Anti-Dynasty Bill, ‘pag nakalusot sa June 2026, tapos na ang “happy days” ng mga pamilyang pulitiko
- BULGAR

- 2 hours ago
- 2 min read
ni Pablo Hernandez @Prangkahan | February 14, 2026

PARA HINDI MA-BASH NG NETIZENS, DAPAT IMBESTIGAHAN NI SEN. LACSON ANG TEXT PATUNGKOL SA PAGTANGGAP DAW NG KICKBACK NI PBBM – Matapos ibulgar ni ACT Teacher partylist Rep. Antonio Tinio ang palitan ng text messages nina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (PBBM) at dating Usec. Adrian Bersamin ng Presidential Legislative Liaison Office (PLLO) tungkol sa alegasyong kickback sa flood control projects scam, nanawagan si Caloocan City 2nd District Rep. Edgar Erice kay Senate Pro Tempore Ping Lacson, chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee, na imbestigahan ang isyu.
Ayon kay Erice, kung kikilos si Sen. Lacson upang siyasatin ang alegasyong kickback na kinasasangkutan ni PBBM, tiyak na papuri siya ng taumbayan. Ngunit kung babalewalain lamang ito, inaasahan niyang haharap siya sa batikos ng netizens sa social media. Abangan!
XXX
MAS KAPANI-PANIWALA KUNG ANG NADAGDAG NA 28% SA RATING NI VP SARA AY TUNGKOL SA POPULAR SURVEY, PERO DAHIL TUNGKOL DAW ITO SA SATISFACTION AND PERFORMANCE RATING, MARAMI TULOY DUDA – Pinuputakti ngayon sa social media ang Social Weather Stations (SWS) dahil sa inilabas nitong survey na nagsasabing tumaas ng 28% ang satisfaction at performance rating ni Vice President Sara Duterte. Maraming netizens ang nagtataka, dahil ayon sa kanila, wala pa namang malinaw na nagawa ang bise presidente para sa kapakanan ng publiko. Sa halip, naiuugnay pa siya sa umano’y anomalya sa paggamit ng P650 milyong confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong siya pa ang namumuno sa mga ahensyang ito.
Kung pag-uusapan ang popularidad ni VP Sara, hindi naman nakakagulat ang mataas na rating. Subalit, ang 28% pagtaas sa satisfaction at performance rating ay hindi kapani-paniwala para sa marami, lalo’t walang naiulat na konkretong aksyon na direktang nakinabang ang mamamayan. Period!
XXX
MALAPIT NANG MATAPOS ANG HAPPY DAYS NG MGA MAGKAKAPAMILYANG PULITIKO, KASI SA JUNE 2026 TARGET MAISABATAS ANG ANTI-POLITICAL DYNASTY –Nais ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na maipasa ang batas laban sa political dynasty bago mag-June 2026. Kapag nalagdaan na ito at naging ganap na batas, tapos na ang “happy days” ng mga pulitikong pamilya na para bang family corporation nila ang mga puwesto sa gobyerno. Boom!
XXX
‘PAG NATIKLO, ‘WAG NANG UMASA SI ATONG ANG NA MAKAKALAYA PA SIYA DAHIL TIYAK MABUBULOK NA SIYA SA BILIBID – Matapos magpalabas ng warrant of arrest laban kay Charlie "Atong" Ang ng Sta. Cruz City (Laguna) Regional Trial Court (RTC) noong Jan. 13, 2026, sinundan ito ng Lipa City (Batangas) RTC noong Jan. 17, 2026. Kamakailan, naglabas din ng warrant ang San Pablo City (Laguna) RTC laban sa gambling tycoon.
Ang tatlong warrants ay kaugnay ng mga kasong kidnapping with homicide at illegal detention with homicide na may kinalaman sa mga nawawalang sabungero. Dahil ang mga kasong ito ay no bail, kapag naaresto si Atong Ang, tiyak na mananatili siya sa kulungan. Period!








Comments