Bill ni Sen. Robin ukol sa hair follicle drug test, patama kay PBBM?!
- BULGAR
- 3 hours ago
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 21, 2025

SABLAY ANG DISKARTENG PABIDA NI PBBM SA FLOOD CONTROL PROJECT SCAM DAHIL ‘DI SIYA ANG SUMIKAT KUNDI SINA SENS. MARCOLETA AT ESTRADA -- Sablay ang naging diskarte ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) sa kanyang pabida patungkol sa ibinulgar niyang 15 kontraktor ang nakakopo ng sangkatutak na flood control projects dahil ang mga naging sikat sa isyung ito ay sina Sen. Rodante Marcoleta, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee at Senate President-Pro Tempore Sen. Jinggoy Estrada na kapwa gumisa sa mga kontratistang nasasangkot sa pang-i-scam umano sa pera ng bayan na inilaan sa mga proyektong pangontra sa baha.
Kung ang ginawa ni PBBM after niyang ibulgar ang isyung ito ay agad niyang inatasan ang Dept. of Justice (DOJ), National Bureau of Investigation (NBI), Office of the Ombudsman at Commission on Audit (COA) na magsanib-puwersa at imbestigahan ang 15 kontraktor na nasasangkot sa mga flood control project scam at ang imbestigasyon ay live telecast, siya sana ang sikat at hindi sina Marcoleta at Estrada, period!
XXX
PALPAK ANG LIDERATO NI VP SARA SA DEPED NOON DAHIL MAS NAGPOKUS SIYA SA PAGGASTA SA CONFI FUND KAYA WALA SIYANG ‘K’ PUNAHIN ANG KALIDAD NG EDUKASYON SA ‘PINAS -- Na-bash na naman si Vice Pres. Sara Duterte-Carpio sa atake niya sa Marcos administration na kesyo napaghuhuli raw ang Pilipinas sa sistemang edukasyon dahil hanggang ngayon daw ay lapis at papel pa rin ang ginagamit ng mga batang mag-aaral sa ‘Pinas kumpara sa ibang bansa na robotics at coding na raw ang gamit sa pag-aaral.
Sa totoo lang, maba-bash talaga sa isyung ito si VP Sara dahil wala siyang “k” pumuna sa education system sa bansa, dahil naging Dept. of Education (DepEd) secretary siya pero lumabas na palpak ang pamumuno niya rito, hindi niya nagawang gawing de-kalidad ang edukasyon sa ‘Pinas, dahil tila mas nagpokus siya kung paano gagastahin ang kanyang DepEd confidential fund, boom!
XXX
PANUKALANG BATAS NI SEN. PADILLA PATUNGKOL SA HAIR FOLLICLE DRUG TEST PATAMA KAY PBBM?! -- Matapos masangkot ang staff ni Sen. Robin Padilla na si former actress Nadia Montenegro sa isyung paggamit ng marijuana umano sa loob ng comfort room ng Senado, na bagama’t itinanggi ng dating aktres ang paratang, ay nagsulong ng panukalang batas ang actor-turned senator (Padilla) na yearly ay dapat daw sumailalim sa drug test sa pamamagitan ng hair follicle drug test ang lahat ng mga elected at gov’t. officials.
Walang duda, ang panukalang batas na ito ni Sen. Padilla ay patama kay PBBM kasi nga matapos na sabihin noon ni former Pres. Rodrigo Roa Duterte (FPRRD) na adik umano ito (PBBM) sa cocaine, at sundan ng hamon ng mga Duterte Diehard Supporters (DDS) sa Presidente na magpa-hair follicle drug test ay dedma lang si PBBM sa mga panawagang ito sa kanya.
‘Ika nga, sakaling maisabatas ang panukalang ito ni Sen. Padilla ay wala nang kawala sa hair follicle drug test si PBBM, maliban na nga lang kung ibi-veto niya ito, boom!
XXX
DAPAT HAIR FOLLICLE DRUG TEST AT HINDI URINE DRUG TEST ANG ISAGAWA SA SENADO -- Tinanggap na ni Senate Pres. Chiz Escudero ang panawagan ni Senate Minority Leader Sen. Tito Sotto na ipa-drug test ang lahat ng mga senador, kanilang mga staff, mga opisyal at mga kawani ng Senado.
Dapat huwag urine drug test, sa halip dapat ay hair follicle drug test ang gawin dahil ayon sa report ay tatlong araw lang magtiis na hindi gumamit ng droga ang adik, na kapag ihi ang itinest sa kanya negatibo na ang resulta ng drug test nito, pero kung buhok ang ite-test, lagot d’yan ang mga adik-adik sa Senado, wala rin silang kawala sa ganitong (hair) uri ng drug test, period!
Comentários