top of page

Anong milagro ba ang hinihintay natin? Anong milagro ba ang naghihintay sa atin?

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 20 minutes ago
  • 3 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | February 2, 2026



Fr. Robert Reyes


Hindi tayo nagulat nang ibasura ng Korte Suprema ang petisyon ng Kongreso hinggil sa “Impeachment Case” laban kay Bise Presidente Sara Duterte. Pinababaliktad nito ang desisyon ng Korte Suprema noong nakaraang taon na ituring na labag sa konstitusyon ang mga inihaing impeachment complaint laban sa Bise Presidente.


Bakit hindi tayo nagulat? Malinaw naman na normal sa ilang may utang na loob ang pagbibigay ng pabor. Hindi ba’t may malinaw na utang ng loob ang karamihan sa mga miyembro ng Korte Suprema? At hindi ba’t may positibo at negatibong epekto ang utang na loob?


Sa mga mayayamang opisyal ng pamahalaan, madaling gamitin ang pera upang bumili ng posisyon o desisyon. Marami sa kanila ang handang gamitin ang kapangyarihan, impluwensya, at salapi para makuha ang nais nilang pabor o desisyon.


Bakit na-reject with finality ang apela ng Kongreso? Dahil ba sa tunay na dahilan o teknikalidad lamang? Ayon sa tagapagsalita ng Korte Suprema, lumabag sa patakaran ang Kongreso dahil mahigit sa tatlong impeachment complaint ang inihain sa loob ng isang taon, samantalang isa lamang kada taon ang pinapayagan. Ano nga ba ang mas mahalaga: teknikalidad o substansiya ng petisyon?


Sa kompromisado, mahina, at korup na sistema, laging ginagamit ang teknikalidad para patagalin ang kaso laban sa makapangyarihan at mayaman. Ganito ang kalagayan ng ating katarungan.


Huminga tayo nang malalim at mag-isip. Hindi lamang ang ating bansa ang dumadaan sa krisis. Sari-saring problema ang kinahaharap ng maraming bansa sa buong mundo—marahas, magulo, at tila walang malinaw na solusyon.


Ngunit sa gitna ng krisis, may positibong nangyayari. Patuloy ang pag-uusap at paghahanap ng solusyon ng iba’t ibang grupo at indibidwal. Kamakailan, naghain ng dalawang impeachment complaint laban kay Pangulong Bongbong Marcos  Jr. dahil sa umano’y pagsuporta sa “Ghost Flood Control Projects.” Naghahanda rin ang ibang grupo na muling mag-file ng impeachment complaint laban kay Bise Presidente Sara Duterte.


Maraming nagtatanong: Ano ang mangyayari kung ma-impeach ang dalawa? Sino ang papalit bilang pangulo o bise pangulo? Ang Senate President ba? Si Senator Tito Sotto? Magkakaroon ba ng snap election?


Hindi ba’t ganito rin ang nangyari apat na dekada na ang nakalipas? Noong Pebrero 1986, naganap ang snap elections, pinatay si Evelio Javier, gobernador ng Antique, at nagsalita ang mga obispo tungkol sa pandaraya sa eleksyon. Sinabi nila: “A government that assumes or retains power through fraudulent means HAS NO MORAL BASIS” (CBCP Post Election Statement, Feb 13, 1986).


Darating na ang ika-25 ng Pebrero 2026—apat na dekada na ang People Power Revolution. Nasaan tayo noon? Nasaan tayo ngayon? At saan tayo patutungo sa mga darating na taon?


Noong Pebrero 1986, may sinabi sa akin ang isang guro sa Roma: “Hindi pa natin masasabing nagbago ang lipunang Filipino. Malalaman lang natin pagkaraan ng dalawang henerasyon o apat na dekada.” Noon, Marcos noon; ngayon, Marcos pa rin. Noon kalye at rally; ngayon korte at impeachment. Snap elections noon; impeachment ngayon. Ano kaya ang uuwi ng lahat ng ito?


Ngunit may mahalagang aspeto pa: Martsa at rally noon—martsa at rally rin ngayon. Ngunit may dagdag na elemento ngayon: pakikinig, pag-uusap, at dasal. Ito ang ginagawa ng Simbahan sa pamamagitan ng Daang Sinodal.


Impeachment ba ang problema? Pulitika ng impeachment ba ang problema? Baka ang solusyon nga ay isang “Impeachment ng Politica”—isang mas malalim na pagbabago sa pulitika at katarungan sa ating bansa.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page