top of page
RUN WILD - BARBIE, NAPABILIB SI ALDEN SA PAGIGING WILD-IG _barbaraforteza.jpg

Atty. Zuleika, ‘di na ihaharap sa trial, ano’ng kinatatakutan ng House?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jul 16
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | July 15, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


'PREPARE FOR TYPHOON INDAY' KAYA ANG DAHILAN KAYA ‘DI NA GINAWANG HOSTILE WITNESS NG HOUSE AND PRIVATE PROSECUTORS SA IMPEACHMENT SI ATTY. ZULEIKA LOPEZ? – Hindi na itinuloy ng House of Representatives at ng private prosecutors ang pagkuha kay Atty. Zuleika Lopez, chief of staff ng Office of the Vice President (OVP), bilang hostile witness sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.


Ang tanong ngayon, bakit bigla nilang inatras ang planong ito? Nasindak kaya sila sa posibilidad na personal na humarap si VP Sara sa impeachment court?


Sa panayam ng media kay Atty. Lopez, hindi nito direktang sinagot ang tanong kung handa ba siyang maging hostile witness. Sa halip, sinabi lamang niya ang, "Prepare for Typhoon Inday." Hindi naman niya nilinaw kung ang tinutukoy niya ay ang paparating na bagyong "Inday" o si VP Sara, na kilala rin sa palayaw na "Inday." Boom!


XXX


DAPAT BIGYANG-LINAW NI SEN. PADILLA ANG SINABI NIYANG ISA SIYANG KOMUNISTA – Sa ikalimang araw ng impeachment trial nitong July 14, 2026, sa pagtatanong ni Sen. Robin Padilla sa witness na si NBI officer Atty. Jeremy Lotoc, nabanggit ng senador na isa siyang komunista.


Dapat linawin ni Sen. Padilla ang pahayag na ito kung nagkamali lamang siya sa kanyang nasabi, dahil sa ilalim ng Anti-Terrorism Act of 2020, kabilang ang Communist Party of the Philippines (CPP) sa mga idineklarang teroristang grupo sa bansa. Period!


XXX


SABI NG NBI, IIMBESTIGAHAN NILA ANG MGA ANOMALYA SA 2019 SEA GAMES, SI SEN. ALAN CAYETANO NA KAYA ANG NEXT NA MAKUKULONG? – Iimbestigahan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang kontrobersiyang may kaugnayan sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games, partikular ang umano'y P10 bilyong kontrata na napunta sa isang private firm nang walang bidding, gayundin ang umano'y overpriced na P50 milyong cauldron.


Ang namahala sa 2019 SEA Games ay ang Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) na pinamunuan noon ni dating House Speaker Alan Cayetano.


Kung mapatutunayan ng imbestigasyon ng NBI na may naganap na anomalya, posibleng maharap sa kasong plunder ang mga responsable, dahil parehong may kaugnayan dito ang umano'y P10 bilyong kontrata at ang P50 milyong cauldron.


Kaya sinasabing maaaring may susunod na mapanagot sa kasong ito, lalo na't mayroon nang mga personalidad na dati ring nakulong kaugnay ng mga kasong plunder. Boom!


XXX


SA EDAD NA 72 AT SENADOR PA SI SEN. MARCOLETA, DAPAT SA DETENTION CELL NG CAMP CRAME SIYA IKULONG, HINDI SA CITY JAIL – Ipinag-utos ng Sandiganbayan na alisin sa hospital arrest si Sen. Marcoleta at ilipat ito sa Quezon City Jail.


Pambihira naman, 72-anyos na at senador pa si Sen. Marcoleta. Sana ay isinaalang-alang ng Sandiganbayan ang kanyang edad at katayuan bilang mambabatas. Ang nais lang nating ipunto, sana ay sa Camp Crame detention facility na lamang siya ikinulong at hindi sa city jail. Tsk!


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page