Buong ICI report, dapat isapubliko para malaman kung ano ang alibi noon ng mag-titong Cong. Martin at Cong. Sandro
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 9, 2026

BUONG ICI REPORT DAPAT LANG ISAPUBLIKO KASI DITO MALALAMAN KUNG ANO ANG ALIBI NG MAG-TITONG CONG. MARTIN AT CONG. SANDRO – Natapos ang mandato ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) noong March 31, 2026 nang hindi nalalaman ng publiko ang naging paliwanag nina Leyte Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos kaugnay ng pagkakadawit ng kanilang mga pangalan sa flood control scandal.
Pareho silang ipinatawag ng ICI—si Romualdez noong Oktubre 14, 2025 at si Marcos noong Disyembre 4, 2025—ngunit dahil isinagawa sa closed-door hearing ang pagdinig, nanatiling hindi isinasapubliko ang kanilang naging depensa o paliwanag.
Dahil dito, nananawagan ng malinaw at ganap na transparency sa pamamagitan ng paglalabas ng buong ulat ng ICI upang malaman ng publiko kung may sapat na batayan ang mga paratang o wala laban sa mag-tito na mambabatas. Period!
XXX
MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN, DAPAT IMBESTIGAHAN DIN – Sa kabila ng inamin ni Sarah Discaya na noong 2016 pa nagsimula silang mag-asawa ni Curlee Discaya na umano’y kumita mula sa flood control projects ng Department of Public Works and Highways (DPWH), nakatuon lamang umano ang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa mga proyekto mula 2023 hanggang 2025.
Ngayong buwag na ang ICI, iginiit na dapat imbestigahan nina Ombudsman Boying Remulla, Department of Justice (DOJ) Sec. Frederick Vida, at Senate Blue Ribbon Committee Chair Sen. Ping Lacson ang mga flood control projects mula 2016 hanggang 2022.
Ayon sa mga kritiko, hindi dapat makaligtas sa pananagutan ang mga sangkot sa umano’y anomalya sa flood control projects na naganap pa noong panahon ng administrasyong Duterte. Boom!
XXX
PARA MALAMAN NG TAUMBAYAN ANG BUONG KATOTOHANAN, DAPAT HINDI NA PAGBIGYAN NG SC ANG PANIBAGONG HIRIT NI VP SARA NA IPA-STOP ULI IMPEACHMENT PROCEEDINGS SA KANYA – Pinagbigyan na noon ng Supreme Court (SC) ang hirit ni Vice President Sara Duterte na ipatigil ang impeachment proceedings laban sa kanya dahil sa mga isyung teknikal. Sa panig naman ng Kamara, sinunod nila ang mga ipinag-utos ng Korte Suprema hinggil sa proseso ng impeachment.
Dahil dito, iginiit ng ilang panig na wala nang sapat na dahilan upang muling pakinggan pa ng SC ang panibagong kahilingan ng bise presidente na ipahinto ang naturang impeachment.
Para umano sa kapakanan ng publiko na naghahangad ng katotohanan sa mga alegasyon laban kay VP Sara—partikular sa isyu ng ₱650 milyong confidential funds na umano’y hindi naipaliwanag—dapat hayaan na ng Korte Suprema na magpatuloy ang impeachment proceedings. Period!
XXX
‘WAG SANANG KALIMUTAN NG MARCOS ADMIN ANG MGA MAGSASAKA AT MANGINGISDA, BIGYAN DIN SILA NG AYUDANG FUEL SUBSIDY – Hindi lamang mga tsuper ng pampublikong transportasyon ang dapat bigyan ng fuel subsidy ng administrasyong Marcos.
Ang mga magsasaka at mangingisda ay gumagamit din ng gasolina sa kanilang pagsasaka at pangingisda, kaya hindi sila dapat kalimutan ng gobyerno. Dapat ding mabigyan sila ng kaukulang fuel subsidy. Please lang!




Comments