top of page
SPECIAL ARTICLE - “MUNTIK NA AKONG MAMATAY KAYA DESERVE KO ‘TO!” - HEART-IG _iamhearte.jpg

Band-aid solution, ‘di sagot sa lumalalang krisis sa langis dahil sa giyera

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Apr 8
  • 2 min read

ni Leonida Sison @Boses | April 8, 2026



Boses by Ryan Sison


Nasaan na ang matatag at maayos na reporma para sa mga jeepney drivers? Tama na sa band-aid solution na tila nagiging sugat na matagal nang hindi ginagamot o nasosolusyunan, ganyan ang dating ng sunud-sunod na libreng ayuda para sa mga jeepney driver na pilit bumabawi sa gitna ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng langis.

Sa Maynila, namahagi ng libreng chicken adobo rice meals ang Para Commuters’ Network sa mga tsuper nitong Lunes ng umaga. 


Ayon sa grupo, ginagawa ng mga komyuter ang kaya nilang maitulong, kahit isang libreng pagkain kada araw. Malinaw na hindi lang mga driver ang apektado ng krisis, kundi pati ordinaryong pasahero ay kumikilos para sa kapwa nila kapos sa biyahe at kita.


Kasabay nito, nagpatupad ang pamahalaang lungsod ng libreng sakay sa ilang ruta matapos umupa ng mga jeepney, kabilang sa Pedro Gil at Agoncillo. Para sa mga driver, malaking ginhawa ang garantisadong P1,000 kita kada araw—malayung-malayo sa dating halos P200 na lamang matapos kaltasin ang mahal na gasolina. Patunay ito na kapag may direktang interbensyon, may agarang epekto sa kabuhayan.


Sa Iloilo City naman, nagbukas ang Jaro Archdiocesan Social Action Center ng community pantry para sa mga tsuper. Libreng isda, gulay, at de-latang pagkain ang maaaring kunin, at umabot na sa 379 driver ang natulungan. Plano pa itong palawakin para sa mangingisda at senior citizens, na kapwa rin tinatamaan ng domino effect ng pagtaas ng presyo ng langis.


Pero sa kabila ng mga inisyatibong ito, nananatili ang pangamba. Nakabitin ang tanong ng marami kung hanggang kailan kakayanin ng mga pansamantalang tulong ang patuloy na pagtaas ng gastos. May babala pa na posibleng dumami ang titigil sa pamamasada kung hindi mapipigilan ang pagtaas ng presyo ng petrolyo.


Kung tutuusin, kahanga-hanga ang bayanihan—mula sa commuter group hanggang sa simbahan at lokal na pamahalaan. Pero hindi ito dapat maging permanente. 


Ang mga libreng pagkain at sakay ay pansamantalang lunas lamang sa mas malalim na problema ng sistemang umaasa sa mahal at pabagu-bagong langis.


Ang krisis na ito ay hindi lang kwento ng mga driver kundi salamin ng kalagayan ng bawat Pilipino. Kapag bumagsak ang kita ng tsuper, apektado ang pasahero, ang pamilya, at ang buong ekonomiya. 


Kung may aral man dito, iyon ay ang pangangailangang lampasan ang “band-aid solutions” at humanap ng pangmatagalang tugon, dahil hindi sapat ang awa kung ang sistema mismo ang patuloy na nagpapahirap.




Para sa inyong opinyon, sumbong, hinaing o nais hinging tulong ito ang pagkakataong marinig ang inyong boses, sumulat lamang sa BOSES at ipadala sa Bulgar Bldg. 538 Quezon Avenue, Quezon City o mag-email sa boses.bulgar@gmail.com

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page