still valid, to the Board and the PRC. The Board may not require the holder thereof to take another licensure examination. The petitioner shall prove to the Board that there are valid reasons to practice the profession. The Board shall issue a Board resolution for granting the petition, subject to the approval of the PRC.
In the case of a lost or damaged certificate of registration, professional identification card or temporary/special permit, the same may be issued upon application of the valid license holder in accordance with the prescribed procedure and subject to the payment of the prescribed fees.”
Nakapaloob sa Seksyon 21 ng nabanggit na batas na ang Professional Regulatory Board for Foresters o tinatawag na Board, matapos ang karampatang proseso na naaayon sa batas, ay may kapangyarihan na bawiin o suspendihin ang certificate of registration ng isang rehistradong forester sa ating bansa. Ngunit, hindi naman ito nangangahulugan na hindi na muling mapagkakalooban ng Certificate of Registration ang isang rehistradong forester.
Katulad ng nakasaad sa nabanggit na probisyon ng R.A. No. 10690, ang Board ay maaaring ibalik o ipagkaloob muli ang binawi na certificate of registration pagkatapos ng dalawang taon magmula sa araw na ang nasabing certificate ay ipinasa o isinuko sa Board at Professional Regulation Commission (PRC). Ito ay maaaring mangyari sa pagsusumite ng isang petition sa Board. Kinakailangan din na mapatunayan na may lehitimo at wastong rason upang ang isang tao ay muling magampanan ang kanyang propesyon bilang isang lisensyadong forester at ito ay nakasalalay pa sa pag-aapruba ng PRC.
Kung kaya, bilang kasagutan sa iyong katanungan, ang iyong certificate of registration ay maaaring ipagkaloob muli sa iyo pagkatapos ng dalawang taon magmula sa araw na iyong ipinasa o isinuko sa Board at PRC ang iyong certificate. Bukod pa rito, kailangan mo ring mapatunayan na ikaw ay may lehitimo at wastong rason upang muling magsanay bilang isang forester. Kailangan mong magsumite ng isang petition sa Board para rito. Kung kaya hindi ka dapat mawalan ng pag-asa sapagkat ang ating batas ay nagbibigay ng pangalawang pagkakataon sa mga katulad mo na binawian ng certificate of registration upang muling magampanan ang iyong propesyon.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments