top of page
WINNER - MICHELLE, ATRAS NA SA PAG-JOIN SA MISS GRAND INTERNATIONAL ALL STARS 2026_IG _mic

Asawa ng biktima, itinuro ang bumaril; doktor, kontra sa salaysay

Writer: BULGAR
BULGAR
Nov 9
6 min read

ni PAO Chief Persida Rueda-Acosta @Daing Mula sa Hukay | November 9, 2026



  • Daing Mula sa Hukay ni Atty. Persida Acosta

ISSUE #418



Sa gabing nawalan ng kuryente, isang putok ng baril ang bumasag sa katahimikan. Isang lalaki ang natagpuang duguan sa labas ng kanyang bahay. Ayon sa asawa, bago tuluyang mamatay, may nabanggit pa siyang pangalan.


Ngunit, paano kung napakalubha ng sugat na tinamo ng biktima kaya, ayon sa doktor, hindi na siya makapagsalita pa? Paano kung ang tanging nakita lamang matapos marinig ang putok ay ang likod ng isang taong tumatakbo sa dilim?


Sapat na ba iyon upang matukoy ang pumatay? Maaari bang maging susi sa isang kasong pagpatay ang pangalang sinasabing nabanggit ng biktima kung mismong ang pagsambit nito ay pinagdududahan?


Ito ang usaping sinuri sa kasong People of the Philippines v. Almonte, Criminal Case No. 10xxx, na dininig ng Regional Trial Court (RTC), Fifth Judicial Region, Branch 6, Legazpi City. Inilabas ang desisyon noong ika-26 ng Oktubre 2021 sa panulat ni Honorable Judge Elmer M. Lanuzo. Para sa salaysay na ito, binago ang mga pangalan ng akusado, biktima, at mga saksi.


Kinasuhan si Lando ng Murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code dahil sa pagkamatay ng kanyang kapitbahay na si Ruel. 


Ayon sa sakdal, noong gabi ng ika-30 ng Abril 2004, sa Brgy. Bañadero, Legazpi City, umano ay binaril niya ang biktima. Nakasaad din sa paratang ang mga qualifying circumstance na treachery at evident premeditation. Hindi umamin sa kasalanan ang akusado.


Ayon sa tagausig, noong gabing iyon ay nakipag-inuman si Ruel sa kanyang bisita. Bandang alas-9:30 ng gabi, inihatid niya ito sa bahay ng lola nito. Makalipas ang ilang sandali, nawalan ng kuryente sa kanilang lugar. Nagsindi ng mga kandila ang asawa niyang si Tess habang nananahi sa loob ng bahay kasama ang anak nilang si Jenny.


Habang nasa loob ng bahay, nakarinig ang mag-ina ng putok ng baril. Agad na lumabas si Tess, at ayon sa kanya, nakita niya si Lando na tumatakbo patungo sa maburol na bahagi ng kanilang lugar. Natagpuan din niya si Ruel na duguan at pasuray-suray. Nang alalayan niya ang asawa, sinabi umano nito na si Lando ang bumaril sa kanya.


Pinagtibay ni Jenny ang salaysay ng kanyang ina tungkol sa narinig na putok at sa sinasabi nila ang huling sinabi ng biktima. Sinabi rin niyang nakita niya si Lando sa tabing-daan at kalaunan ay malapit sa kanilang bahay bago ang insidente. Gayunman, walang sinuman sa mga saksi ang nagsabing nakita niya mismo ang pamamaril.


May inilahad ding posibleng pinagmulan ng alitan ng dalawa. Bago ang insidente, nagreklamo si Ruel sa barangay tungkol sa mabahong kulungan ng baboy ni Lando. Bagama't naayos ang usapin, ipinagpalagay ng tagausig na maaaring may natitira pang sama ng loob ang akusado. Sa rebuttal, nagkuwento rin ang isang pulis tungkol sa nauna nang alitan ng dalawa.


Sa kabilang banda, mariing itinanggi ni Lando na siya ang bumaril. 

