top of page

Beetroot at epekto nito sa altapresyon

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 21 hours ago
  • 3 min read

ni PAO Deputy Chief Dr/Atty. Erwin P. Erfe, M.D. @Sabi ni Doc | March 31, 2026



Sabi ni Doc - Peperomia pellucida WIKI - FP


Dear Doc Erwin, 


Mapagpalang araw po sa inyo. Maraming salamat sa patuloy ninyong pagsulat ng mga makabuluhang impormasyon para sa amin. Ang inyong column sa pahayagang BULGAR ay tunay na nakadaragdag sa aming kaalamang pangkalusugan. 


Ako ay matagal nang may altapresyon; ilang beses na akong nagpalit ng gamot, pero hindi ko pa rin makamit ang nais kong presyon ng dugo. May nirekomenda ang aking kapitbahay na natural na remedyo—ang inuming galing sa remolatsa o beetroot. Ito ay nakabababa raw ng kanyang altapresyon at mas ganado diumano siya sa pag-eehersisyo. Nais ko sanang malaman kung mairerekomenda ninyo ito sa mga tulad ko, dahil balak ko itong idagdag sa aking regular na pag-eehersisyo, gamot, at tamang diyeta. – Romy





Maraming salamat, Romy, sa iyong liham sa BULGAR at sa patuloy na pagsubaybay sa "Sabi ni Doc" column. 

Para sa iyong katanungan, tunay na maaari ninyong subukan ang juice mula sa remolatsa o mas kilala bilang beetroot. Ayon sa isang pag-aaral na isinagawa noong Oktubre 2024 sa Journal on Nutrition, Metabolism and Cardiovascular Diseases, natagpuan na ang beetroot ay mayaman sa nitrate na nagiging nitric oxide sa loob ng katawan. Ang nitric oxide ay tumutulong sa pagpapaluwag ng mga ugat at pagpapababa ng presyon ng dugo. Ang araw-araw na pag-inom ng beetroot juice ay napatunayang nagpapababa ng baseline blood pressure sa mga taong may altapresyon, at ang epekto nito ay pinakamalakas makalipas ang tatlong oras.


Ayon sa pag-aaral, ang dietary nitrate mula sa remolatsa ay nagdulot ng bahagyang pagbaba sa altapresyon ng mga pasyenteng may presyon na higit sa 130/80 mmHg. Ito ay malinaw na nakita sa grupo matapos ang interbensyon, bagaman kinilala ng mga may-akda ang pangangailangan para sa karagdagang pananaliksik upang lubos na makumpirma ang mga natuklasang ito. Ang normal na konsumo ng dietary nitrates ay nasa 108 mg kada araw mula sa gulay, karne, at tubig. Ang doble nito, o nasa 222 mg kada araw, ay katanggap-tanggap pa rin para sa isang nakatatanda na may timbang na 60 kg. Gayunpaman, kailangan nating tandaan na ang labis na dietary nitrates ay hindi rin mabuti sa kalusugan at maaaring magdulot ng sobrang pagbaba ng presyon o iba pang hindi kanais-nais na komplikasyon.


Ayon din sa isang kahawig na pag-aaral mula sa American Journal of Biomedical Science and Research na nailathala noong Oktubre 2025, ang suplementasyon ng katas ng beetroot ay nagtaas ng antas ng plasma nitrate kumpara sa grupong walang suplementasyon. Ito ay nagpapatunay ng epektibong paghahatid ng nitrate sa katawan gamit ang beetroot. Gayunpaman, ang biyokemikal na epektong ito ay hindi nagresulta sa tuloy-tuloy na benepisyo sa pisyolohiya ng ehersisyo, kaya maituturing na pansamantala lamang ito. 


Bagaman ipinakita ng mga nakaraang pananaliksik na ang nitrate ay maaaring magpababa ng presyon at bawasan ang paggamit ng oxygen ng mga selula habang nag-eehersisyo, ang kawalan ng ganitong epekto sa ilang pag-aaral ay maaaring dahil sa normal na presyon ng mga kalahok sa simula pa lamang. Sa katunayan, ang epekto ng nitrate ay mas malinaw sa mga indibidwal na may altapresyon kumpara sa mga may normal na presyon.


Sa kabuuan, ang inuming mula sa remolatsya ay mabisang nagpapataas ng dietary nitrate levels na makatutulong sa inyong kondisyon. Ang epekto nito sa abilidad sa ehersisyo ay patuloy na pinagaaralan ng mga siyentipiko dahil sa makaibang resulta ng mga nakaraang pagaaral. 

Mairerekomenda rin ang tamang diyeta at mga programang tulad ng Dietary Approach to Stop Hypertension (DASH) na mayaman sa prutas, gulay, at isda, habang mababa naman sa maaalat at matatamis na pagkain. Ating tandaan na ang remolatsya ay karagdagan lamang sa inyong regular na diyeta at gamot. 


Kumunsulta sa inyong doktor upang mabigyan kayo ng medical advice na angkop sa inyong personal at medical history. (Dr. Alexis Angelo L. Sulit, RN, MD, JD)


Maraming Salamat sa inyong pagliham sa Sabi ni Doc at nawa’y magpatuloy sa pagbuti ang inyong kalusugan. Kung may mga katanungan pa, mag-email lamang sa Sabi ni Doc sa e-mail address na erwin.erfe@gmail.com o sa doc.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page