top of page
BIDA - CLAUDIA, PINAPAPALITAN NG BARRETTO ANG APELYIDO-IG _claudia & _dennisastig.jpg

Bisa ng kasal na pinangunahan ng isang taong walang awtoridad

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • May 15
  • 2 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | May 15, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Ang asawa ko ay may kinakasamang iba. Kamakailan lang ay sinabi niya sa akin na nais niyang ipawalang-bisa ang aming kasal dahil ang nagkasal diumano sa amin ay walang awtoridad na magsagawa ng kasal. Sa higit sampung taon naming pagsasama, ngayon lang niya ito sinabi sa akin kaya ang paniniwala ko ay may karapatan magkasal ang nasabing tao. Tama ba na mawawalan ng bisa ang aming kasal dahil sa kakulangan ng awtoridad ng nagkasal sa amin? Salamat. — Geno





Dear Geno,


Ang kasal ay isang sagradong bagay na, ika nga ng kasabihan, ay hindi parang mainit na kanin na kapag napaso ay maaaring iluwa. Kaya’t mahigpit ang panuntunan ng mga umiiral na batas sa ating bansa hinggil sa pagpapawalang-bisa ng kasal. 


Sang-ayon sa Artikulo 4 ng Family Code of the Philippines, “[t]he absence of any of the essential or formal requisites shall render the marriage void ab initio, except as stated in Article 35 (2).” Sa madaling sabi, kung ang isa sa mga rekisitos ng kasal gaya ng awtoridad ng opisyal na nagdaos ng kasal (authority of the solemnizing officer) ay wala, maaaring mapawalang-bisa o madeklara na void ab initio ang isang kasal. 


Ngunit ang nasabing probisyon ay may eksepsyon. Ito ay ang nakasaad sa Artikulo 35(2) ng Family Code, na nagsasaad na: 


ARTICLE 35. The following marriages shall be void from the beginning:


(2) Those solemnized by any person not legally authorized to perform marriages unless such marriages were contracted with either or both parties believing in good faith that the solemnizing officer had the legal authority to do so;


Maliwanag sa nabanggit, kung ang isa o parehas na partido ay nasa kalagayang good faith sa paniniwala na ang taong nagkasal sa kanila ay may karapatan at awtorisado na magsagawa ng seremonya ng kasal, ang kasal ay mananatiling may bisa kahit na sa katotohanan ay hindi talaga awtorisado ang nasabing tao. 


Sa iyong kalagayan at base sa iyong salaysay, sa higit sampung taong pagsasama ninyo ng iyong asawa, ikaw ay naniniwala at walang alinlangan na awtorisado ang nagkasal sa inyo. Dahil dito, ang iyong sitwasyon ay maaaring pumasok sa nabanggit na eksepsyon, at mananatiling may bisa ang inyong kasal kahit na mapatunayan na hindi awtorisado ang nagkasal sa inyo, maliban na lamang kung may iba pang basehan upang ito ay mapawalang-bisa.


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.

Recent Posts

See All

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page