Batas para pangalagaan ang mga nakatatanda, tiyaking nasa maayos na pamamahala
- BULGAR

- 1 hour ago
- 2 min read
ni Leonida Sison @Boses | February 4, 2026

Karapatan ng bawat Pilipinong tumanda nang may dignidad at sapat na serbisyong pangkalusugan.
Kaya naman, ipinasa ng Senado ang Senate Bill 1509 o Philippine Geriatric Center Act. Sa ikatlo at pinal na pagbasa, tuluyan nang umusad ang panukalang magtatatag ng Philippine Geriatric Center (PGC), isang espesyal na ospital na tututok sa pangangailangang medikal ng mga senior citizen—mga lolo at lola na nagbigay-buhay sa pamilya at komunidad sa mahabang panahon.
Iginiit na ang PGC ay simbolo ng pagkilala at paggalang sa mga nakatatanda. Kabilang din ito sa prayoridad ng Legislative Executive Development Advisory Council at sa legislative agenda ng Department of Health (DOH), patunay ng malinaw na direksyon at suporta mula sa ehekutibo at lehislatura.
Ang PGC ay tutugon sa mabilis na pagtanda ng populasyon at kakulangan ng serbisyong geriatric sa bansa. Itinatakda nitong magbigay ng abot-kaya, dekalidad, at people-centered na pangangalaga sa ating mga senior citizens. Higit pa rito, magsisilbi rin itong sentro ng koordinasyon para sa integrated at nationwide na serbisyong geriatric sa pakikipagtulungan ng DOH, LGUs, at iba pang sektor.
Mahalaga rin ang papel ng PGC sa pananaliksik sa mga sakit na kaugnay ng pagtanda at sa pagsasalin ng mga resulta tungo sa polisiya at espesyalisadong pangangalaga. Sa antas ng komunidad, susuportahan nito ang pagtatayo ng senior citizens’ wards sa mga pampublikong ospital at magsasanay ng mga health worker, social worker, at
boluntaryo.
Isinama sa bersyon ng Senado ang mahahalagang pananggalang laban sa pagiging “white elephant” ng proyekto. Itinakda na ang pamumuno ng PGC ay dapat hawak ng lisensiyadong doktor na may napatunayang karanasan sa geriatric care at mahusay na pamamahala ng ospital. Ang pamantayang ito ay kritikal upang masigurong ang pondo ng bayan ay nagbubunga ng serbisyong tunay na nararamdaman ng taumbayan.
Ang PGC ay panlipunang kontrata sa pagitan ng estado at mamamayan. Kapag inalagaan natin ang matatanda, pinalalakas natin ang pamilyang Pilipino at binibigyang-halaga ang alaala, karunungan, at ambag ng mga nauna sa atin. Paalala ito na ang kaunlaran ay hindi nasusukat sa bilis ng paglago kundi sa husay ng pag-aaruga sa mga pinakamahina.
Ang Philippine Geriatric Center ay paninindigan na ang pagtanda ay hindi pasanin kundi yugto ng buhay na dapat protektahan. Kapag naisabatas at naisakatuparan nang tapat, magiging konkretong patunay ito na ang karapatan sa kalusugan ay walang edad, at ang pag-unlad ay dapat maramdaman hanggang sa huling hininga ng bawat Pilipino.
Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com








Comments