top of page

Biktimang nagmagandang loob, buhay ang naging kapalit

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 3 days ago
  • 6 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Daing mula sa hukay | August 16, 2025



ISSUE #362


Bahagi na ng buhay ng mag-asawa o pamilya ang pagkakaroon ng mga hindi pagkakaunawaan o problema. Subalit, anuman ang kanilang pagdaanan, dapat manatili lamang sa kanilang pagitan ang mga ‘di pagkakasundo upang ‘di na makasakit o makapandamay pa ng iba. 


Sa hindi inaasahang tagpo ng mga pangyayari, ang biktima sa kuwento na aming ibabahagi sa araw na ito na hango sa kasong People of the Philippines vs. Mark Anthony Neri y Solomon (G.R. No. 270757, October 30, 2024), nadamay ang biktima sa away na nagsimula sa pagitan ng mag-asawa na kanyang kapitbahay. 


Ang biktima ay si Lorenzo, nalagay siya sa kapahamakan, hanggang sa nauwi sa hindi inaasahang kamatayan.


Samahan ninyo kami sa pagbabahagi ng sinapit ni Lorenzo, at alamin natin kung naihatid ba sa kanya ang karampatang hustisya.


Kasong murder ang isinampa sa Regional Trial Court (RTC) ng Olongapo City bunsod ng pamamaslang, nang merong pagtataksil sa biktima na si Lorenzo, at si Mark ang pinaratangang salarin sa naturang krimen. 


Naganap ang malagim na insidente ng pamamaslang bandang alas-8:00 ng gabi, noong ika-18 ng Hunyo 2016, sa isang barangay sa Subic, Zambales.


Batay sa bersyon ng Tagausig, bandang alas-7:00 ng gabi, noong ika-18 ng Hunyo 2016, narinig ng saksi na si Rolinda na nagtatalo sina Mark at ang asawa nito. 

Si Rolinda ay kapitbahay ng nabanggit na mag-asawa at siya umano ay naglalaba noong oras na iyon. 


Napansin niya rin na meron diumanong hawak na bolo ang asawa ni Mark at narinig na pasigaw nitong sinabi na, kaya nitong tagpasin ang ulo ni Mark sa harap ng maraming tao. Tahimik lamang diumano si Mark, ngunit kinuha niya ang bolo at dinala sa kapitbahay. Sapagkat naalarma na umano si Rolinda na maiskandalo ang pagtatalo ng mag-asawa, sinabihan niya si Lorenzo na tumawag ng kagawad upang pahupain ang pagtatalo sa pagitan ng mag-asawa.  


Ang saksi ng tagausig na si Kag. Christopher, ang sumama kay Lorenzo sa bahay nina Mark. 


Naiwan diumano si Lorenzo na nakaupo sa tricycle, habang hinanap ni Kagawad Christopher si Mark mula sa asawa nito. Laking gulat na lamang diumano ni Kag. Christopher nang marinig ang sigaw ng mga tao sa kalsada ng, “Sinaksak na siya! Ayon na, tinakbo na! Sinaksak na siya!” 


Pagkalingon diumano ni Kag. Christopher, nakita niya si Mark na merong hawak na kutsilyo, katabi ang duguang si Lorenzo na merong saksak sa likod. 


Sinubukan pa umano na tumakbo palayo ni Lorenzo, subalit hinabol pa rin siya ni Mark, at ilang ulit pang pinagsasaksak sa dibdib.


Agad na humingi ng saklolo si Kag. Christopher, at agad namang nagtungo sa pinangyari ng insidente ang barangay tanod na si Efren. 


Duguan na ng maabutan ni Efren ang biktima, habang si Mark nama’y napaliligiran na ng mga tao at nakahandusay sa lupa. Nang bitiwan ni Mark ang kutsilyo, kinuha ito ni Efren at kanyang iniabot kay Kag. Christopher. Nang mahawakan nila si Mark, agad itong dinala sa himpilan ng pulisya. 


Gayunpaman, nadala man sa pagamutan si Lorenzo, subalit hindi na naisalba ang kanyang buhay. 


Batay sa pagsusuri ni Dr. Afable, saksi para sa tagausig, agad na binawian ng buhay si Lorenzo matapos ang pananaksak.


