top of page

Anomalya sa flood control, lalong lalala kung pili lang ang kakasuhan

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • Mar 31
  • 2 min read

ni Pablo Hernandez @Prangkahan | March 31, 2026



Prangkahan ni Pablo Hernandez


ANG DAMING SANGKOT SA FLOOD CONTROL SCANDAL PERO NAMIMILI LANG ANG ANG MARCOS ADMIN NG MGA PINAKAKASUHAN – Napakaraming pulitiko, opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH), at mga kontraktor ang umano’y sangkot sa flood control scandal, ngunit kakaunti pa lamang ang sinampahan ng kaso sa Ombudsman at Sandiganbayan.


Lumilitaw tuloy na tila namimili lamang ang administrasyon kung sino ang kakasuhan—na ang mga kaalyado ay nakakalusot, habang ang mga hindi kapanalig ang siyang pinapanagot.


Kung hindi mananagot ang lahat ng sangkot sa isyung ito, hindi matitigil ang pandarambong sa kaban ng bayan at lalo lamang itong lalala. Period!


XXX


MALABONG MAGKA-IMPEACHMENT TRIAL SA SENADO KAY VP SARA KASI SA DAMI NG MGA SENADOR NA KAALYADO NG PAMILYA DUTERTE, IPAPA-ARCHIVED LANG ITO – Sa panayam kay Atty. Michael Poa, isa sa mga abogado ni Vice President Sara Duterte sa kanyang impeachment cases, sinabi niyang nais ng bise presidente na iakyat na ng Kamara sa Senado ang mga Articles of Impeachment upang doon niya harapin at sagutin ang mga alegasyon laban sa kanya. Kabilang dito ang isyu ng umano’y korupsiyon kaugnay ng P650 milyon na confidential funds sa Office of the Vice President (OVP) at Department of Education (DepEd) noong siya pa ang kalihim ng naturang ahensya.


Gayunman, kahit maisampa sa Senado ang mga Articles of Impeachment, nananatiling malabo kung haharap si VP Sara upang sagutin ang mga paratang. Posibleng isang pro-Duterte na senador lamang ang magmosyon na isantabi o i-archive ang kaso, at sa dami ng mga kaalyado ng pamilya Duterte sa Senado, malaki ang posibilidad na ito ay aprubahan. Kung mangyayari ito, hindi na magkakaroon ng impeachment trial laban sa bise presidente. Boom!


XXX


PATULOY NA FAKE NEWS NG MGA DDS AT TAGA-DAVAO, NAGBU-BOOMERANG KAY VP SARA NA PAMBATO NILA SA 2028 PRESIDENTIAL ELECTION – Matapos mabulgar na fake news ang ikinalat ng ilang Duterte Diehard Supporters (DDS) vloggers sa social media tungkol sa umano’y pag-angkat ng langis ng Davao City Local Government Unit (LGU) mula Brunei, ibinunyag naman ng gobyerno ng Malaysia na hindi rin totoo ang balitang bibili ng krudo ang Davao del Norte LGU sa kanilang bansa.

Ayon sa Malaysia, hindi magbebenta ng produktong petrolyo ang kanilang Petroliam Nasional Berhad (PETRONAS) upang matiyak ang sapat na suplay ng fuel sa gitna ng tensyon sa Middle East.


Dahil dito, dapat nang itigil ang pagpapakalat ng fake news. Sa halip na makatulong, nagiging kabaligtaran ang epekto nito at maaaring makaapekto pa sa imahe ni Vice President Sara Duterte. Kung magpapatuloy ito, posibleng maging hadlang pa sa kanyang tsansa sa 2028 presidential election. Period!


XXX


SA PANAHON NG KRISIS, ANG DAMI PA RIN DAW NANGRARAKET SA ISABELA – LANTARAN na umano ang operasyon ng ilegal na color games at drop balls na pinamumunuan nina alyas “Maribel” sa Roxas; “Edwin” sa Mallig; “Jingjing” sa Gamu at Cabatuan; at “Hadley” at “Zuma” sa Echague at San Mateo sa lalawigan ng Isabela.


Dapat itong agarang aksyunan nina PNP-Region 2 Director Brig. Gen. Antonio Marallag at Isabela Police Provincial Director Col. Manuel Bringas, dahil hindi katanggap-tanggap na sa gitna ng krisis sa bansa ay may mga iligal na operasyong patuloy na nambibiktima ng mga residente. Boom!

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page