BI, imbestigahan din ni Remulla, nakalabas ng ‘Pinas si Elakim Patidongan gamit ang pekeng passport
- BULGAR

- Aug 6, 2025
- 3 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | August 6, 2025

KAHIT SA PANAHON NG DUTERTE ADMIN ‘DI SUMABIT ANG PANGALAN NI SEN. BONG GO SA PORK BARREL KAYA MALINAW NA FAKE NEWS ANG PAG-UUGNAY DITO SA SENADOR NGAYONG PANAHON NG MARCOS ADMIN -- Fake news ang pag-uugnay kay Sen. Bong Go sa pork barrel dahil ang senador ay maituturing na kalaban sa pulitika ng Marcos administration kasi malapit siya sa pamilya Duterte, na ‘ika nga, sa kasaysayan ng pulitika sa ‘Pinas ay hindi pa nangyari na ang hindi kakampi ng administrasyon ay biyayaan ng pork barrel ng Malacañang.
Sa totoo lang, trabaho lang at paggawa ng mga batas para sa kapakanan ng bayan at mamamayan ang ginagawa ni Sen. Bong Go at wala siyang paki sa pork barrel at patunay diyan na kahit sa panahon ng noo’y Pres. Rodrigo Roa Duterte (PRRD) ay hindi sumabit ang pangalan ni Sen. Bong Go sa pork barrel, walang nabalitang nagka-pork barrel siya, kaya’t imposibleng magka-pork barrel siya sa panahon ng Marcos admin, dahil hindi naman niya kakampi si PBBM.
Kaya maagang sinisiraan si Sen. Bong Go ay dahil siya ang front-runner sa pagka-vice president sa 2028 election, period!
XXX
KAPAG NATULOY ANG PAGHARAP NI MAYOR MAGALONG SA HOUSE HEARING TIYAK MARAMING PORK BARREL POLITICIANS NA NAGKAKAMAL NG PERA SA KICKBACK ANG TATAMAAN -- Tinanggap ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong ang hamon sa kanya ni Bicol Saro Partylist Rep. Teddy Ridon na dumalo sa House hearing kapag nagkaroon na ng imbestigasyon tungkol sa isiniwalat ng alkalde na kaliwa’t kanang kickback ang ginagawa ng mga kongresista sa mga hawak nilang pork barrel projects.
Kaabang-abang iyan, kasi sa totoo lang, taklesang alkalde itong si Mayor Magalong at sigurado, sandamakmak na pork barrel politicians ang tatamaan sa isasagawa nitong pagbubulgar kung sinu-sino sa mga cong. ang nagkakamal ng salapi sa kickback sa mga pork barrel projects, boom!
XXX
HUWAG NANG UNTI-UNTIIN, KUNG TOTOONG MAY ‘BALLS’ SI PBBM SA PAGLABAN SA CORRUPTION, PANGALANAN NA AGAD ANG MGA SANGKOT SA FLOOD CONTROL PROJECTS SCAM -- Sa kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong nakalipas na July 28, 2025 ay pinatamaan ni Pres. Bongbong Marcos (PBBM) ang mga sangkot sa flood control project scam nang sabihan niya ang mga ito ng ... "Mahiya naman kayo sa mga kapwa n’yo Pilipino," at kamakalawa (Aug. 4) ay sinabi ng Presidente na hawak na raw niya ang mga ebidensya laban sa mga kumurakot sa pondo ng mga flood control project.
Hay naku, inuunti-unti pa ni PBBM ang pagbubulgar sa pangalan ng mga sinasabi niyang mga “walanghiyang” politicians at gov’t. officials na sangkot sa flood control project scam.
Kung totoong may "balls" si PBBM na labanan ang corruption, hindi na niya dapat bitinin ang mamamayan, dapat hubaran na niya ng masakara, pangalanan na niya ang mga politician at gov’t. officials na nang-scam sa pondo ng mga flood control projects sa ‘Pinas, period!
XXX
DAPAT IMBESTIGAHAN DIN NI SEC. REMULLA ANG BI, BAKA MAY MGA GALAMAY SA IMMIGRATION SI ATONG ANG KAYA NAKALABAS NG ‘PINAS SI ELAKIM PATIDONGAN GAMIT ANG PEKENG PASAPORTE -- Sabi ni Justice Sec. Boying Remulla na si gambling tycoon Atong Ang daw ang gumastos at tumulong sa pamamagitan ng pekeng pasaporte para makalabas ng ‘Pinas at makapagtago sa Cambodia ang kapatid ni whistleblower Julie Patidongan na si Elakim Patidongan na may mga hawak na ebidensya na sangkot ito (Atong Ang) sa brutal na pagpatay sa missing sabungeros.
Dapat magpaimbestiga rin si Sec. Remulla sa Bureau of Immigration (BI) dahil malamang may galamay din si Atong Ang sa Immigration kaya nakalabas ng ‘Pinas si Elakim gamit ang pekeng pasaporte, boom!







Comments