Bonoan, biglang nanghina nang maaresto sa flood control scam, naka-wheelchair pa!
- BULGAR

- 6 days ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | June 4, 2026

NGAYONG ARAW SA KOMITE NI SEN. MARCOLETA, HUHUBARAN NA NG MASKARA NG 18 EX-MARINES ANG MGA PINAGDELIBERAN NILA NG MALE-MALETANG PERA — Ngayong Hunyo 4, muling sisimulan ng Senate Blue Ribbon Sub-Committee na pinamumunuan ni Sen. Rodante Marcoleta ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y flood control scandal.
Marami ang naghihintay kung sinu-sino sa mga taga-Malacañang, senador, kongresista, at iba pang opisyal ng gobyerno ang posibleng madawit sa mga alegasyong ilalahad ng 18-ex marines tungkol sa umano’y maleta-maletang perang nagmumula sa kickback sa mga flood control project. Abangan!
XXX
MABUTI AT IBINASURA NG SANDIGANBAYAN ANG HIRIT NI CONG. ROMUALDEZ NA TANGGALIN ANG INILABAS SA KANYANG HOLD DEPARTURE ORDER — Ibinasura ng Sandiganbayan ang kahilingan ni Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez na ipawalang-bisa ang precautionary hold departure order (PHDO) na inilabas laban sa kanya.
Mabuti na lamang at hindi ito pinaboran ng korte. Gayunman, mahalagang tandaan na ang PHDO ay isang preventive measure lamang at hindi nangangahulugang may hatol na laban sa sinuman. Ang mga alegasyon ng plunder, indirect bribery, at money laundering ay kailangan pa ring dumaan sa wastong proseso ng imbestigasyon at pagdinig upang matukoy kung may sapat na batayan ang mga ito. Period!
XXX
CONG. KIKO BARZAGA SINIBAK NA, KAILAN NAMAN KAYA SISIBAKIN NG KAMARA ANG 8 KONGRESISTANG TINAGURIANG MGA ‘CONG-TRACTOR?’ — Tinanggal na ng mayorya ng mga kongresista si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga bilang miyembro ng House of Representatives.
Ang tanong naman ngayon: Kailan kaya magkakaisa ang mayorya ng Kamara upang papanagutin at imbestigahan nang husto ang walong tinaguriang “Cong-Tractor” na nasasangkot umano sa kontrobersiya ng mga flood control projects?
XXX
NOONG NAKIKIPARTE SI BONOAN SA KICKBACK SA FLOOD CONTROL PROJECTS ANG LAKAS-LAKAS NIYA, TAPOS NGAYONG ARESTADO NA, NANGHINA NA, NAKA-WHEELCHAIR PA — Sa mga kinasuhan at inaresto ng mga otoridad kaugnay ng umano’y flood control projects scam, si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan ang pinagtawanan ng mga netizen sa social media.
Kasi nga naman, noong umano’y nakikinabang pa siya sa mga kickback sa flood control projects, ang lakas-lakas daw niya. Pero nang maaresto at maiharap sa Sandiganbayan, aba’y naka-wheelchair na, may sakit daw at nanghihina na. Boom!



Comments