Mariing pagtanggi naman ang iginiit ni Mark sa hukuman ng paglilitis. Diumano, nang humupa ang pagtatalo sa pagitan nilang mag-asawa, noong ika-18 ng Hunyo 2016, pumasok na siya ng kanilang bahay at nagpahinga. 


Pinuntahan na lamang diumano siya sa kanyang bahay ni Kag. Christopher at inaresto kaugnay sa pamamaslang kay Lorenzo.


Nagbaba ang RTC ng hatol noong ika-22 ng Hulyo 2019. “Guilty beyond reasonable doubt” si Mark para sa krimen na murder. 


Batay sa desisyon ng hukuman ng paglilitis, napatunayan ng panig ng tagausig na merong pagtataksil ang ginawang pananaksak ni Mark, na kagyat na nagdala sa biktima sa kanyang huling hantungan. 


Paliwanag ng RTC, ang biglaang pananaksak ng salarin habang nakatalikod ang biktima ay nagbigay ng kasiguraduhan na hindi makakaganti o maipagtatanggol ng biktima ang kanyang sarili. 


Parusa na reclusion perpetua ang ipinataw kay Mark, at ipinag-utos ng hukuman ang kanyang pagbabayad-pinsala ng halagang P100,000.00, P100,000.00 para sa moral damages, P100,000.00 para sa exemplary damages, at P50,000.00 para sa temperate damages.


Iginawad ang mga nabanggit na halaga para sa mga naulila ni Lorenzo, na may 6% interes bawat taon, mula sa petsa na maging pinal ang nasabing hatol hanggang sa mabayaran ang kabuuan ng mga nasabing halaga.


Inapela ni Mark ang nabanggit na desisyon sa Court of Appeals Manila. 

Sa tulong at representasyon ni Manananggol Pambayan C.J.V. Soriano-Ellema, mula sa aming PAO-Special and Appealed Cases Service (PAO-SACS), hiniling ng depensa na mabaliktad ang hatol kay Mark, sapagkat hindi umano napatunayan ng panig ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng murder, partikular na ang sirkumstansya na pagtataksil o treachery. Wala rin umanong ebidensya na nagpapatunay ng pagkakasala ni Mark.


Hindi ipinagkaloob ng CA Manila ang hiling ni Mark sa kanyang apela. 


Para sa appellate court, sapat na naitaguyod ng tagausig ang lahat ng mga elemento ng murder, maging ang sirkumstansya na pagtataksil o treachery. 


Binigyang-halaga ng CA Manila ang testimonya ni Kag. Christopher, na nakaupo lamang umano ang biktima, walang armas o sandata, nang bigla na lamang salakayin ng inakusahan at saksakin sa likod nito. Nang subukang lumayo ng biktima ay hinabol pa ito ng inakusahan at makailang ulit pang pinagsasaksak.


Iniakyat ni Mark ang kanyang hiling na mapawalang-sala sa Kataas-taasang Hukuman. 

Bilang paalala, binigyang-diin ng Second Division ng Kataas-taasang Hukuman na sa pamamagitan ng pag-aapela ay nabubuksan ang buong kaso para sa muling pag-aaral at pagsusuri. 


Sa sitwasyon ni Mark, naging kapuna-puna sa Kataas-taasang Hukuman ang paratang laban sa kanya. “Merong pagtataksil” o “with treachery” lamang ang isinaad sa naturang paratang; at hindi inilahad ng tagausig kung ano ang mga partikular na akto na bumubuo sa nasabing sirkumstansya kaugnay sa insidente ng pananaksak. 


Sa kabila nito, hindi kinuwestiyon ni Mark ang naturang depekto hanggang natapos ang paglilitis. Dahil sa kapabayaan na iyon, naipaubaya na ni Mark ang kanyang karapatan na kuwestyunin pa ang naturang depekto.


Gayunpaman, sang-ayon ang Kataas-taasang Hukuman sa iginiit ng depensa na hindi napatunayan ng tagausig ang sirkumstansya na treachery o pagtataksil. 


