Bayaw, may pananagutan bang kriminal sa pagnanakaw?
- BULGAR

- 1 day ago
- 3 min read
ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | July 27, 2026

Dear Chief Acosta,
Kamakailan lamang, nalaman ko na ang bayaw ko, na kasama naming nakatira sa bahay, ay kinuha ang kwintas ko at ibinigay ito sa kanyang kasintahan. Nang tanungin ko siya tungkol dito, tinawanan lamang niya ako at sinabi na kahit magsampa ako ng kaso laban sa kanya, hindi siya makukulong dahil bayaw ko siya. Totoo po ba ang kanyang sinasabi? Nais ko lamang maliwanagan tungkol sa bagay na ito. Maraming salamat po. — Liz
Dear Liz,
Ang ating nasyon ay binubuo ng mga batas na nagpaparusa sa mga taong gumagawa ng krimen upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan ng lipunan. Ang mga ito ay nakapaloob sa Revised Penal Code (RPC) o Act No. 3815, at iba pang espesyal na mga batas. Ayon sa Seksyon 332 ng RPC:
“ARTICLE 332. Persons Exempt from Criminal Liability. — No criminal, but only civil liability, shall result from the commission of the crime of theft, swindling or malicious mischief committed or caused mutually by the following persons:
1. Spouses, ascendants and descendants, or relatives by affinity in the same line;
2. The widowed spouse with respect to the property which belonged to the deceased spouse before the same shall have passed into the possession of another; and
3. Brothers and sisters and brothers-in-law and sisters-in-law, if living together.
The exemption established by this article shall not be applicable to strangers participating in the commission of the crime.”
Alinsunod dito, ang mga partikular na miyembro ng pamilya na binanggit sa nasabing batas na nakagawa ng mga krimeng pagnanakaw, estafa o panlilinlang, at paninira ng ari-arian ay hindi mananagot sa kriminal na aspeto at tanging pananagutang sibil lamang ang maaari nilang harapin kaugnay ng naturang mga krimen na kanilang nagawa.
Sa kasong Intestate Estate of Manolita Gonzales Vda. de Carungcong, represented by Mediatrix Carungcong, as Administratrix vs. People of the Philippines and William Sato, G.R. No. 181409, Pebrero 11, 2010, na isinulat ni Honorable Chief Justice Renato Tereso Antonio C. Corona, nilinaw ng Kagalang-galang na Korte Suprema ang sumusunod:
“The absolutory clause under Article 332 of the Revised Penal Code only applies to the felonies of theft, swindling and malicious mischief. Under the said provision, the State condones the criminal responsibility of the offender in cases of theft, swindling and malicious mischief. As an act of grace, the State waives its right to prosecute the offender for the said crimes but leaves the private offended party with the option to hold the offender civilly liable.
However, the coverage of Article 332 is strictly limited to the felonies mentioned therein. The plain, categorical and unmistakable language of the provision shows that it applies exclusively to the simple crimes of theft, swindling and malicious mischief.”
Dahil dito, ang nasabing absolutory clause sa ilalim ng Artikulo 332 ng RPC ay mahigpit na naaangkop lamang sa mga krimen ng pagnanakaw, panloloko, at malisyosong paninira.
Dahil kayo ay naninirahan sa iisang bahay, ang iyong bayaw ay maaaring hindi mapatawan ng pagkakakulong sa krimen ng pagnanakaw na kanyang ginawa laban sa iyo. Gayunman, maaari pa rin siyang managot sa aspetong sibil para sa kasalanang kanyang nagawa kung magsasampa ka ng kaukulang kaso laban sa kanya.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.




Comments