top of page

Anti-political dynasty bill, banta sa senatorial bid nina Tulfo, Cayetano, Villar; isa lang kina Jinggoy at JV ang puwede

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Jan 30
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | January 29, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


TABLADO NA SA PAGKA-SENADOR SINA SEN. RAFFY TULFO, CAYETANO, VILLAR AT ISA LANG KINA SEN. JINGGOY AT JV ANG PUWEDENG KUMANDIDATO FOR SENATOR KAPAG ANG ANTI-POLITICAL DYNASTY AY APRUB NA – Inumpisahan na sa Kamara ang talakayan hinggil sa pagsasabatas ng anti-political dynasty bill, na inaasahan ding aakyat sa Senado.


Kapag naipasa ito ng Kongreso at nilagdaan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM), hindi na maaaring tumakbo sa 2028 senatorial elections sina Sen. Raffy Tulfo, Sen. Alan Cayetano, at Sen. Mark Villar. Ito ay dahil ang kanilang mga kapatid—sina Sen. Erwin Tulfo, Sen. Pia Cayetano, at Sen. Camille Villar—ay kasalukuyang nagsisilbi at matatapos pa ang kanilang unang termino sa 2031.


Sa kaso naman ng magkapatid sa ama na sina Sen. Jinggoy Estrada at Sen. JV Ejercito, isa lamang sa kanila ang maaaring kumandidato sa pagkasenador sakaling maisabatas ang panukala.


Nararapat lamang na agarang maisabatas ang anti-political dynasty law. Sa totoo lang, hindi na kaaya-ayang tingnan ang kasalukuyang komposisyon ng Senado—lalo na’t sa Pilipinas lang halos makikita ang mga senador na magkakapatid. Period!


XXX


KAYANG-KAYA NI ZALDY CO MAG-AROUND THE WORLD SA PAGTATAGO SA BATAS, KASI ANG DAMI NIYANG NA-SCAM SA KABAN NG BAYAN – Ayon sa unang impormasyon ng pamahalaan, nasa Portugal nagtatago ang wanted na si dating Ako Bicol partylist Rep. Zaldy Co. Kalaunan, nakumpirma na siya ay nasa Philippine Embassy sa Sweden, kung saan ipinanumpa niya ang kanyang petisyon sa Supreme Court (SC) na humihiling na ibasura ang resolusyon ng Ombudsman kaugnay sa mga kasong malversation of public funds, falsification of public documents, bribery, at graft.


Una ay nasa Portugal, ngayon ay nasa Sweden na—at sa dami ng perang na-scam ni Zaldy Co mula sa kaban ng bayan, kayang-kaya niyang maglibot sa mundo habang nagtitiis sa batas. Buset!


XXX


TAUMBAYAN, WALANG BILIB SA ICI KAYA DAPAT LANSAGIN NA ITO NI PBBM – Sinabi ni Presidential Communication Officer (PCO) Undersecretary at spokesperson Claire Castro na aktibo pa rin ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) at

tuloy ang kanilang pag-iimbestiga sa mga sangkot sa flood control scandal.


Sa totoo lang, hindi kumbinsido ang taumbayan sa ICI dahil sa pagpapatupad nito ng closed-door hearings. Dapat na itong lansagin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ipaubaya na lamang sa Ombudsman at Department of Justice (DOJ) ang pagsisiyasat sa mga sangkot sa flood control projects scam. Boom!


XXX


SEN. DELA ROSA, HINDI LANG DAPAT MATANGGALAN NG SUWELDO, DAPAT TANGGALIN NA SIYA SA PAGKA-SENADOR – Ayon kay Senate President Pro Tempore Ping Lacson, kapag may nagsampa ng ethics complaint laban kay Sen. Ronald Dela Rosa dahil sa hindi nito pagpasok sa Senado, posible raw na tanggalan siya ng suweldo.


Teka, bakit suweldo lang? Ang dapat kay Sen. Dela Rosa ay tanggalin na sa posisyon bilang senador dahil hindi na niya ginagampanan ang kanyang tungkulin sa Senado. Period!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page