ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Nov. 11, 2024
Dear Chief Acosta,
Ako ay 20-anyos na sa kasalukuyan at nag-aaral sa kolehiyo. Ang aking mga magulang ay naghiwalay noong ako ay bata pa. Sa ngayon, kapos ang kita ng aking ina upang matustusan ang aking pag-aaral habang ang aking ama naman ay tumatangging magbigay ng suportang pinansyal dahil hindi na diumano ako menor-de-edad at maaari na raw akong magtrabaho upang suportahan ang aking sariling pag-aaral. May karapatan pa rin ba ako na humingi ng suportang pinansyal para sa aking pag-aaral mula sa aking ama? — Chris
Dear Chris,
Ang sagot sa iyong katanungan ay nakasaad sa Article 194 ng Executive Order No. 209, s. 1985 o mas kilala bilang “Family Code of the Philippines.” Ayon sa nasabing probisyon:
“Art. 194. Support comprises everything indispensable for sustenance, dwelling, clothing, medical attendance, education and transportation, in keeping with the financial capacity of the family.
The education of the person entitled to be supported referred to in the preceding paragraph shall include his schooling or training for some profession, trade or vocation, even beyond the age of majority. Transportation shall include expenses in going to and from school, or to and from place of work.”
Sang-ayon sa nasabing probisyon, ang suportang pang-edukasyon ay tumutukoy sa pagbibigay ng lahat ng pangangailangan hinggil sa pag-aaral o pagsasanay upang magkaroon ng propesyon or bokasyon ang isang tao kahit na ito ay sumapit na sa wastong gulang o hindi na isang menor- de-edad. Sa makatuwid, hindi natatapos ang responsibilidad ng mga magulang sa pagtulong at pagsuporta sa mga anak kung ito man ay humantong na sa wastong edad.
Ito ay isang probisyon na tumitiyak at kumikilala sa karapatan ng isang tao na mabigyan ng sapat at pantay na pagkakataon upang makapag-aral. Hindi ang edad ang pamantayan na tinitingnan ng batas kung ang isang tao ay karapat-dapat pang bigyan ng suporta hinggil sa kanyang pag-aaral kundi bagkus ang punto na ito ay isa pa ring pangangailangan upang maging handa at dapat sa ano mang propesyon o bokasyon na papasukin nito. Kung kaya, sa iyong sitwasyon bagaman ikaw ay 20-anyos na ay marapat pa rin na bigyan ng suporta hinggil sa iyong pag-aaral hanggang sa ikaw ay makapagtapos.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang iyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa mga impormasyon na iyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng iyong salaysay.
Maraming salamat sa iyong patuloy na pagtitiwala.
Comments