Batas para sa proteksiyon ng kalikasan at kapaligiran
- BULGAR
- Oct 24, 2021
- 2 min read
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | October 24, 2021
Importanteng mapanatili nating maayos at malinis ang kalikasan nang sa gayun ay maging kanais-nais ito at mapakinabangan pa ng mga susunod na henerasyon. Ang paglapastangan sa kalikasan ay marapat lamang na mabigyan ng katapat na kaparusahan.
Sa anumang paglabag sa mga itinakda ng batas para sa proteksiyon ng kalikasan at kapaligiran ay maaaring maghain ng petisyon sa husgado upang makakuha ng Writ of Kalikasan sa ilalim ng Rule 7 ng A.M. No. 09-6-8-SC. Ito ay maaaring isampa sa Korte Suprema o sa anumang sangay ng Court of Appeals ng alinman sa people’s organization o non-governmental organization (NGO), o ng iba pang may pampublikong interes na kinikilala ng ahensiya ng gobyerno.
Ang petisyon ay ihahain sa ngalan ng mamamayan na karapatang magkaroon ng malusog na ekolohiya ay malalabag o nanganganib na malabag dahil sa kagagawan ng pampublikong opisyal o pribadong indibidwal na maaaring magdulot ng malaking kasiraan ng kapaligiran at makaapekto sa buhay, kalusugan at ari-arian ng dalawa o tatlong siyudad o probinsiya.
Ang Writ of Kalikasan ay legal na remedyo sa ilalim ng batas ng Pilipinas kung saan ang karapatan ng mamamayan sa “balanced and healthful ecology” (balanse at malusog na ekolohiya) ay nalalabag dahil sa gawain ng pampublikong opisyal, empleyado o pribadong indibidwal o entidad. Ang mandato ng Writ of Kalikasan ay mula sa Article II, Section 16 ng ating Saligang-Batas (Tagalog Version) kung saan nakasaad na“dapat pangalagaan at isulong ng estado ang karapatan ng sambayanan sa timbang at kanais-nais na ekolodyi nang naaayon sa aluy-oy at tugma ng kalikasan.”
Ang paghahain ng petisyon para makakuha ng Writ of Kalikasan ay hindi nangangahulugang hindi na maaaring papanagutin ang mga taong lumabag ng batas kalikasan sa kasong kriminal o sibil para makahingi ng danyos.
Kapag mayroong kagyat na pangangailangan at ang naghahabla ay makararanas ng grave injustice at irreparable injury, siya ay maaaring humiling sa kanyang petisyon na mabigyan ng Temporary Environmental Protection Order (TEPO).
Sa patuloy na pagkasira ng ating kapaligiran, hindi lamang ito magdudulot ng mga sakuna kung hindi ito ay magiging sanhi rin ng maraming sakit sa mamamayan. Ang mga usok na likha ng mga sasakyan ay maaaring maging sanhi ng asthma o pneumonia.
Ang patuloy na pagkakalat ng basura ay magdudulot ng pagbara ng mga kanal at magiging sanhi ng pagbaha. Kaya naman, kaakibat ng ating mga karapatan sa malinis at malusog na kapaligiran ay ang mga responsibilidad bilang mamamayan na panatilihing maayos ang ating kapaligiran. Gawin din natin ang mga obligasyon, tulad na lamang ng paggamit ng recycled products, pagtitipid sa tubig, enerhiya o kuryente at pagtatapon ng basura sa tamang tapunan. Ito ay maliliit na bagay, subalit makatutulong nang malaki sa atin na mapanatiling malinis ang ating kapaligiran.




Comments