Bata pa raw nang matuto dahil user din ang padir… KID YAMBAO NG HASHTAGS, BANGAG, UMAMING MUNTIK
NANG PATAYIN ANG AMA
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | June 30, 2021

Umiiyak na inamin ni Hashtag Kid Yambao sa manager niyang si Ogie Diaz na sa panahon ng pandemic, walang-wala siyang pera dahil ang naipon niya noong kainitan niya sa It’s Showtime at iba pang pelikulang nagawa niya ay nasimot dahil nagtiwala siya sa maling tao.
Emosyonal na sabi ni Kid, “Kasi 'di ba, nag-invest ako sa ‘yo before, naibalik mo, okay tayo. Ngayon, hindi ko pa nasasabi sa ‘yo na nawala ‘yung pera ko.”
Nagulat si Ogie, “Huh? Nawala ‘yung pera mo? Sana pala, hindi ko ibinalik muna. Paano nawala?”
“In-invest ko sa tiyuhin ko at ang nangyari, tinakbuhan din daw siya. So, nu’ng pandemic, wala, as in walang raket, wala akong pera. As in nasimot lahat, ibinigay ko lahat, tapos nahuli pa si erpats,” tuluy-tuloy pa rin ang luhang kuwento ng binata.
“Sana pala, hindi ko ibinigay,” say ni Ogie.
“Sana nga,” sambit ni Kid.
Dagdag pa nito, “Ito ang nagawa sa akin ng pandemic, nawala lahat ‘yung pera ko, ‘yung erpats ko (nahuli). Kaya dasal pa rin talaga.
“Kaya umuwi ako ng Cavite kasi hindi kaya ng mga kapatid ko. Sabi ko, antayin lang nila, didiskarte ako, ibabalik ko ‘yung dati, magnenegosyo ako."
Tumanggap ng BL (boy's love) projects si Kid nitong panahon ng pandemya at inipon niya lahat kaya nakapagpatayo ng farm para sa pagbi-breed ng mga aso at okay naman ngayon.
Nag-invest din daw siya sa mga damit at sapatos na so far, maganda ang bentahan niya kaya nakakaraos silang pamilya.
Sabi ni Kid, “Once na na-scam ka na, naloko ka, hindi lang ‘yun, maraming beses pa, hindi ka puwedeng huminto. Kasi 'pag huminto ka, matatalo ka sa negosyo.
"Naghangad kasi ako nang malaki, hindi ru’n sa konti pero tuluy-tuloy.”
Hindi na pinag-usapan pero ang intindi namin ay binawi ni Kid ang investment niya sa manager niya dahil maliit ang kita, pero tuluy-tuloy. At nakakita siya ng mas malaking tubo na walang kasiguraduhan at hayun, na-scam nga siya.
Sabi pa ni Kid, “Sabi nila, sa pamilya ka kumapit. Eh, buong buhay ko, puro pamilya nanloko sa akin.”
Samantala, hindi buo ang pamilya ni Kid dahil ang nanay at ilang kapatid niya ay sa Sta. Mesa, Manila nakatira at siya, kasama ang ibang kapatid ay sa bahay nila sa Cavite, at kahit na gustuhin niyang mabuo ito ay medyo malabo.
“Nakakulong si erpats,” umiiyak na sabi ni Kid na parang bata.
Bagama’t hindi na binanggit ng binata kung ano'ng dahilan ng pagkakakulong ng ama ay nagbase kami sa kuwento niya na baka may kinalaman ito sa droga.
Ayon sa miyembro ng Hashtags ay nasubukan niyang gumamit ng ipinagbabawal na gamot kaya ang tanong ni Ogie ay kung social experiment ba ito.
“Hindi social experiment kasi tumagal ako, lahat tinry ko. Bata kasi ako nu’n, nakita ko erpats ko, nakikita ko silang gumagamit, so bata pa lang ako, alam ko na kung ano ‘yun, grade school ako nu’n.
“Itinatago nila sa damitan ko, may makikita ako, nalalaglag sa pantalon ko. Sabi ko nu’n, hindi ko ita-try ito, pero nu’ng natuto na akong dumiskarte para pakikisama para mabuhay ka, ginawa ko ‘yun (droga), mabuhay ako na hindi umasa sa magulang ko.”
At dahil mas lumala ang paggamit niya ng droga nu’ng malaki na ang kinikita niya sa showbiz ay inamin niyang marami siyang hindi sinipot na projects dahil hirap siyang gumising kapag bangag.
Inamin din niyang ilang beses siyang kinagagalitan ng manager dahil nagsisinungaling na nga siya.
Pero dahil sa naranasan niyang hirap ay inamin niyang kaya siguro hirap siyang umangat sa showbiz ay dahil hindi niya pinagbubuti, nagbisyo siya, bagay na ayaw ni Lord dahil nga binigyan na siya ng pagkakataon.
Pag-alaala pa ni Kid, “Gusto kong umangat kami (sa buhay), pero bakit ganu’n ang ginagawa ko, sinusundan ko ‘yung step na ginagawa ng magulang ko. So, isa ito sa mga tumapik nang sobra sa akin.
“Hindi ako lumabas nang isang linggo sa bahay, umiwas na ako sa lahat kasi praning na praning na ako. Umabot sa time na kaya kong patayin ang erpats ko kasi gumagamit ang erpats ko.
“Umuwi ako nu’n, basag din ako (high sa droga), tapos ang nauwian ko, nag-aaway magulang ko, tapos umalis si ermats, umalis mga kapatid ko, ako ang naiwan.
“Tulog erpats ko, parang may bumubulong sa akin na 'Pagkakataon mo na ito, walang tao, pagkakataon mo na ito, gawin mo na.' Pumunta ako ng kusina, kumuha ako ng kutsilyo at kumuha ako ng upuan, umupo ako sa harap ng erpats ko. Habang tulog, ginaganito ko (hawak nang mahigpit) hanggang sa nasusugatan na ako.
“May bumubulong na 'Gawin mo na,' pero sa sarili mo, may lumalaban na ‘Huwag.’ Hanggang sa pasama na nang pasama ‘yung galit ko, ang ginawa ko, tumakbo ako, umalis ako ng bahay.”
Kay Pinoy Boyband finalist Mark Oblea nakituloy si Kid noong umalis siya sa bahay nila.
“Pinagsisihan ko na ‘yung ginawa ko sa erpats ko na hindi alam hanggang ngayon,” saad ni Kid.
May part 2 ang panayam ni Ogie sa alagang si Kid at mas maraming rebelasyon pa na mapapanood sa YT channel nito.





Comments