Blue Ribbon Committee posibleng mabalik kay Sen. Marcoleta, PBBM, lagot
- BULGAR

- 13 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | May 13, 2026

PARANG NAKASANDAL NA SA PADER SA KASONG IMPEACHMENT SI VP SARA KASI SI SEN. ALAN CAYETANO NA ANG SP – Ang botohan kamakalawa sa plenaryo ng Kamara para sa impeachment kay Vice President Sara Duterte ay sinabayan ng ilang usapin sa Senado, kung saan iniulat na sinubukan ng minority sa pamumuno ni Sen. Alan Cayetano na hikayatin ang ilang miyembro ng majority, kabilang sina Sen. Pia Cayetano, Sen. Loren Legarda, at ang magkapatid na Sen. Mark at Camille Villar, na sumama sa kanilang panig sa pagpapalit ng liderato sa Senado.
Ayon sa mga ulat, nauwi ito sa pagkakapalit ng pamumuno sa Senado at pag-upo ng bagong Senate President.
Dahil dito, sa kabila ng 257 kongresistang bumoto ng “yes” para sa impeachment ni VP Sara sa Kamara, sinasabing tila nabawasan ang tensyon sa panig ng bise presidente dahil sa pagkakaroon ng mas maraming kaalyado sa Senado ang mga pro-Duterte.
Sa kabuuan, lumitaw na mas naging paborable para sa kampo ng bise presidente ang bagong balanse ng kapangyarihan sa Mataas na Kapulungan. Boom!
XXX
MAG-ASAWANG ES RECTO AT GOV. VILMA, PATI MGA STL-BOOKIES, LAGOT SA IMBESTIGASYON NI SEN. LEGARDA – Noong Mayo 4, 2026, nagsumite umano si Sen. Legarda ng resolusyong humihiling ng imbestigasyon kina Executive Sec. Ralph Recto at Gov. Vilma Santos kaugnay ng hindi pagsama sa pagbibigay ng ayuda o cash assistance sa 84 barangay na sakop ng distrito ng anak niyang si Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda-Leviste, ngunit hindi ito nabigyang-pansin ng liderato ng Senado noon.
Ayon sa ilang obserbasyon, maaaring isa ito sa mga naging isyu na nagdulot ng tensyon sa loob ng liderato ng Mataas na Kapulungan. Sa kasalukuyan, sa ilalim ng bagong Senate leadership, muling lumutang ang panawagan para sa posibleng imbestigasyon hinggil sa umano’y hindi patas na distribusyon ng ayuda sa mga naturang barangay.
Kasabay nito, isinusulong din ng ilang mambabatas na imbestigahan ang mga alegasyon ng ilang isiniwalat na ugnayan sa operasyon ng STL sa ilang personalidad, pati na rin ang operasyon nito sa iba’t ibang lugar sa bansa, kabilang ang mga lugar na nasa hurisdiksyon ng ilang lokal na opisyal.
Giit ng mga nananawagan, mahalagang masuri ang mga naturang isyu upang matiyak na walang iregularidad sa pamamahagi ng pondo ng gobyerno at upang mapigilan ang anumang uri ng raket na posibleng nakakaapekto sa mahihirap na mamamayan. Period!
XXX
BALIK NA KAY SEN. MARCOLETA ANG BLUE RIBBON COMMITTEE KAYA LAGOT SI PBBM – Dahil si Sen. Alan Cayetano na ang magiging Senate President, inaasahang maibabalik kay Sen. Rodante Marcoleta ang chairmanship ng Senate Blue Ribbon Committee.
Sa ganitong senaryo, inaasahang maaaring maungkat ang ilang imbestigasyon sa mga isyu na may kinalaman sa umano’y iregularidad, kabilang ang mga alegasyon na may kaugnayan sa pondo at mga testimonya ng ilang dating marino at ni retiradong Sgt. Orly Guteza.
Kung matutuloy ang mga pagdinig, posibleng muling mabigyan ng pansin ang mga isyung ito na maaaring umabot sa Malacañang, depende sa magiging resulta ng imbestigasyon. Abangan!
XXX
SARILI ANG ISINAKRIPISYO NI SEN. DELA ROSA PARA ILIGTAS SA IMPEACHMENT SI VP SARA – Ang isang boto ni Sen. Ronald Dela Rosa ang naging dahilan kung kaya’t si Sen. Alan Cayetano na ngayon ang SP, at ang boto niya rin ang maaaring makapagligtas kay VP Sara sa impeachment.
Sa ngayon, may warrant of arrest siya mula sa International Criminal Court (ICC) at anumang araw ay posibleng maaresto siya at makulong sa ICC jail sa The Hague. Kapag nangyari ito, maaaring ituring siyang bayani ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) dahil isinakripisyo niya ang kanyang sarili para mapatalsik si Tito Sen bilang SP at mailigtas sa impeachment si VP Sara. Period!





Comments