Benepisyong matatanggap ng mga edad 80, 85, 90, 95 AT 100
- BULGAR
- 2 days ago
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 1, 2025

Noong February 26, 2024 ay nilagdaan ang Republic Act (R.A.) No. 11982. Inamyendahan nito ang Republic Act (R.A.) No. 10868, o ang “Centenarians Act of 2016.” Sa pamagat pa lamang ng naturang batas ay makikita natin na ito ay inilaan para sa mga nakatatandang miyembro ng mamamayang Pilipino. Binigyan sila ng insentibo na maaari nilang gamitin para sa kanilang mga pangangailangan sa kanilang katandaan. Nakasaad sa nasabing batas ang mga sumusunod:
“Section 2. Letter of Felicitation and Cash Gift. - All Filipinos, whether residing in the Philippines or abroad, upon reaching the age of one hundred (100) years old, shall receive a cash gift of One hundred thousand pesos (P100,000.00) and a letter of felicitation from the President of the Philippines congratulating the celebrant for his or her longevity.
All Filipinos, whether residing in the Philippines or abroad, upon reaching the ages of eighty (80), eighty-five (85), ninety (90), and ninety-five (95), shall each receive a cash gift of Ten thousand pesos (P10,000.00)
The grantees under this section shall be eligible to receive the cash gift within one (1) year from reaching the ages of eighty (80), eighty-five (85), ninety (90), ninety-five (95) and one hundred (100).”
Malinaw na nakapaloob sa nabanggit na seksyon ng batas na makatatanggap ang mga nakatatandang miyembro ng ating pamayanan ng cash gift mula sa ating pamahalaan na ang halaga ay ayon sa kanilang edad. Ang mga nakatatandang Pilipino, sa Pilipinas man o sa ibang bansa sila nakatira, na aabot sa edad na 80, 85, 90 at 95, ay makatatanggap ng P10,000.00. Ang mga aabot naman sa edad na 100 ay mabibigyan ng P100,000.00 at hahandugan ng Letter of Felicitation o Liham ng Pagpupugay mula sa Pangulo ng Pilipinas. Matatanggap nila ang angkop na halaga sa loob ng isang taon mula nang umabot sila sa mga nabanggit na edad.
Upang epektibong maipatupad ang probisyon ng batas na ito, pamamahalaan ng National Commission of Senior Citizens (NCSC), alinsunod sa Republic Act (R.A.) No. 11350, ang Elderly Data Management System Recording ng mga taong saklaw ng batas, maging ang mga tuntunin at regulasyon sa pagpapatupad nito. Makikipag-ugnayan din ang NCSC sa Philippine Statistics Authority (PSA), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Information and Communications Technology (DICT), at mga local government units para sa online registration ng mga benepisyaryo ng batas na ito.
Ang halagang kakailanganin sa pagpapatupad ng batas na ito para sa kapakanan ng mga nakatatandang miyembro ng ating pamayanan ay isasama sa taunang General Appropriations Act.
Comentarios