Ayon sa kanya, nasa bahay siya ng kanyang biyenan kasama ang pamilya bago nagtungo sa bahay ng kanyang ina upang alamin kung may sulat mula sa mga kapatid niya sa Maynila. Naroon umano siya nang marinig ang putok ng baril, ngunit hindi niya ito pinansin dahil tila malayo ang pinanggalingan nito.


Pag-uwi niya bandang alas-11:00 ng gabi, sinabi ng kanyang asawa na si Nena na may naghahanap sa kanya kaugnay ng insidente. Kinabukasan, nagtungo umano siya sa himpilan ng pulisya kasama ang isang pulis na kakilala upang alamin kung may reklamo laban sa kanya. Diumano, wala silang nakitang nakatalang reklamo laban sa kanya.


Pagkaraan ng isang linggo, nagtungo si Lando sa Maynila upang magtrabaho sa konstruksyon. Iginiit niyang hindi iyon nangangahulugang tumatakas siya dahil pabalik-balik naman siya sa Legazpi at kalaunan ay muli siyang nanirahan doon kasama ang pamilya. Naaresto siya noong 2019. Pinagtibay ng kanyang asawa ang mahahalagang bahagi ng kanyang salaysay.


Sa pagsusuri ng mga abogado ng Depensa mula sa Public Attorney's Office, kabilang sina Atty. Mary Grace Alemania at Atty. Bautista-Bernarte, nabusisi ang mga salaysay ng mga saksi at ang resulta ng autopsy. Dito higit na lumitaw ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng sinasabing huling pananalita ng biktima at ng mga natuklasang medikal.


Kung narinig nga ng mag-ina mula sa biktima ang pangalan ng bumaril, maaari itong maging mahalagang ebidensya. Ngunit, kung may pahayag na hindi na siya


makapagsalita matapos tamaan ng bala, maaari pa bang paniwalaan ang sinasabing pahayag ng mag-ina? Sapat ba ang iba pang pangyayari upang hatulan ang akusado?

Sa ilalim ng Section 38, Rule 130 ng Rules of Court, maaaring tanggapin bilang ebidensya ang dying declaration o pahayag ng isang taong nagsasalita habang batid niyang nalalapit na ang kanyang kamatayan, tungkol sa sanhi at mga pangyayari nito.


Ngunit, sa kasong ito, ang mismong kakayahan ng biktimang makapagsalita ang naging pangunahing usapin. 


Ayon sa medico-legal expert, ang tama ng bala sa ulo ay nakapinsala sa magkabilang cerebral hemispheres at sa central nervous system. Nang tanungin siya ng hukuman kung posible pang nakapagpahayag ang biktima kung sino ang bumaril sa kanya, sumagot siya: “No, Your Honor.”


Dahil dito, hindi pinaniwalaan ng hukuman ang sinasabing dying declaration. 

Para sa hukuman, ang pinsala sa utak ay nagdulot ng halos agarang pagkawala ng malay ng biktima. Dahil dito, hindi kapani-paniwalang naituro pa ni Ruel ang salarin matapos siyang mabaril.


Sinuri din ng hukuman ang pagkakakilanlan sa taong nakita umanong tumatakbo. May brownout noon at kandila lamang ang nagbibigay-liwanag sa may balkonahe. Inamin ni Tess na nakatalikod ang taong tumatakbo at hindi ito lumingon. Bagama't pinsan niya at kapitbahay ang akusado, nagduda ang hukuman kung sapat ang pagkakataon niyang makilala ang taong iyon sa gayong kadilim na kalagayan.


Dagdag pa rito, sa unang police blotter noong ika-1 ng Mayo 2004, isang hindi kilalang lalaki ang iniulat na nanakit sa biktima gamit ang isang matigas na bagay. Kinabukasan lamang naitala ang pangalan ni Lando bilang umano'y bumaril sa biktima. Napansin din ng hukuman ang pagkakaiba sa pagitan ng affidavit at testimonya ni Tess: buong pangalan ng akusado ang nakasaad sa affidavit, samantalang unang pangalan lamang ang sinabi niyang narinig niya. Ipinaliwanag niyang hindi niya nauunawaan ang wikang Ingles na ginamit sa dokumentong inihanda ng pulisya.


