top of page

Bank Secrecy Law, dapat ibasura, nagiging sandata lang ng mga kurakot sa pamahalaan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 4 hours ago
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | April 10, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


MGA CONG., ‘WAG UMASTANG MGA MAHISTRADO, IWASANG MAGSAGAWA NG 'MINI-TRIAL' PARA HINDI MAGKAROON NG DAHILAN ANG SC NA IPA-STOP IMPEACHMENT PROCEEDINGS KAY VP SARA – Dapat maging maingat ang mga miyembro ng House Justice Committee sa isasagawang hearing sa Abril 14, 2026 kaugnay ng impeachment ni Vice President Sara Duterte.


Dapat nilang isaalang-alang na may nakabinbing petisyon sa Korte Suprema hinggil dito. Bagama’t wala pang inilalabas na temporary restraining order (TRO), maaaring maapektuhan ang magiging resulta ng impeachment process kung mapagpapasiyahan ng Korte Suprema na nagkaroon ng paglabag sa proseso o labis na pagsasagawa ng kapangyarihan ang Kamara.


Sa ganitong konteksto, mahalagang iwasan ng mga kongresista ang anumang hakbang na maaaring ituring na pagganap ng tungkuling parang sa isang “mini-trial,” dahil ang pormal na paglilitis sa impeachment ay nakasalalay sa Senado bilang impeachment court.


Ang mga senador lamang ang inaasahang magsisilbing senators-judges sa impeachment trial. Kaya mahalagang manatili ang House Justice Committee sa tamang saklaw ng kanilang tungkulin upang maiwasan ang anumang isyung maaaring makaapekto sa pagiging balido ng proseso. Period!


XXX


SABLAY ANG SINABI NI PBBM NA HINDI TATAAS ANG PRESYO KASI HINDI LANG MGA BILIHIN TUMAAS, KUNDI PATI MGA BAYARIN – Mula sa 2.4% inflation rate ng bansa noong Pebrero 2026, umakyat ito sa 4.1% nitong Marso 2026. Ayon sa mga ulat, isa sa mga pangunahing dahilan nito ang pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo sa bansa.


Ipinapakita nito na tila hindi tumugma sa aktuwal na pangyayari ang naging pahayag noon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) na hindi tataas ang presyo ng mga bilihin sa gitna ng digmaan sa Middle East at krisis sa langis, dahil bukod sa mga bilihin, tumaas din ang ilang bayarin. Tsk!


XXX


MGA 'EKSPERTO' SA PRESYO NG LANGIS, KAKUNTSABA BA NG MGA OIL COMPANIES? – Sinasabi ng ilang eksperto sa presyo ng langis na kahit bumaba ang halaga ng krudo sa world market, hindi raw ito agad makikita sa pagbaba ng presyo ng produktong petrolyo sa Pilipinas.


Ngunit para sa ilan, palaisipan ito: tunay bang paliwanag ito ng mga eksperto, o simpleng dahilan lamang upang hindi agad asahan ng publiko ang rollback sa presyo?

Hindi kasi katanggap-tanggap para sa iba ang ganitong paliwanag, lalo na kung bumababa na ang presyo ng langis sa pandaigdigang merkado ngunit tila hindi ito ramdam sa lokal na presyo ng produktong petrolyo. Mga pwe!


XXX


IBASURA ANG BANK SECRECY LAW KASI NAGIGING SANDATA LANG ITO NG MGA KURAKOT SA GOBYERNO – Isa sa mga batas na dapat busisiin o rebisahin sa Pilipinas ay ang Bank Secrecy Law.


Sa isang bansang laganap ang katiwalian, hindi dapat ganap na umiiral ang ganitong uri ng batas. Sa halip, nagiging kanlungan lamang ito ng mga tiwaling opisyal upang maitago ang kanilang mga hindi maipaliwanag na yaman, kabilang ang mga perang posibleng nagmula sa katiwalian sa gobyerno.


Dahil dito, nananatiling limitado ang transparency at mahirap matukoy ang tunay na lawak ng anumang anomalya sa pananalapi ng ilang nasa posisyon ng kapangyarihan. Period!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page