Batas para sa maginhawang buhay ng mga Pinoy
- BULGAR

- 1 day ago
- 4 min read
ni Bong Go @Bisyo Magserbisyo | July 24, 2026

Patuloy kong isinusulong sa Senado ang mga panukalang makatutulong sa pang-araw-araw na buhay ng ating mga kababayan. Noong Hulyo 15, naghain ako ng panibagong mga panukalang batas na nakatuon sa modernisasyon ng serbisyo ng gobyerno, imprastruktura, edukasyon, kalusugan, at seguridad sa pagkain.
Kabilang dito ang Senate Bill No. (SBN) 2330, na naglalayong maglatag ng komprehensibong legal na balangkas para sa mas malawak, maayos, at magkakaugnay na paggamit ng digital payment systems sa mga transaksyon ng gobyerno at negosyo. Sa pamamagitan nito kapag naisabatas, nais nating gawing mas mabilis at mas maginhawa ang pagbabayad at pagtanggap ng serbisyo.
Inihain ko rin ang SBN 2326 upang gawing limang taon ang bisa ng Professional Identification Cards. Kung maisasabatas, makababawas ito sa gastos, oras, at abala ng mga propesyonal na kailangang regular na mag-renew ng kanilang mga lisensya.
Layunin naman ng SBN 2329 na palawigin ang saklaw ng estate tax amnesty sa ilalim ng Republic Act No. (RA) 11213. Saklaw ng panukala ang mga ari-arian ng mga namatay noon ang Disyembre 31, 2024, na may hindi pa nababayarang estate tax. Mahalagang mabigyan ng pagkakataon ang mga pamilya na maayos ang kanilang obligasyon nang hindi lalo pang nahihirapan.
Bilang galing ng Davao Oriental at adopted son ng Mati City, alam ko ang kahalagahan ng maayos na paliparan sa pag-unlad ng mga lalawigan. Kaya inihain ko ang SBN 2325, na naglalayong italaga ang Mati Airport bilang opisyal na alternate airport ng Davao International Airport. Makakatulong ito sa pagpapalakas ng koneksyon, turismo, kalakalan, at paghahanda sa mga pagkakataong hindi magamit ang pangunahing paliparan.
Isinusulong din natin ang mas maayos at pangmatagalang pagpaplano ng imprastruktura sa pamamagitan ng SBN 2331, o ang Masterplan for Infrastructure and National Development (MIND) Bill. Layunin nitong magkaroon ng koordinasyon at tuluy-tuloy na direksyon sa pagtatayo ng mga pangunahing proyekto para sa kinabukasan ng ating bansa.
Bilang Chairman ng Senate Committee on Youth, patuloy kong inuuna ang kapakanan at kinabukasan ng kabataan. Sa SBN 2327, isinusulong natin ang pag-convert sa Cotabato Foundation College of Science and Technology sa Arakan, Cotabato, bilang isang state university. Layunin nitong mapalawak ang access sa dekalidad na edukasyon para sa mga estudyante sa Cotabato at mga kalapit na lugar.
Inihain ko rin ang SBN 2332 upang maisama sa basic education curriculum ang pag-aaral ng Saligang Batas ng Pilipinas. Mahalaga na maagang maunawaan ng kabataan ang kanilang mga karapatan, tungkulin, at papel bilang mamamayan.
Bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Health at isang health reforms crusader, patuloy kong isinusulong ang mas maayos at mas abot-kayang serbisyong medikal. Sa ilalim ng SBN 2324, layunin nating i-upgrade ang Roxas Memorial Provincial Hospital sa Barangay Lanot, Roxas City, bilang isang Level III general hospital na tatawaging Capiz Medical Center.
Inihain ko rin ang SBN 2333 upang gawing mas propesyonal at maayos ang propesyon ng mga sanitarians. Mahalaga ang kanilang tungkulin sa pagpapanatili ng kalinisan, kaligtasan, at pampublikong kalusugan sa ating mga komunidad.