Para sa hukuman, ang mga pagkakaibang ito, kasama ng hindi tiyak na pagkakakilanlan sa tumatakbong lalaki at ng testimonya ng doktor, ay lalo pang nagpahina sa ebidensyang nag-uugnay sa akusado bilang salarin.


Hindi rin itinuring ng hukuman na patunay ng pagkakasala ang pagpunta ni Lando sa Maynila. Kinabukasan pa lamang ng insidente ay nagtungo na siya sa himpilan ng pulisya upang magtanong tungkol sa paratang laban sa kanya. May makatuwirang paliwanag din siya sa kanyang paglalakbay dahil sa trabaho. Maging ang dati nilang alitan tungkol sa kulungan ng baboy ay hindi sapat upang patunayang siya ang bumaril.


Sa ilalim ng Section 4, Rule 133 ng Rules of Court, maaaring maging sapat ang circumstantial evidence o mga hindi direktang ebidensya upang mahatulan ang isang akusado kung may higit sa isang pangyayari, napatunayan ang mga katotohanang pinagbabatayan ng mga hinuha, at ang pinagsama-samang pangyayari ay nagpapatunay ng pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Hindi rin maaaring ibatay ang isang hinuha sa isa pang hinuha lamang.


Sa Lozano v. People (G.R. No. 165582, Hulyo 9, 2010), ipinaliwanag ng Korte Suprema, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Jose C. Mendoza, na kailangang bumuo ang circumstantial evidence ng isang “unbroken chain” o tuluy-tuloy na kadena ng mga pangyayari na makatuwirang nagtuturo sa akusado, at hindi sa iba, bilang salarin. 


Sa kasong ito, nakita ng RTC na hindi nabuo ang naturang kadena: hindi pinaniwalaan ang sinasabing huling pananalita ng biktima, hindi tiyak ang pagkakakilanlan sa tumatakbong lalaki, at hindi rin napunan ng dating alitan o pagpunta sa Maynila ang mga kakulangan sa ebidensya.


Mahalaga rin ang presumption of innocence o pagpapalagay na walang sala ang akusado sa ilalim ng Article III, Section 14(2) ng 1987 Constitution, gayundin ang pamantayan ng proof beyond reasonable doubt o pagpapatunay ng pagkakasala nang lampas sa makatwirang pagdududa sa Section 2, Rule 133 ng Rules of Court. Sa Angeles v. People (G.R. No. 212562, Oktubre 12, 2016), tinalakay ng Korte Suprema, sa panulat ni Kagalang-galang na Kasamang Mahistrado Jose P. Perez, ang equipoise rule. Ayon dito, kung ang mga pangyayari ay maaaring ipaliwanag sa paraang kapwa naaayon sa pagkakasala o kawalan ng sala ng akusado, at nananatili ang makatwirang pagdududa, dapat manaig ang presumption of innocence.


Sa huli, sa desisyong inilabas noong ika-26 ng Oktubre 2021, pinawalang-sala si Lando sa kasong Murder dahil hindi napatunayan ng tagausig ang kanyang pagkakasala nang lampas sa makatuwirang pagdududa. Iniutos din ng hukuman ang agarang paglaya niya mula sa Legazpi City Jail, maliban kung may iba pang legal na dahilan upang manatili siya sa kustodiya.


Ngunit, hindi nabubura ng pagpapawalang-sala ang katotohanang may isang buhay na nawala. Para sa pamilya ni Ruel, nananatili ang daing ng asawang nawalan ng kabiyak at ng anak na nawalan ng ama. Nananatili rin ang tanong kung sino ang tunay na bumaril noong gabing iyon.


Para naman kay Lando, naroon ang daing ng isang taong itinurong salarin, ngunit hindi maaaring alisin ang kanyang kalayaan dahil lamang sa hinala o sa pagkakakilanlang hindi napatunayan nang lampas sa makatuwirang pagdududa.


Sa pagitan ng isang putok at isang pangalang sinasabing nabanggit sa dilim, ipinapaalala ng kasong ito na ang katarungan ay hindi lamang tungkol sa paghahanap ng taong mananagot. Higit sa lahat, ito ay tungkol sa pagtiyak na ang hahatulan ay ang taong tunay na napatunayang maysala.


Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page