top of page

Bawal ang “no warranty” at “no return, no exchange” policy

  • 2 days ago
  • 3 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | June 2, 2025



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Habang ako ay naglalakad pauwi sa aming bahay, nakabili ako ng wall charger sa isang stall sa may Quiapo. Ginamit ko ito agad pagkarating ko sa bahay upang i-charge ang aking cellphone. Sa kasamaang palad, walang nangyayari sa aking cellphone kapag ito ay ginagamit ko. Nanghiram ako sa aking kapitbahay upang siguraduhin na hindi depektibo ang aking cellphone. Gumana naman ang charger ng aking kapitbahay nang gamitin ko ito sa aking cellphone. Kinabukasan ay bumalik ako sa pinagbilhan ko upang ipapalit ang depektibong wall charger na aking nabili ngunit sinabihan ako ng nagbebenta sa stall na mayroon silang “no return, no exchange” policy at walang warranty ang aking nabili. Ito diumano ay nakalagay sa kanilang resibo. Sinabi rin ng tindero na baka ako ang nakasira sa kanilang produkto dahil sealed naman diumano ito noong kinuha ko. Nang dahil dito, hindi nila tinanggap ang depektibong wall charger. Tama ba ang sinabi sa akin ng tindero?

— Miguel



Dear Miguel,


Hindi tama ang sinabi sa iyo ng tindero. Maaari mong ipapalit ang depektibong wall charger na iyong nabili sa Quiapo. Sa pagbebenta ng produkto ay may napapaloob na implied warranty na ang ibig sabihin ay ginagarantiya ng taong nagbenta ng produkto na walang nakatagong sira o depekto ang produkto na kanyang ibinenta. (Article 1547, New Civil Code of the Philippines) Kung may nakatagong sira or depekto ang produkto ay may pananagutan ang nagbenta ng produkto sa taong kanyang pinagbentahan. (Article 1566, Ibid.) 


Ayon sa Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7394, ang implied warranty sa isang bagong produkto na ibinebenta ay hindi maaaring bumaba ng 60 days. Nakasaad din dito ang pananagutan ng taong nagbenta ng isang depektibong produkto:


“Rule III. Minimum Standards of Warranties


Section 1. Minimum Standards for Warranties – For the warrantor of a consumer product to meet the minimum standards for warranty, he shall:

1.1 Remedy such consumer product within a reasonable time and without charge in case of a defect, malfunction or failure to conform to such written warranty;

1.2 Permit the consumer to elect whether to ask for a refund or replacement without charge of such of such product or part, as the case may be, where after reasonable number of attempts to remedy the defect or malfunction, the product continues to have the defect or malfunction.”


Sinasabi sa batas na nabanggit na ang nagbebenta ng isang produkto na may nakatagong sira o depekto ay may pananagutan na ayusin ito, o papiliin ang nakabili kung gusto niyang makakuha ng refund o replacement ng kanyang nabili. Samakatuwid, hindi tama ang sinabi ng nagbenta sa iyo ng wall charger na walang warranty ang kanyang ibinentang produkto. 


Nakasaad din dito na kinakailangan lamang ipresenta ng mamimili ang warranty card o ‘di kaya ay ang resibo kasama ang depektibong produkto upang hilingin na isauli ang kanyang bayad o ‘di kaya ay palitan ang depektibong produkto. (Chapter III, Rule V, Section 1 of the Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7394)


Bukod dito, iyo ring nabanggit na mayroon nakalagay na “no return, no exchange” sa resibo na ibinigay sa iyo. Nakasaad sa Chapter 1, Rule 2, Section 7 ng Rules and Regulations Implementing Republic Act No. 7394, na:


“Section 7. Prohibition on the Use of the Words “No Return, No Exchange” – The words “No return, no exchange,” or words to such effect shall not be written into the contract of sale, receipt in sales transaction, in any document evidencing such sale or anywhere in a store or business establishment.”


Mahigpit na ipinagbabawal ang paglalagay ng mga katagang “no return, no exchange” sa mga resibo. Hindi rin ito maaaring ipaskil sa tindahan o establisimyento na nagbebenta ng mga bagong produkto.  


Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay. 


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page