top of page
BIDA - CUP OF JOE, IPINABOBOYKOT SA DAVAO, BABATUHIN NG DURIAN NG MGA DDS-FB Cup of Joe.jp

Batas sa pagpapatupad ng search warrant

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Sep 29, 2024
  • 2 min read

ni Atty. Persida Rueda-Acosta @Magtanong Kay Attorney | Sep. 29, 2024



Magtanong kay Attorney ni Atty. Persida Acosta

Ayon sa Administrative Matter No. 21-06-08-SC, na inilabas ng Supreme Court noong Hunyo 29, 2021, kinakailangang magsuot ng body-worn camera at isa pang alternatibong kagamitan sa pagre-record ang mga pulis na magpapatupad ng search warrant. 


Ito ay upang maitala ang lahat ng mangyayari simula nang dumating ang mga pulis at hanggang sa matapos sila sa paghahanap ng mga bagay na nakasulat sa search warrant. Bago rin umpisahan ang pagpapatupad sa nasabing search warrant, kinakailangan na ipaalam ng mga pulis sa mga legal na nakatira sa lugar na ang paghahanap ay alinsunod sa warrant na inisyu ng korte at maipaalam sa kanila na ire-record ang mga pangyayari. Ang pagpapatupad din ng search warrant ay maaari lamang gawin sa partikular na lugar na nakasulat sa warrant.


Ang search warrant ay balido lamang sa loob ng 10 araw mula sa petsa ng pagkakabigay nito.  Wala na itong bisa pagkatapos ng 10 araw. Makalipas ang nabanggit na araw, hindi na ito maaari pang ipatupad. Ang prosesong ito ay alinsunod sa probisyon ng Rule 126, Section 10 ng ating Revised Rules of Criminal Procedure kung saan nakasaad ang mga sumusunod:


“Section 10. Validity of search warrant. — A search warrant shall be valid for ten (10) days from its date. Thereafter it shall be void.”


Ang paghahalughog sa isang bahay, silid, o anumang lugar na nakasaad sa search warrant ay dapat isagawa sa presensya ng mga legal na nakatira roon o sinumang miyembro ng kanyang pamilya. Kung wala ang mga nakatira, kinakailangan ang presensya ng dalawang witnesses na may sapat na edad at pagpapasya, na naninirahan din sa parehong lokalidad. Ito ay ayon sa Rule 126, Section 8 ng parehong Rules, kung saan binanggit na:


“Section 8. Search of house, room, or premise to be made in presence of two witnesses. — No search of a house, room, or any other premise shall be made except in the presence of the lawful occupant thereof or any member of his family or in the absence of the latter, two witnesses of sufficient age and discretion residing in the same locality.”


Ang paghahalughog ay isasagawa lamang sa araw maliban lamang kung mayroong sinumpaang salaysay na nagsasabi na ang sakop ng search warrant ay naroroon sa tao o lugar na ipinag-utos na halughugin. Ilalagay sa nasabing search warrant na maaari itong isagawa sa anumang oras ng araw o gabi (Section 9, Rule 126, Revised Rules on Criminal Procedure).


Ang mga prosesong nabanggit sa itaas ay dapat na maisagawa nang maayos, sapagkat anumang paglabag dito ay maaaring magresulta sa pagpapawalang-bisa ng search warrant, pag-aresto ng tao, o pagkumpiska ng mga gamit.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page