top of page

Batas sa tamang edad sa pagbili ng vape

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 26
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | January 26, 2026



Magtanong Kay Atty. Persida Acosta


Dear Chief Acosta,


Nauuso na ngayon ang paggamit ng mga vape at madalas ay kung saan-saan na lang din ito mabibili. May batas ba na nag-aatas kung anong edad lamang ang maaaring bumili ng mga tinatawag na vaporized nicotine products? Salamat sa iyo.

— Beatrize Go



Dear Beatrize Go, 


Ang kasagutan sa iyong katanungan ay matatagpuan sa Seksyon 6 ng Republic Act (R.A.) No. 11900 o mas kilala sa tawag na “Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products Regulation Act,” kung saan nakasaad na:


“Section 6. Minimum Age Sales and Purchase. — The minimum allowable age for the purchase, sale and use of Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products, their devices, or Novel Tobacco Products shall be 18 years old.


It shall not be a defense for the person selling or distributing that he or she did not know or was not aware of the real age of the purchaser. Neither shall it be a defense that he or she did not know nor had any reason to believe that the product was for the consumption of a person below 18 years of age.”


Malinaw na nakasaad sa probisyon ng batas na ang pinakamababang edad (minimum age) na maaaring bumili, magbenta, o gumamit ng mga tinatawag na vaporized nicotine products ay 18 taong gulang. 


Karagdagan dito, malinaw na nakasaad na hindi magiging depensa para sa taong nagbebenta o namamahagi ng nabanggit na produkto na hindi niya alam o batid ang tunay na edad ng bumibili. Hindi rin maaaring gamiting depensa ng nagbebenta na hindi niya alam o walang dahilan para maniwala siya na ang produkto ay para sa pagkonsumo ng isang taong wala pang 18 taong gulang.


Upang masigurado na nasa wastong gulang lamang ang mapagbebentahan ng mga nasabing produkto, nakasaad sa Seksyon 7 ang mga paraan para maberipika ang edad ng bumibili:


“Section 7. Proof-of-Age Verification. — Retailers shall ensure that no individual below eighteen (18) years of age is allowed to purchase Vaporized Nicotine and Non-Nicotine Products, their devices, or Novel Tobacco Products. It shall be the responsibility of retailers to verify the age of buyers. For this purpose, the presentation of any valid government-issued identification card exhibiting the buyer's photograph and age or date of birth shall be required. Retailers shall ensure direct delivery only to individuals who must be eighteen (18) years old and above.”


Ang nasabing batas ay base na rin sa polisiya ng gobyerno na kumikilala sa obligasyon nito na pangalagaan at itaguyod ang karapatan sa kalusugan ng mga mamamayan at ikintal ang kamalayan sa kalusugan sa kanila. Ilan na nga sa mga paraan para isakatuparan ang obligasyong ito ay ang pagsiguro na ang mga mamimili ng mga partikular na produkto ay nasa tamang edad at may angkop na batayan upang masigurado o maberipika ang kanilang tamang gulang.

 

Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.


Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.



Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page