Away dahil sa pera… ANJO, PINUPUTOL NA ANG PAGIGING MAG-UTOL NILA NI JOMARI
ni Reggee Bonoan - @Sheet Matters | January 06, 2022

Nasulat namin dito sa BULGAR nu’ng isang araw na planong idemanda ni Anjo Yllana ang kapatid niyang si Jomari Yllana kasama ang kasintahan nitong si Abby Viduya na umano’y ibinulsa ang campaign funds niya.
Sina Jomari at Abby ang tinawag na ‘katiwala’ ni Anjo na direktang kausap ng sponsor niyang nagbibigay ng funds para magamit niya sa pag-iikot niya sa mga constituents kung saan kumakandidato siyang congressman sa 4th District ng Camarines Sur.
Sa YouTube channel ni Ogie Diaz na Showbiz Update kasama sina Mama Loi at Tita Jegs ay naikuwento ng una na may nakausap siyang taga-CamSur tungkol sa isyung kinakaharap ng Yllana brothers.
“According kay Anjo, hindi niya ma-imagine at maatim na ang sariling kapatid (Jomari) ang gagawa ng ganu’n sa kanya. Ito’y malungkot na balita para sa industriya dahil nu’ng una ay nasanay na tayo na Barretto sisters (Marjorie, Claudine at Gretchen) ang nag-aaway, sinanay na tayo niyan.
“Ito (Yllana brothers), hindi, eh. Hindi tayo sanay na mga Yllana, nag-aaway. Ang masaklap nito, parang si Jomari, nagkuwento sa nanay (nila) at sa mga kapatid at kumampi ang pamilya kay Jomari kaya medyo masama ang loob ni Anjo. Kasi ang totoo raw ay siya ‘yung naisahan kasi hindi ibinigay sa kanya ‘yung buong budget,” kuwento ni Ogie.
Nabanggit ni Anjo na ang budget niya kada buwan para sa pag-iikot at pamamahagi niya ng tulong ay aabutin ng P500,000, pero base sa pahayag ni Ogie ay P250,000 lang ang nakakarating sa kanya.
“P250K kina Jomari at Priscilla o Abby Viduya na umano’y malayong kamag-anak ni LRay (Luis Raymond Favis Villafuerte). Totoo ba ‘yun, Priscilla? Anyway, so half-half sila,” sabi pa ng vlogger/talent manager.
At dahil sa gulong ito ng magkapatid ay minabuti na lang ni Anjo na umatras sa laban niya dahil nga kulang ang budget niya at wala siyang mailalabas bukod dito at hindi rin ibinigay ang kanyang filing bonus na usapan noon na kapag nag-file na siya ng certificate of candidacy niya ay may matatanggap pa siyang bonus.
May nakausap si Ogie na taga-CamSur at base sa kuwento sa kanya, kaya umatras si Anjo ay dahil pinaatras daw ng kalaban niya.
“Sabi ng source ko sa CamSur, hindi ko naman po kino-confirm ito na totoo, ah, hindi ko naman sinasabing hindi siya (source) reliable, pero ito lang ‘yung nasagap namin na puwede namang pabulaanan ng kung sinuman ang tatamaan nito.
“Na si Anjo ay umatras sa kanyang kandidatura bilang congressman at sinabi niya sa sponsor niya na kumuha na lang ng substitute dahil hindi na niya kinakaya ‘yung mga nagaganap dahil medyo gipit na rin si Anjo financially.
“Ngayon, merong tsika na ‘yung kalaban na hindi ko alam, sino’ng kalaban ni Anjo, ‘no, na inawitan si Anjo na ‘Umatras ka na, bibigyan ka namin ng P5M,’ ‘yun ang nakarating na balita sa source ko, P5M.
“Kaya mas pinili na lang ni Anjo na umatras ng may P5M. Kaya nagagalit si Jomari raw kay Anjo kung bakit tinanggap ‘yung offer ng kalaban na posibleng dito ay manalo na siya,” kuwento ni Ogie.
Dagdag pa, “Kaya itatanong din namin kay Anjo kung totoo ba na may natanggap siyang P5M mula sa kalaban.”
Balik-tanong ni Mama Loi, “So, pareho silang at fault dito kasi ‘yung isa (Jomari), hindi ibinigay ang buo (budget), tapos (Anjo), umatras, tinanggap ‘yung ano (offer) ng kalaban?
“‘Yun nga, kina Jomari, parang naakusahan naman na kinakaltas nila ‘yung kalahati ni Abby Viduya na hindi naman natin confirmed kung totoo ‘yun, ha? Na kalahati lang napupunta kay Anjo, eh, siya ‘yung pagod na pagod na for how many months niya itong ginagawa, tapos ganu’n pala ‘yung eksena na ikinalulungkot daw ni Anjo na bakit hindi sinabi sa kanya ni Jomari,” pahayag pa ni Ogie.
At ang nakalulungkot ay sinabi ni Anjo na pinuputol na raw niya ang pagiging magkapatid nila ni Jomari.
Bukas ang BULGAR sa panig nina Jomari at Abby sa isyung ito.





Comments