Bienvenido Salinas, seminarista, asawa, ama, lolo, at pari magpakailanman
- BULGAR

- May 2
- 2 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 2, 2026

El Nido — isang tanyag na pasyalan. Malayo man, sulit ang ganda nito sa kabila ng gastos at hirap ng paglalakbay. Sa Hilagang Palawan matatagpuan ang iba pang kilalang destinasyon tulad ng Coron at Amanpulo—mga mamahaling “exclusive tourist beach resort” na madalas puntahan ng mga artista at bilyonaryo.
Ngunit hindi ang mga ito ang aming sadya. Sa halip, nagtungo kami sa bayan ng Taytay—hindi para sa turismo kundi upang samahan at saksihan ang natatanging biyayang ipinagkaloob sa isang matalik na kaibigan na itinuring ko nang kapatid: si Padre Bien, na naordenahang pari sa edad na pitumpu’t isa.
Marahil, isa siya sa pinakamatandang naordinahan sa kasaysayan ng Simbahang Katolika sa Pilipinas. Higit pa rito, kabilang siya sa iilan na tumanggap ng pitong sakramento: Binyag, Kumpisal, Unang Komunyon, Kumpil, Kasal, Sakramento ng May Sakit, at Banal na Orden.
Hindi lamang siya natatangi. Mayroon ding katulad niya—si Padre Lambert Ramos ng Diyosesis ng Antipolo, isang propesyonal na nabiyudo rin at naordinahan sa mas huling yugto ng kanyang buhay.
Ngunit hindi ang edad ang sentro ng kuwentong ito. Mas mahalaga ang landas na kanyang tinahak—isang buhay na dumaan sa maraming pagsubok at pagbabago. Malayo sa kanyang isipan noon ang pagbabalik sa bokasyon ng pagpapari. Iniwan niya ang seminaryo upang maging abogado, mag-asawa, at bumuo ng pamilya.
Nagkakilala kami ni Bien noong 1972. Mula noon, nabuo ang isang matibay na samahan. Noong isang Pasko, nalaman kong wala siyang pamasahe pauwi sa kanilang probinsya kaya inanyayahan ko siyang magdiwang kasama ang aming pamilya. Mula noon, sa amin siya madalas tumutuloy tuwing bakasyon.
Magkasama kaming nag-aral sa kolehiyo at sa seminaryo, bagamat sandali kaming nagkahiwalay nang magturo ako bilang bahagi ng aming pagsasanay. Nang bumalik ako, nauna na siya sa akin, ngunit makalipas ang ilang taon ay tuluyan na rin siyang lumabas ng seminaryo. Ako’y nagpatuloy hanggang sa maordenahan noong 1982, habang siya naman ay nagpatuloy sa buhay bilang abogado at ama ng kanyang pamilya.
Sa paglipas ng panahon, nanatili ang aming ugnayan sa pamamagitan ng mga reunion. Nakita ko kung paano niya binuo ang isang maayos na buhay—hanggang sa dumating ang mabigat na pagsubok: ang pagpanaw ng kanyang asawa.
Sa gitna ng matinding dalamhati, nagsimula siyang magtanong at maghanap ng direksyon. Sa panahong iyon, muli kaming nagtagpo. Ibinahagi niya ang kanyang damdamin—isang panibagong tawag na tila muling nabuhay sa kanyang puso.
Hindi ko iyon binalewala. Sinamahan ko siya sa kanyang paglalakbay pabalik sa seminaryo hanggang sa muli siyang tanggapin. Sa tulong ng mga kundisyong itinakda ni Obispo Broderick Pabillo, nasaksihan ko ang unti-unting pagdaloy ng biyaya na umakay sa kanya tungo sa kanyang ordinasyon.
Isang patunay na ang tawag ng Diyos ay hindi nasusukat ng edad, at hindi rin kailanman nawawala—maaaring maghintay, ngunit tiyak na muling magbabalik sa tamang panahon.
Maraming salamat, Obispo Broderick Pabillo. Maraming salamat, Atty. Padre Bienvenido Salinas. At higit sa lahat, papuri at pasasalamat sa Banal na Santatlo—Ama, Anak, at Espiritu Santo. Amen.





Comments