Bawal magtayo ng harang sa natural na pagdaloy ng tubig ang may-ari ng nasa ibabang lupain
- BULGAR
- Nov 2, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | November 2, 2021
Dear Chief Acosta,
May sinasaka akong maliit na lupain sa aming probinsiya. Ang may-ari ng lupain sa ibaba ng aking lupain ay naglagay ng hollow blocks sa pagitan ng aming lupain upang mapigilan ang tubig mula sa sapa na pumunta sa kanyang lupain. Ang resulta nito ay naiipon sa aking lupain ang tubig kaya nasisira ang aking mga pananim. Tama ba ito? – Rolly
Dear Rolly,
Para sa inyong kaalaman, ang inyong katanungan ay tinatalakay sa Artikulo 637 ng Civil Code kung saan nakasaad na:
“Article 637. Lower estates are obliged to receive the waters which naturally and without the intervention of man descend from the higher estates, as well as the stones or earth which they carry with them.
The owner of the lower estate cannot construct works which will impede this easement; neither can the owner of the higher estate make works which will increase the burden. (552)”
(Binigyang-diin)
Sang-ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, obligasyon ng may-ari ng nasa ibabang lupain na tanggapin ang tubig na natural na dumadaloy papunta rito buhat sa mataas na lupain.
Higit pa rito, hindi rin maaaring magtayo ng anumang pangharang sa natural na pagdaloy ng tubig ang may-ari ng nasa ibabang lupain kapag nakapagdudulot ito ng pinsala sa nasa itaas na lupain. Sa inyong kaso, dahil natural na nanggagaling sa sapa ang tubig, hindi maaaring harangan ng may-ari ng nasa ibabang lupa ang tubig na natural na dumadaloy papunta sa kanyang lupain kapag ito ay nakapipinsala sa inyo.
Kung ipagpapatuloy ng may-ari ng mababang lupain ang kanyang ginagawa, maaari ninyo munang idulog ang inyong hinaing sa inyong barangay hanggang ito ay makarating sa hukuman, upang mapanagot ang may-ari ng mababang lupain sa pinsalang idinulot ng kanyang pagharang sa natural na daloy ng tubig sa inyong mga pananim.
Nawa ay nasagot namin ang inyong mga katanungan. Nais naming ipaalala sa inyo na ang opinyong ito ay nakabase sa inyong mga naisalaysay sa inyong liham at sa pagkakaintindi namin dito. Maaaring maiba ang opinyon kung mayroong karagdagang impormasyon na ibibigay. Mas mainam kung personal kayong sasangguni sa abogado.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.




Comments