Buhay-Pransiskano at ang diwa ng Hubileyo ni San Francisco
- BULGAR
- 5h
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 8, 2026

Itinalaga kamakailan ni Papa Francisco ang taong 2026 bilang Hubileyo ni San Francisco ng Assisi (Jubilee of St. Francis). Magsisimula ito sa ika-10 ng Enero 2026 at magtatapos sa ika-10 ng Enero 2027. Namatay si San Francisco ng Assisi noong ika-3 ng Oktubre 1226. Sa kanyang banig ng karamdaman, sinabi niya sa kanyang mga unang kasama:
“Nagawa ko na ang aking tungkulin; nawa’y ituro ni Kristo ang sa inyo.”
Buong galak at pasasalamat itong tinanggap ng Pamilyang Pransiskano. Para sa akin, ito ay hindi lamang isang makasaysayang balita kundi isang paanyaya ring balikan ang personal kong paglalakbay sa buhay-Pransiskano.
Noong Agosto 2011, nagpasya akong dumalaw kay Padre Baltazar Obico, OFM, Provincial Superior ng Order of Friars Minor. Buong pag-aalinlangan kong itinanong kung may posibilidad pa bang ang isang 56-anyos na pari ay maging bahagi ng mga Pransiskano. Napatawa si Padre Baltazar, kaya agad kong sinabi, “Kung hindi po maaari, ayos lang po. Tatanggapin ko ang katotohanan.” Ngunit ipinaliwanag niya na ang kanyang tawa ay bunga ng tuwa, hindi ng pag-aalinlangan. Ayon sa kanya, bagama’t may edad na ako, malinaw namang may lakas pa at mabuting hangarin. Gayunman, kailangan pa raw itong pag-usapan sa konseho.
Lumipas ang ilang buwan nang walang balita—Setyembre, Oktubre, Nobyembre, Disyembre, hanggang Enero 2012. Sa unang mga araw ng Pebrero, tumawag si Padre Baltazar upang ipaalam na tinanggap na ako bilang postulante. Dito nagsimula ang aking paglalakbay sa makulay at mapanghamong landas ng buhay-Pransiskano.
Bilang postulante at kalaunan aspirante, nakipamuhay ako sa iba’t ibang misyon ng mga Pransiskano—mula Bagong Sirang sa Catanduanes, Palanan sa Isabela, hanggang Santa Ana sa Cagayan. Nang matapos ang panahon ng aspirancy, tinanong ako kung handa na akong pumasok sa Nobisyado. Buong galak at sigasig ang aking sagot: “Oo.”
Noong Marso 2013 nagsimula ang aking nobisyado. Ilang araw pa lamang ang nakalilipas nang maganap ang Conclave kasunod ng pagreretiro ni Papa Benito XVI. Ika-13 ng Marso 2013 nang lumitaw ang puting usok mula sa Kapilya Sistina—“Habemus Papam!” Ang bagong Papa ay pinangalanang Francisco. Mula noon, si San Francisco ng Assisi ay naging isa sa pinakamahalagang inspirasyon ng aking buhay-paglilingkod bilang pari.
Lubhang nagluksa ang mundo nang pumanaw si Papa Francisco noong ika-21 ng Abril 2025, Lunes matapos ang Linggo ng Pagkabuhay. Marami ang nagtanong kung ano ang mangyayari sa kanyang mga nasimulan at ipinangarap. Hindi nagtagal, nahalal ang kanyang kahalili sa katauhan ni Papa Leo XIV. Lumitaw ang tanong: ipagpapatuloy kaya niya ang adhikain ni Papa Francisco?
Ang sagot ay unti-unting naging malinaw. Inilabas ni Papa Leo XIV ang liham na “Dilexi Te,” isang dokumentong sinimulan pa ni Papa Francisco bilang karugtong ng “Dilixit Nos.” At sa ikalawang taon ng kanyang pontipikado, idineklara ni Papa Leo XIV ang 2026 bilang Hubileyo ni San Francisco ng Assisi.
Kung naging mahalaga si San Francisco kay Papa Francisco dahil sa panawagan para sa pangangalaga ng kalikasan, mahalaga rin siya kay Papa Leo XIV sa harap ng matinding banta ng pandaigdigang digmaan. Inialay ni San Francisco ang kanyang buong buhay sa pagpapalaganap ng kapayapaan—sa sangkatauhan at sa sangkalikasan, sa lahat ng antas at anyo ng buhay—ang kapayapaang nagmumula kay Kristo, ang kapayapaang kaloob ng Diyos.
Sa kasalukuyan, patuloy ang paglala ng hidwaan sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa Estados Unidos, lantad ang matinding pagkakahati. Mainit ang tensyon sa Iran at sa Venezuela, at maging sa ating bansa—sa Senado, Kongreso, lansangan, tradisyunal na media, at social media—ramdam ang bangayan at pagkakahati-hati.
Dahil dito, napapanahon at kinakailangang pairalin ang Hubileyo ni San Francisco—isang Hubileyo ng Kapayapaan—sa mundong lugmok sa karahasan at kultura ng kamatayan.
O San Francisco ng Assisi, tulungan mo kaming maging tinig at daluyan ng kapayapaang nagmumula sa Diyos. Amen.




