Benepisyo para sa mga centenarians, ibigay nang wasto
- BULGAR

- Feb 9
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | February 9, 2026

Dapat tiyakin ang dignidad at karapatan ng mga nakatatanda, dahil hindi sapat ang simpleng pangako kung palaging nauuwi sa delay at kalituhan ang benepisyo para sa kanila.
Sa planong pilot bank transfer system ng National Commission of Senior Citizens (NCSC) na sisimulan sa unang quarter ng 2026, malinaw ang paninindigan na hindi dapat pahirapan ang mga senior citizens sa pagkuha ng tulong na matagal na nilang pinaghirapan at inambag sa lipunan. Sa gitna ng reklamo tungkol sa delay, aberya, at “lost in transit” na benepisyo, layunin ng ahensya na gawing episyente, ligtas, at direktang mapunta sa benepisyaryo ang tulong-pinansyal ng estado.
Hindi ito simpleng pagbabago ng paraan ng pag-release ng pera. Isa itong hakbang upang maibalik ang tiwala ng taumbayan, lalo na ng mga senior citizens na umaasa sa cash gift bilang pagkilala sa kanilang ambag sa bansa. Sa bank transfer system, nababawasan ang middleman, nalilimitahan ang human error, at masisiguro na ang pondo ay diretso sa bulsa ng karapat-dapat. Para sa matatandang hirap sa biyahe at pila, ito ay praktikal at makataong solusyon.
Pinatutunayan din ng ulat ng NCSC ang kanilang seryosong mandato. Noong 2025, umabot sa P2.8 bilyon ang naipamahaging cash gifts, kabilang ang mga naantalang release noong nakaraang taon, na nagresulta sa 96% budget utilization—indikasyon ng mas maayos na pamamahala. Kasabay nito, patuloy ang koordinasyon ng NCSC sa Department of Budget and Management (DBM) bilang dagdag na safeguard sa pondo ng bayan.
Mahalagang banggitin ang agarang aksyon para sa apat na Aeta centenarians sa Capas, Tarlac, na hindi nakatanggap ng kanilang P100,000 cash gift noong 2024 dahil sa paglilipat ng programa mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) patungo sa NCSC. Sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, tinatapos na ang dokumentasyon upang maibigay ang tulong, isang sukatan ng malasakit ng gobyerno sa abot-kamay ng bawat mamamayan.
Sa ilalim ng Republic Act No. 11982 o Expanded Centenarians Act, malinaw ang benepisyo: P10,000 sa edad na 80, 85, 90, at 95, at P100,000 sa pag-abot ng isang siglo ng buhay. Ngunit higit sa halaga ng pera, mahalaga ang mensahe nito—pagkilala at pasasalamat ng lipunan sa mahabang panahong inialay ng mga nakatatanda.
Ang bank transfer system ay hindi lamang usapin ng teknolohiya. Isa itong paninindigan na ang serbisyo-publiko ay dapat nakaugat sa pangangailangan ng tao. Kapag naging maayos ang implementasyon, magiging tulay ito ng mas matibay na koneksyon sa pagitan ng pamahalaan at ng mga lolo’t lola ng bayan—isang paalala na sa bawat sentimo ay kalakip ang pagmamahal, respeto, at paggalang sa ating mga nakatatanda.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com




Comments