Kasama rin sa mga panukala ang SBN 2328, o ang Food Waste Reduction and Prevention Act. Layunin nitong maiwasan ang pag-aaksaya ng pagkain at isulong ang maayos na pagre-recycle at pamamahagi ng mga sobrang pagkain na maaari pang mapakinabangan.
Ang mga panukalang ito ay nakatuon sa mga konkretong pangangailangan ng ating mga kababayan. Patuloy akong magsisikap na makapaghain at makapagsulong ng mga batas na maglalapit ng serbisyo sa tao, magpapagaan sa kanilang buhay, at magbibigay ng mas maraming oportunidad, lalo na sa mahihirap, nangangailangan, at walang ibang malalapitan.
Samantala, personal akong pumunta sa mga kababayan nating nasunugan sa Brgy. 145 at Brgy. 163, Tondo, Manila, upang mamahagi ng tulong sa kanila. Nakasama ko sa aking pagbisita si Brgy. 163 Chairwoman Baby Gutierrez.
Personal din akong dumalo sa Romblon Sangguniang Kabataan Congress 2026 upang makapagbahagi ng mensahe at personal na makasama ang ating mga kabataang lider, ilang vice mayors at board members ng probinsya. Bilang Chairman ng Senate Committee on Youth, patuloy kong hinihikayat ang ating SK na mamuno nang may integridad, malasakit, at dedikasyon sa serbisyo.
Samantala, noong nakaraang linggo, agad na naghatid ng karagdagang tulong ang Malasakit Team natin sa mga nasunugan sa Malabon City, Valenzuela City, at Pasig City. Nagbigay rin tayo ng tulong sa mga pamilyang naapektuhan ng bagyo sa Jose Abad Santos, Davao Occidental.
Tinulungan din ng Malasakit Team natin ang naulilang pamilya ng mga pinaslang na motorcycle taxi rider na sina Fabio Norberte Jr. at Ren Ren De Laviga. Nagpaabot tayo ng suporta sa kanilang mga mahal sa buhay sa gitna ng mahirap na panahong ito. Naniniwala ako na ang bawat Pilipino ay nararapat magkaroon ng kapanatagan ng loob. Dapat ligtas tayong nakalalakad sa mga lansangan, namumuhay nang payapa, at naghahanapbuhay nang marangal nang walang pangamba. Dapat nating patuloy na protektahan ang buhay at kapakanan ng mga ordinaryong Pilipino na nais lamang maghanapbuhay para sa kanilang pamilya at mamuhay nang may dignidad.
Nagbigay rin ang aking opisina ng financial assistance, grocery packs, at iba pang tulong sa dalawang naulilang pamilyang naapektuhan ng landslide sa Barangay Poblacion, Malapatan, Sarangani Province. Sampung katao ang nasawi sa trahedya, kabilang ang mga miyembro ng pamilyang Maladian at Yaton, matapos matabunan ng landslide ang dalawang bahay.
Tinulungan din ng ating team ang mga kapuspalad na nasunugan sa pakikipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan ng Davao City. Nagpaabot din ng suporta ang Malasakit Team natin sa mga nagtapos ng technical-vocational scholarship programs sa Daet, Camarines Norte; Sariaya, Quezon; at San Fernando City, Pampanga.
Bilang Mr. Malasakit, lubos kong pinahahalagahan ang tiwalang ibinigay sa akin ng sambayanang Pilipino. Patuloy kong gagawin ang aking makakaya upang maisulong ang mas marami pang batas na makatutulong sa ating mga kapwa Pilipino hanggang sa mga susunod na henerasyon. Bisyo ko ang magserbisyo, at naniniwala ako na ang serbisyo sa tao ay serbisyo sa Diyos.
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa BISYO MAGSERBISYO ni Bong Go, BULGAR Bldg., 538 Quezon Ave., Quezon City o mag-email sa bisyo.magserbisyoo@gmail.com.
Paalala lamang na sana ay isama ninyo sa inyong mga liham ang inyong contact number upang mas madali namin kayong mapaglingkuran.





Comments