Batas para sa pag-alis ng travel tax, goodnews sa mga biyahero
- BULGAR

- 4 hours ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | February 5, 2026

Matagal nang pasaning buwis ang travel tax na tila nakalimutang iayon sa kasalukuyang panahon. Kaya naman, inihain ang House Bill No. 7443 na naglalayong tuluyang ipawalang-bisa ang travel tax na ipinataw pa noong Presidential Decree No. 1183, pati na rin ang kaugnay na probisyon ng Tourism Act of 2009.
Ang hakbang na ito ay malinaw na makakatulong sa mga karaniwang mamamayan na patuloy na pinapasan ang dagdag na gastos sa tuwing kailangan nilang lumabas ng bansa. Sa kasalukuyan, umaabot sa P2,700 ang travel tax para sa first-class passengers at P1,620 para sa economy class—halaga na hindi biro para sa mga pamilyang nag-iipon upang makahanapbuhay, madalaw ang mahal sa buhay, o tumugon sa mga oportunidad sa ibang bansa.
Ayon sa House Majority Leader, ang travel tax ay produkto ng ibang panahon at kalagayang pang-ekonomiya. Sa ngayon, isa na lamang itong dagdag na pabigat na humahadlang sa malayang paggalaw ng mamamayan. Sa bawat pagtaas ng pamasahe, airport fee, at terminal charges, ang travel tax ay nagiging simbolo ng sistemang tila walang pakialam sa tunay na kakayahan ng tao. Ang perang napupunta sa buwis ay maaari sanang ilaan sa mas mahahalagang pangangailangan—pagkain, edukasyon, o maliit na puhunan na magpapagalaw pa rin sa lokal na ekonomiya. Kapag bumigat ang gastos dahil lamang sa travel tax, humihina rin ang sirkulasyon ng tao, pera, at oportunidad.
Mahalagang linawin na ang panukalang pag-alis ng travel tax ay hindi nangangahulugang pababayaan ang sektor ng turismo, kultura, at edukasyon. Sa ilalim ng HB 7443, ang mga ahensyang dating pinopondohan ng travel tax, tulad ng Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority (TIEZA), Commission on Higher Education (CHED), at National Commission for Culture and the Arts (NCCA), ay patuloy na susuportahan sa pamamagitan ng General Appropriations Act. Ibig sabihin, hindi mawawala ang tulong ng gobyerno; bagkus, mailalagay ito sa mas malinaw at accountable na sistema ng pondo.
Ang panukalang ito ay hindi lamang usapin ng buwis kundi pati ng malasakit. Isa itong paalala na ang mga patakaran ay dapat sumabay sa takbo ng buhay ng taumbayan. Ang pagbawas sa gastos sa paglalakbay ay pagbubukas din ng mas maraming pintuan para sa pangarap, trabaho, at pag-asa. Kung tunay ang layunin ng pamahalaan na ramdam ng lahat ang pag-unlad, ang pag-alis sa hindi na angkop na buwis ay isang makabuluhang simula para sa mamamayan.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments