top of page

Buti naharang ng Ombudsman ang paglabas sa bansa ni Cong. Romualdez, kasi baka siya naman ang magtago

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 2 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 23, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TAMA ANG DESISYON NI PBBM NA BUWAGIN NA ANG ICI KASI NILINIS NITO ANG NAME NI CONG. ROMUALDEZ, PERO ISA RAW PALA ITO SA MASTERMIND SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM – Tama pala ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na buwagin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI), dahil tila napoprotektahan nito si Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez matapos ianunsyo ng komisyon na wala raw silang nakitang ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa flood control scandal.


Sa hiwalay na imbestigasyon naman ng Ombudsman, lumalabas umano na kabilang si Cong. Romualdez sa mga itinuturong sangkot sa isyu ng mga flood control projects, na may kaugnayan sa mga kasong plunder, indirect bribery, at paglabag sa anti-money laundering law. Period!


XXX


KUNG HINDI NAHARANG ANG PAGLABAS NG BANSA NI CONG. ROMUALDEZ, BAKA SIYA NAMAN ANG MAGTAGO – Matapos umanong makumpirma ang pag-aresto kay dating Cong. Zaldy Co at ang pakikipag-ugnayan ng pamahalaan ng Pilipinas sa Czech Republic para sa kanyang posibleng pagbabalik sa bansa, lumutang naman ang ulat na humiling si Cong. Romualdez ng travel clearance kay Speaker Bojie Dy upang magpagamot sana sa Singapore.


Gayunman, ayon sa ulat, hindi ito naaprubahan ni Ombudsman Remulla.

Sa gitna ng isyu, may mga spekulasyon na posibleng umiigting ang imbestigasyon kaugnay ng flood control controversy kung saan nadadawit ang ilang opisyal, kabilang ang dating lider ng Kamara.


Nagpapatuloy pa rin ang mga kaganapan habang hinihintay ang mga susunod na pormal na pahayag mula sa mga kinauukulang ahensya. Boom!


XXX


ANO KAYA ANG TUGON NI VP SARA KUNG BAKIT MULA 2019 HANGGANG 2024, HINDI SIYA NAGLAGAY NG CASH ON HAND AT BANK DEPOSITS SA KANYANG SALN? — Sa ikalawang impeachment hearing ng House Justice Committee kahapon, ibinulgar ni Atty. Karen Bato, hepe ng Central Records Division ng Office of the Ombudsman, na mula 2019 hanggang 2024 o sa loob ng anim na taon ay walang idineklara si Vice President Sara Duterte na cash on hand at bank deposits sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).


Ayon sa umiiral na patakaran, kinakailangang ideklara ng mga opisyal ng gobyerno sa kanilang SALN ang lahat ng ari-arian, kabilang ang cash on hand at mga deposito sa bangko. Ang hindi pagsama ng mga ito ay maaaring magdulot ng mga tanong sa pagsunod sa disclosure requirements ng batas.


Wala pang pahayag ang Bise Presidente hinggil sa naturang isyu sa oras na ito, at inaasahan ang kanyang magiging tugon sa mga susunod na pagdinig. Abangan!


XXX


SA DAMI NG NAGHIHIRAP DULOT NG KRISIS, DAPAT HUWAG MUNANG TUMANGGAP NG SUWELDO SI SEN. DELA ROSA KASI HINDI NAMAN NA SIYA PUMAPASOK SA SENADO — Nanawagan si Sen. JV Ejercito kay Sen. Ronald Dela Rosa na kusang huwag munang tumanggap ng suweldo habang hindi siya nakapapasok sa Senado.


Ayon sa panawagan, dapat itong isaalang-alang lalo na sa gitna ng patuloy na krisis sa langis kung saan maraming tsuper, magsasaka, at mangingisda pa rin ang hindi nakatatanggap ng sapat na ayuda. Giit pa, mas mainam na ipakita ang malasakit sa publiko sa pamamagitan ng hindi pagtanggap ng bayad kung hindi naman nakakapasok sa trabaho. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page