Binigyang-linaw ng Kataas-taasang Hukuman na maaari lamang masabi na merong pagtataksil kung mapatunayan ang parehong kundisyon na ito; Una, na gumamit ang inakusahan ng paraan o pamamaraan na nagbigay ng kasiguraduhan ng pagsasakatuparan ng krimen, at kanilang kaligtasan mula sa anumang maaari na pagdedepensa ng biktima. Ikalawa, na sadyang pinili ng inaakusahan ang naturang paraan o pamamaraan. 


Ipinaliwanag ng Kataas-taasang Hukuman na sa kaso ni Mark, hindi maituturing na merong pagtataksil sa nangyaring pananaksak sa biktima. Bagama't nasaksihang sinalakay ni Mark ang biktima, hindi umano malinaw na naitaguyod ng tagausig kung sadya ba na pinili ni Mark ang naturang paraan o pamamaraan ng pananalakay bilang pagsiguro ng pagsasakatuparan ng krimen at ng kanyang kaligtasan.


Ipinaliwanag din ng Kataas-taasang Hukuman na kinakailangan na mapatunayan ang sirkumstansya ng pagtataksil sa umpisa pa lamang ng pananalakay upang mabigyang-halaga ito bilang elemento ng krimen na murder. Sa kaso umano ni Mark, hindi naitaguyod ng tagausig kung paano nagsimula ang sinasabing pananalakay ng inakusahan sa biktima. 


Ang mga sigaw ng mga tao na nasa kalsada nang maganap ang insidente ay nagpakita lamang ng katotohanan na nasaksak na ang biktima, subalit hindi kung papaano nagsimula ang pananaksak. Maging si Kag. Christopher ay nakita na lamang na meron nang saksak at duguan na ang biktima, ngunit hindi niya nasaksihan kung paano nagsimula ang pananalakay sa kaawa-awang biktima.


Sapagkat hindi umano maaari na isapantaha ng Kataas-taasang Hukuman na sadyang pinili ni Mark ang paraan ng pananalakay, kulang ang mga elemento upang mahatulan si Mark para sa krimen na murder. 



Gayunpaman, napatunayan ng tagausig na pumanaw ang biktima at ang kanyang pagpanaw ay bunsod ng makailang ulit na pananaksak na ginawa ni Mark, maaari siyang hatulan para sa krimen na homicide. 


Kung kaya’t noong ika-30 ng Oktubre 2024, naglabas ng resolusyon ang Second Division ng Kataas-taasang Hukuman at bahagyang binago ang desisyon ng CA Manila. “Guilty beyond reasonable doubt” si Mark para sa krimen na homicide. 


Parusa na pagkakakulong ng 8 taon at isang araw na prision mayor bilang minimum, hanggang 14 na taon, 8 buwan, at isang araw na reclusion temporal bilang maximum, ang ipinataw na parusa sa kanya. 


Ipinag-utos din ang kanyang pagbabayad-pinsala sa halagang P50,000.00, moral damages na halagang P50,000.00, at temperate damages na halagang P50,000.00, sa mga naulila ni Lorenzo, na merong karagdagan na 6% interes bawat taon, mula sa petsa na maging pinal ang nasabing hatol hanggang sa mabayaran ang kabuuan na mga nasabi na halaga.


Ang nasabing resolusyon ay naging final and executory noong ika-12 ng Pebrero 2025.

Ang kuwento sa kaso natin ngayong araw ay isang paalala na tayo’y dapat mag-ingat sa bawat galaw at pakikisalamuha, sa loob man ng ating tahanan o labas. 


Hindi man natin maiwasan na mailabas ang ating mga personal na alitan o hindi pagkakaunawaan, ating pagsikapan na iwasang ilagay ang kapakanan ng ibang tao sa alanganing sitwasyon o sa anumang uri ng kapahamakan.


Hindi na maibabalik pa ang buhay ni Lorenzo. Kaya naman, ang kanyang pamilya ay patuloy na nangungulila bunsod ng pagkawala niya sa mundong ito. 


Kahit bahagyang nabago ang desisyon ng hukuman at bumaba ang hatol laban sa taong pumaslang sa kanya, nagkaroon naman ng katahimikan ang kanyang kaluluwa sa naihatid na hustisya.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page