Beach Volleyball, abangan; Taguig Lady Generals sa WNBL
- BULGAR

- Feb 24, 2021
- 2 min read
ni MC / Anthony E. Servinio - @Sports | February 24, 2021

Nakatakdang idaos ng Philippine Superliga (PSL) ang unang kompetisyon ng 2021 sa pagsiklab ng Beach Volleyball Challenge cup sa Biyernes sa sand courts sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA).
Walong team ang magsasagupa kasama ang guest squad na Kennedy Solar Energy -PetroGazz.
Ayon sa ulat, inaprubahan na ng inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang torneo sa inilabas na Resolution 79 kung saan pinapayagan ang pagdaraos ng beach volleyball tourney gamit ang bubble setup sa Subic.
Gaganapin ang laro sa venue na ginamit noong 30th Southeast Asian Games noong Disyembre 2019. "We want to thank the teams, especially our guest team PetroGazz, for helping us restart our beach volleyball tournament using a bubble set up," ani PSL chairman Philip Ella Juico.
"We also want to thank the IATF Region 3 and the SBMA for supporting us and making sure that our delegates, especially the athletes, will be safe from contracting coronavirus disease,"dagdag pa nito.
Samantala, magbabalik bilang ika-anim at pinakabagong koponan ang Taguig Lady Generals sa 2021 Women’s National Basketball League (WNBL). Nagtapos sa pangalawang pwesto ang Lady Generals sa 2019 WNBL noong ito ay ligang amateur at ngayon pa lang ay napipisil sila sa isa sa mga paboritong gagawa ng kasaysayan bilang unang kampeon ng liga bilang ganap na ligang propesyonal.
Nitong Lunes ay pormal na ipinatibay ang paglahok ng Taguig sa pagitan ni Taguig City Sports Head Coach Benito “Bing” Victoria at EVP Rhose Montreal at Commissioner Edward Aquino ng WNBL. Magsisilbing head coach ng Lady Generals si Coach Mixson Ramos.
Sa likod ng mainit na kamay ni WNBL Most Valuable Player Janine Pontejos ng Centro Escolar University, tinapos ng Taguig ang elimination na pangalawa na may kartadang 5-1 panalo-talo kung saan ang tanging talo nila ay galing sa numero unong Philippine Navy Lady Sailors na 5-1 din. Tinalo agad ng Lady Generals ang Cleon and Clyde Lady Snipers sa semifinals subalit winalis sila ng Philippine Air Force Lady Air Defenders sa seryeng best of three para sa kampeonato.





Comments