top of page
Faith Da Silva at Sam Verzosa - IG.jpg

Ang Senado at ang tunay na panalangin

  • Writer: BULGAR
    BULGAR
  • 14 hours ago
  • 2 min read

ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | May 23, 2026



Fr. Robert Reyes



Ano ang magagawa ng tunay at taimtim na panalangin? Ito ang makikita sa buong buhay ng ating Panginoon. Marami Siyang ginawa para sa mga taong may iba’t ibang pangangailangan. Pinakain Niya ang mga nagugutom, kinalinga ang mga namimighati at may mabibigat na pinagdaraanan. Malapit Siya sa mga bata at kinagigiliwan nila.


Gumawa rin Siya ng maraming himala—mula sa pagpapalakad sa mga pilay, pagpaparinig sa mga bingi, pagpapamulat sa mga bulag hanggang sa pagbuhay sa mga patay tulad ng kaibigan Niyang si Lazaro.


Ngunit kapag sumasapit ang gabi, tila nagmamadali Siyang lumayo at magtungo sa tahimik na lugar upang manalangin. Para sa mga nakamasid, tila nahahati sa dalawa ang Kanyang buhay—ang pagkilos para sa tao at ang pananahimik upang makipag-isa sa Ama. Ngunit para sa mga tunay na nakaunawa kay Hesukristo, iisa lamang ang dalawang ito. Ang Kanyang pagkilos ay bahagi ng Kanyang panalangin, at ang Kanyang panalangin ay bahagi rin ng Kanyang pagkilos. Hindi mapaghihiwalay ang dalawa.


Sa katunayan, iisa ang lahat sa buhay ni Hesus—iisa ang loob at labas, salita at gawa, isip at puso. Ito rin ang mensahe ng mga pagbasa nitong mga nakaraang araw tungkol sa “Mataas na Maka-paring Panalangin ni Kristo” (High Priestly Prayer). Ipinanalangin ni Kristo na ang Kanyang mga alagad ay laging magsalita at kumilos sa Kanyang ngalan. Higit sa lahat, ipinanalangin Niya ang pagkakaisa, tulad ng pagkakaisa Niya sa Ama.


PAGKAKAISA. Ito ang tila kulang na kulang ngayon sa iba’t ibang antas ng lipunan, lalo na sa Senado. At kung may pagkakaisa man, marami ang nagtatanong kung ano ang tunay na dahilan nito. Ano ba ang pundasyon ng pagkakaisa ng mayorya sa ilalim ni Senate President Allan Peter Cayetano? Matatag ba talaga ang kanilang samahan? Makakatulong ba ito sa proseso ng impeachment? Ano ang magiging papel ng mayorya at minorya? Magkapareho ba sila ng layunin?


Hindi maikakaila na marami ring batikos na ibinabato sa ilang miyembro ng mayorya. At kasabay nito, lumalalim ang pagdududa at kawalan ng tiwala sa pagitan ng mga magkakabilang panig.


Nang ipanalangin ni Kristo ang pagkakaisa, hindi lamang ito simpleng pagkakasundo kundi pagkakaisang nakabatay sa katotohanan at sa Diyos. Ngunit kung susuriin ang ugat ng maraming hidwaan sa bansa, tatlong bagay ang madalas na nakikita: kasinungalingan, salapi at kapangyarihan.


Una, nagiging sanhi ng matinding pagkakahati ang kasinungalingan at magkakaibang bersyon ng katotohanan. Ikalawa, ang umiikot na salapi na madalas ay ginagamit upang impluwensiyahan ang mga desisyon at pananaw ng tao. At ikatlo, ang maling paggamit ng kapangyarihan para sa pansariling interes kaysa sa kapakanan ng bayan.


Mabigat na kombinasyon ang tatlong ito—kasinungalingan, salapi at kapangyarihan. Hindi madaling labanan ang maling impormasyon lalo na sa panahon ng social media. Hindi rin madaling talikuran ang impluwensiya ng pera at kapangyarihan.


Kaya’t bagama’t patuloy nating naririnig ang mga panalangin ng mga lider at mambabatas, higit na hinihintay ng mamamayan ang panalanging nasasalamin sa gawa—mga gawang marangal, matapang at makatarungan. Sapagkat ang tunay na panalangin ay hindi lamang binibigkas sa salita kundi isinasabuhay sa pagkilos para sa katotohanan, pagkakaisa at kabutihan ng nakararami.

Comments


Disclaimer : The views and opinions expressed on this website or any comments found on any articles herein, are those of the authors or columnists alike, and do not necessarily reflect nor represent the views and opinions of the owner, the company, the management and the website.

RECOMMENDED
bottom of page