top of page

Bonoan, dapat lang na nag-resign sa dami ng nabulgar na katiwalian sa DPWH

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 1
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | September 1, 2025



Prangkahan ni Pablo Hernandez


CONSTRUCTION FIRMS NG AMA AT HALF-BROTHER NI SEN. BONG GO, WALA SA TOP 15 CONTRACTORS NA IBINULGAR NI PBBM NA NAKAKOPO NG SANGKATUTAK NA FLOOD CONTROL PROJECTS, KAYA ATAKE SA SENADOR PANINIRA LANG DAHIL FRONTRUNNER SA PAGKA-VP SA 2028 ELECTIONS -- Sa ibinulgar ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) na top 15 contractors na nakakopo sa Dept. of Public Works and Highways (DPWH) ng sangkatutak na flood control project ay wala rito ang mga construction firm na CLTG Builders na pag-aari ng ama ni Sen. Bong Go at Alfrego Builders and Supply na pag-aari naman ng half-brother ng senador.


Ibig sabihin niyan ay hindi kasama sa iniimbestigahan ng pamahalaan ang mga construction firm ng ama at half-brother ni Sen. Bong Go, na talagang pinupulitika lang ang senador sa isyu ng flood control projects dahil nga sa mga survey na naglalabasan, siya ang frontrunner o pinakamalakas na kandidato sa pagka-vice president sa 2028 elections, period!


XXX


SEC. BONOAN, SA DAMI NG NABULGAR NA KATIWALIAN SA DPWH, DAPAT LANG TALAGA NA NAG-RESIGN SIYA -- Tinanggap na ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang resignation ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, halos araw-araw kasi ay pinuputakti siya ng pamba-bash ng netizens sa social media tungkol sa mga nabulgar na anomalya sa flood control projects ng top 15 contractors ng DPWH.


Meron din palang delicadeza si Sec. Bonoan sa kanyang sarili dahil nga may tauhan siya, si DPWH 1st District Engr. Abelardo Calalo na nahuli sa entrapment operation ng mga otoridad habang nagbibigay ng suhol kay Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste, may tauhan din siya, si DPWH-Bulacan 1st District Engr. Henry Alcantara na isinangkot ni Sen. Ping Lacson sa mga ‘ghost’ project at substandard na mga flood control project sa unang distrito ng Bulacan, may tauhan siya, si DPWH-Region 4-B Director Engr. Gerald Pacanan na sangkot sa mga iregularidad na proyekto sa Mindoro -- Occidental at Oriental, Marinduque, Romblon at Palawan (Mimaropa). Dahil diyan tama lang na nag-resign siya at hindi kapit-tuko sa puwesto, boom!


XXX


DAHIL REJECT NA ANG REGISTRATION NG DUTERTE YOUTH KAYA DAPAT HILINGIN NG COMELEC SA KORTE NA IPASAULI SA KABAN NG BAYAN MGA SINUWELDO SA KAMARA NG MISIS AT HIPAG NI CARDEMA -- Sa botong 5-1-1 ng Comelec en banc ay tuluyan nang ibinasura ng komisyon ang registration ng Duterte Youth Partylist dahil sa maraming paglabag sa Comelec Code, at dahil sa desisyon na iyan ay wala nang mauupong representante sa Kamara ang partylist na ito.


Dapat ang next na gawin ng Comelec ay hilingin sa korte na atasan ang misis at hipag ni Duterte Youth Chairman Ronald Cardema na ibalik sa kaban ng bayan ang tinanggap nilang suweldo bilang mga naging representante ng kanilang partylist noong 18th Congress at 19th Congress dahil mismong komisyon na ang nagdesisyon na sa simula pa lang ay labag na pala ang pagiging partylist nito, period!


XXX


MARAMING KURAKOT KAYA MARAMING MAHIRAP SA ‘PINAS -- Sa survey ng Social Weather Station (SWS) na isinapubliko nitong nakalipas na August 3, 2025 ay 49% o halos kalahati ng pamilyang Pinoy ang nakakaranas ng hirap sa Pilipinas.


Ang dahilan kaya maraming Pinoy ang nakakaranas ng hirap sa ‘Pinas, dahil marami rin ang mga kurakot sa pamahalaan, tsk!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page