Capital gains tax sa expropriation

ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | December 29, 2020
Dear Chief Acosta,
Gagamitin diumano para sa proyekto ng Department of Public Works and Highways o DPWH ang aming lupa sa Caloocan. Kaugnay nito, kami ay kinakausap ng mga kinatawan ng naturang ahensiya tungkol sa pagbili o pag-expropriate ng aming lupa. Nagpakita sila ng proposal kung paano ito babayaran. Sa dalawang sitwasyon na kanilang ipinakita, mababasa sa nasabing proposal na kami pa rin ang magbabayad ng anim na porsiyentong (6%) capital gains tax. Dahil dito, nais kong maliwanagan kung bakit ganu’n. Hindi ba dapat ang DPWH na ang magbabayad ng capital gains tax sapagkat ito ay forced sale gawa na ito ay expropriation? – Chel
Dear Chel,
Ang sagot sa inyong katanungan ay nakadepende kung negotiated ba, o sa pamamagitan ng expropriation proceedings ang pagkuha ng inyong lupa ng nasabing ahensiya. Para sa inyong kaalaman, ayon sa Seksiyon 5(c) ng Republic Act No. 10752, o mas kilala sa tawag na The Right-of-Way Act, kapag ang pamamaraan ng pagbili o pagkuha ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay negotiated o base sa inyong napagkasunduan, ang nakatalagang magbayad ng capital gains tax ay ang ahensya na kukuha, o sa inyong kaso, ay ang DPWH, viz:
“SECTION 5. Rules on Negotiated Sale. – The implementing agency may offer to acquire, through negotiate sale, the right-of-way site or location for a national government infrastructure project, under the following rules. xxx
(c) With regard to the taxes and fees relative to the transfer of title of the property to the Republic of the Philippines through negotiated sale, the implementing agency shall pay, for the account of the seller, the capital gains tax, as well as the documentary stamp tax, transfer tax and registration fees, while the owner shall pay any unpaid real property tax.” (Binigyang-diin)Sa kabilang banda, kapag ang pagkuha naman ng DPWH ay sa pamamagitan ng expropriation proceedings, base sa Seksiyon 6 (g) ng kaparehong batas, ang may-ari naman ng lupa ang nakasaad na magbayad ng capital gains tax:
“(g) With regard to the taxes and fees relative to the transfer of title of the property to the Republic of the Philippines through expropriation proceedings, the implementing agency shall pay the documentary stamp tax, transfer tax and registration fees, while the owner shall pay the capital gains tax and any unpaid real property tax.” (Binigyang-diin)Samakatwid, base sa mga nabanggit, bagama’t parehong forced sale kung tawagin sapagkat kinukuha ng ahensiya ng gobyerno ang inyong lupa sa pamamagitan ng paggamit ng power of eminent domain ng Estado, pakatatandaan na ang alituntunin sa pagbabayad ng buwis tulad ng capital gains tax ay nakadepende sa pamamaraan ng pagkuha ng ahensiya sa inyong lupa.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments