Buffalos vs Sibugay sa VisMin Cup Finals
ni Gerard Arce - @Sports | December 15, 2021

Magkakaalaman na kung sino ang tunay na hari ng Mindanao Challenge sa paghaharap ng #3 seed na BYB Kapatagan Buffalos kontra sa #4 Zamboanga Sibugay Anak Mindanao Warriors ngayong araw sa Game One ng CTG Pilipinas VisMin Super Cup sa Pagadian City Gymnasium sa Zamboanga del Sur.
Kapwa kinabig ng Kapatagan at Zamboanga Sibugay ang panalo nitong nagdaang Lunes ng gabi kontra Pagadian Explorers at top seed Globalport Z Valientes MisOr sa iskor na 66-56 at 81-64, ayon sa pagkakasunod. Magtatapat ang dalawang koponan ng 8 p.m.
“Hindi ko inisip noong mag-umpisa kami rito na makakaabot kami sa Finals. Hindi talaga!,” pahayag ni Kapatagan head coach Jaime Rivera sa pagpasok sa championship round.
Paniguradong aasahan muli ni Rivera para sa Kapatagan sina Jonel Bonganciso, Gayford Rodriguez, Garexx Puerto at KD Ariar na naging sandalan ng koponan para selyuhan ang pagtuntong sa finals.
Nagsumikap ang Zamboanga Sibugay pagdating sa depensa at mainit na opensa para magtagumpay kontra sa top seed na Globalport MisOr nang pumutok sa laro si Jaybie Mantilla sa ikinamadang 19 pts at 9 rebounds at ibaon ang katunggali. “Nag-materialize lahat ng hardwork namin especially 'yung offense namin,” saad ni Warriors head coach Arnold Oliveros.
Tiyak na kakapit din ang Zamboanga kina Cris Dumapig, Jan Jamon at Monbert Arong para suportahan si Mantilla sa opensa.





Comments