top of page
Search
BULGAR

Battered woman syndrome, depensa sa kaso ng biktima ng pang-aabuso

ni Judith Sto. Domingo @Asintado | May 10, 2024



Asintado ni Judith Sto. Domingo


Ang karahasan, pagmamalupit at pananakit sa mga babae at bata ay noon pa nagaganap hanggang ngayong makabagong panahon. 


May mga babae pa ring pinipiling manahimik at magtiis dahil nag-aatubili silang maghain ng reklamo laban sa kanilang karelasyon. 


Matagal na panahong walang batas na tuwirang tutugon sa iba’t ibang uri ng karahasan laban sa mga kababaihan at kanilang mga anak. Ngunit matapos magising sa katotohanang ito, ipinasa ng Kongreso ng Pilipinas noong 2004 ang lehislasyong pantugon sa laganap ng pang-aabuso laban sa mga babae at bata. Isa tayo sa nakibahagi at saksi sa deliberasyon nito sa Senado. Nilagdaan ito ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo at naging Republic Act (RA) 9262 o ang Anti-Violence Against Women and their Children Act na kilala bilang Anti-VAWC law. 


Idineklara nitong patakaran ng Estado na pahalagahan ang dignidad ng mga babae at bata, at garantiyahan ang lubusang pagkilala at paggalang sa kanilang mga karapatang pantao.  


Ngunit kahit mayroon nang Anti-VAWC, patuloy pa rin ang karahasan laban sa mga babae at kanilang mga anak. Ayon sa 2022 National Demographic and Health Survey na ginawa ng Philippine Statistics Authority, 17.5% ng mga Pilipina, edad 15-49 ang nakaranas ng iba’t ibang uri ng karahasang pisikal, sexual at emosyonal mula sa kanilang intimate partners. 


Sa mga buwan ng Enero hanggang Pebrero ng taong ito, mayroong 646 kaso ng karahasan laban sa mga bata. Sa bilang na ito, 462 o 71.52% ay abusong sexual. May 216 naman ang kaso ng karahasan laban sa mga babae, ayon sa datos ng Child Protection Network Foundation.


Apat ang itinuturing na karahasan sa ilalim ng Anti-VAWC:

Physical violence o pisikal na karahasan na nagdudulot ng pisikal na pinsala sa katawan tulad ng panggugulpi, paninipa, pambubugbog, panunutok ng baril o anumang bagay na nakakasakit;


Sexual violence o sekswal na karahasan tulad ng panggagahasa, pamimilit na manood ng malalaswang pelikula, at pambubugaw ng asawa o anak;

Psychological violence o karahasang sikolohikal na tumutukoy sa mga pagkilos na nagdudulot o maaaring magdulot ng emosyonal na pagdurusa ng biktima tulad ng pampublikong panghihiya at pagkakait sa mga anak; at

Economic abuse tulad ng pagkakait ng sustento at pagbabawal sa biktima na lehitimong maghanapbuhay o makinabang sa conjugal properties.  


Ang maaaring maging biktima ng karahasan na posibleng aktuwal na ginawa o ibinanta sa loob man o labas ng tahanan sa ilalim ng batas ay mga babae lamang at ang kanilang mga anak at iba pang kapamilya. 


Sa ilalim ng RA 9262, ang mga karahasang nabanggit ay krimeng pampubliko kaya hindi lamang ang biktima kundi maging ang kanyang kapamilya, opisyal ng barangay, social worker o concerned citizen ang maaaring magsampa ng kaso laban sa mapang-abusong indibidwal. Sapagkat ang krimeng ito ay pampubliko, hindi ito maaaring iresolba sa pamamagitan ng areglo o pamimiling magkasundo na lamang ang biktima at ang nang-abuso.


Ang parusa kung mapatunayang nagkasala nang walang kaduda-duda ang inihabla ay pagkabilanggo depende sa bigat ng krimeng ginawa at pagbabayad ng danyos na hindi bababa sa P100,000 ngunit hindi naman lalampas sa P300,000.


Ang anumang habla sa paglabag ng Anti-VAWC ay maaaring isampa sa loob ng 20 taon matapos maganap o gawin ang karahasan.


Kaugnay nito, mayroong tinatawag na battered woman syndrome. Kung dahil sa paulit-ulit at matagalang pang-aabuso sa isang babae na matagal niyang tiniis at kinimkim sa dibdib, ay nawalan siya ng pagtitimpi at napatay ang mapang-abusong karelasyon, maaari niyang gamitin bilang depensa sa anumang kasong ihaharap sa kanya ang battered woman syndrome. Kung mapatunayan sa tulong at pagsusuri ng mga psychologist at psychiatrist ang pagkakaroon ng battered woman syndrome ng nasasakdal, maaari siyang mapawalang-sala.


Ano ang maaaring gawin ng isang biktima ng karahasan mula sa kanyang karelasyon?

Una, dumulog sa pinakamalapit na himpilan ng pulisya at humingi ng tulong sa Women and Children Protection Desk na pinamamahalaan ng mga babaeng pulis, para maghain ng reklamo. Ang mga nasabing babaeng pulis ay sinanay at tinuruan ng mga dapat gawin kung may idudulog sa kanilang mga kaso ng VAWC.


Pangalawa, magpunta sa barangay hall at humingi ng Temporary Protection Order (TPO) sa kapitan ng barangay o sinumang barangay kagawad. Ang TPO ay isang kautusan sa mapang-abusong lalaki na itigil ang lahat ng uri ng karahasan laban sa babae at mga anak niya. Kalimitan, inuutusan ang lalaki na huwag magpakita sa biktima at mga anak niya o lumayo sa kanilang tahanan. Ang TPO ay may bisang 15 araw mula sa pag-isyu ito.


Pangatlo, bago dumating ang ika-15 araw matapos ilabas ang TPO, lumapit sa abogado o kung walang pambayad sa Public Attorney’s Office (PAO) at humingi ng tulong na magsampa ng Permanent Protection Order sa Family Court o kung walang Family Court, sa kinauukulang Regional Trial Court. Bukod sa PAO, ang mga chapter ng Integrated Bar of the Philippines sa buong Pilipinas at Legal Aid Clinics ng mga Kolehiyo sa Batas ng mga unibersidad ay may mga abogadong handang tumulong sa mga biktima ng karahasan sa ilalim ng RA 9262. 


Kaya mga kababaihan, ‘wag tayong magpaapi!

 

Kung may reaksyon, sumbong o katanungan, sumulat sa ASINTADO ni Judith Sto. Domingo sa BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa asintado.bulgar@gmail.com.


1 comentario


joseoliveros1947
10 may

Ang isang mistress (tawagin mang kabit, querida o kulasisi) ay maaaring maging biktima ng karahasan sa ilalim ng VAWC.   Sa kabila ng kaniyang katayuan,  hindi nawawala  o nababawasan  ang kaniyang personal na dignidad, manapa ay kinikilala ito, at hindi rin maipagkakait sa kaniya ang kaniyang karapatang pantao (human rights).  Hindi, kung ganoon,  i puedeng maging depensa ng kaniyang  mangingibig na hindi siya sakop ng VAWC  kasi ang naghabla sa kaniya ay kaniya lamang kabit.

 

Ang  isang babaeng may  relasyon sa isang tomboy o T-bird (lesbian relationship) ay  maaaari ring maging biktima ng karahasan sa  ilalim ng VAWC  at kung magsampa siya ng kaso laban sa kaniyang karelasyon, hindi puedeng gamiting depensa nitong  huli na mga  lalake lamang ang saklaw…

Me gusta

Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page