Artista factor, hindi na umepekto? Desisyon ni Sen. Padilla, tumpak lang!
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 31, 2026

KUNG HINDI NA TALAGA KAKANDIDATO SI SEN. ROBIN PADILLA, MAINAM ‘YAN PARA HINDI NA SIYA NABA-BASH NG PUBLIKO – Sinabi ng misis ni Sen. Robin Padilla na si dating TV host Mariel Padilla na hindi na umano kakandidato sa pagkasenador ang kanyang mister sa halalan ng 2028.
Kung totoo ito, maaaring maging mainam na desisyon para kay Sen. Padilla, lalo na’t mula nang maupo siya bilang senador ay mas madalas siyang mabatikos ng netizens kaysa mapuri. Boom!
XXX
MGA BOTANTE, MULAT NA; SEN. PADILLA, TAKOT BA MATALO? – Walang ibinigay na detalye si Mrs. Mariel Padilla kung bakit hindi na umano kakandidato si Sen. Robin Padilla sa halalan ng 2028.
Dahil dito, lumilitaw ang tanong kung may kinalaman ba ang posibleng desisyong ito sa pagkatalo sa 2025 senatorial election ng ilan sa mga kapwa artista ng senador, tulad nina dating Sen. Bong Revilla, Willie Revillame, at Philip Salvador.
Ang nais nating ipunto: posible kayang iniiwasan ni Sen. Padilla ang panganib ng pagkatalo sa 2028, lalo’t tila mas mulat na ngayon ang mayorya ng mga botante at hindi na basta nagpapapanalo ng mga artista sa eleksyon? Baka ito ang dahilan kung bakit pinipili na lamang niyang umatras—upang hindi na muling maharap sa pambabatikos at bansag ng netizens sakaling matalo. Boom!
XXX
KUNG TOTOONG NAKAPAGPUSLIT PALABAS NG BANSA SI ZALDY CO NG $100M, PATUNAY ‘YAN NA INUTIL ANG MGA TAGA-IMMIGRATION AT NAIA – Ayon kay DILG Secretary Jonvic Remulla, may dala umanong $100 milyon (tinatayang ₱56 bilyon) si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co nang umalis ito ng bansa at magtago sa Europe.
Kung totoo ito, malinaw na patunay ito ng matinding kapabayaan—kung hindi man kawalan ng silbi—ng ilang opisyal ng Bureau of Immigration (BI) at ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Isipin na lamang na nakapagpuslit siya ng ganoong kalaking halaga palabas ng bansa nang hindi man lang namataan o napigilan. Buset!
XXX
SI MARTIN ROMUALDEZ ANG NAGBIGAY NG TRAVEL CLEARANCE KAY ZALDY CO, HINDI TALAGA MAALIS SA ISIPAN NG TAUMBAYAN NA SANGKOT SIYA SA FLOOD CONTROL SCANDAL – Hindi maiaalis sa isipan ng mamamayan ang hinalang may kinalaman si Leyte Rep. at dating Speaker Martin Romualdez sa umano’y panlilinlang ni Zaldy Co sa kaban ng bayan, lalo’t siya ang nag-apruba ng travel clearance nito sa kasagsagan ng imbestigasyon sa flood control scandal.
Kung hindi sana pinayagang makalabas ng bansa si Zaldy Co, maaaring isipin ng publiko na walang anumang kinalaman si Romualdez sa isyu. Subalit dahil hinayaan itong makaalis, nananatiling nakatatak sa isipan ng mamamayan ang hinalang may pananagutan siya—kahit pa igiit ng Marcos administration na walang ebidensiya laban sa dating Speaker. Period!








Comments