Ang preparasyon na kailangan
- BULGAR

- 1 day ago
- 3 min read
ni Fr. Robert Reyes @Kapaayapaan / Patakbo-takbo | July 11, 2026

Ito ang Ebanghelyo noong nakaraang Huwebes ng umaga:
“Ang labindalawang ito’y sinugo ni Jesus at kanyang pinagbilinan: ‘Huwag kayong pupunta sa lugar ng mga Hentil o sa alinmang bayan ng mga Samaritano. Sa halip ay hanapin ninyo ang mga nawawalang tupa ng sambahayan ng Israel. Humayo kayo at ipangaral ninyo na malapit nang maghari ang Diyos. Pagalingin ninyo ang mga maysakit, buhayin ang mga patay, pagalingin ang mga ketongin at palayasin ang mga demonyo. Yamang tumanggap kayo nang walang bayad, magbigay naman kayo nang walang bayad. Huwag kayong magdala ng salapi—maging ginto, pilak o tanso—sa inyong mga lukbutan. Huwag din kayong magdala ng supot sa inyong paglalakbay, ni bihis na pamalit, panyapak o tungkod, sapagkat ang manggagawa ay may karapatan sa kanyang ikabubuhay.’” (Mateo 10:7-15)
Ikaapat na araw na ng impeachment trial sa Senado. Marami na tayong narinig at napanood mula sa magkabilang panig ng depensa at prosekusyon.
Sa ikalawang araw, narinig natin ang pahayag na ang sinasakdal umano ay ang ibinoto ng 32 milyong mamamayan. Nang tanungin kung bakit wala ang nasasakdal, sumagot ang depensa, “Naririto na rin siya sa pamamagitan ng kanyang mga abogado.”
Kinabukasan, inilabas naman ng prosekusyon ang video ni Vice President Sara Duterte kung saan sinabi niyang ipapapatay umano niya ang Pangulo, ang asawa nito, at si Martin Romualdez. Ayon din sa video, nakausap na umano niya ang isang “hitman” na gagawa nito.
Ipinalabas ang video sa pamamagitan ng isang imbestigador ng NBI. Paulit-ulit siyang tinanong ng depensa upang subukang mabutas ang kanyang testimonya, ngunit nanatili siyang kalmado, malinaw at hindi nalito sa kanyang mga sagot hanggang sa matapos ang pagtatanong.
Tinanong pa siya ng isang senador tungkol sa kanyang mga “credentials” bilang testigo. Sumingit naman ang presiding officer at nagtanong kung mayroon siyang listahan ng kanyang mga kredensiyal. Sinabi nitong kung mahaba ang listahan ay magbigay na lamang siya ng kopya sa mga naroroon. Pumayag naman ang testigo. Katuwa lamang ang tanong, sapagkat maaari ring itanong sa nagtanong kung ano rin ang kanyang mga kredensiyal.
Mabuti naman at dumalo sa ikalawang araw ng paglilitis ang nasasakdal na si Vice President Sara Duterte. Nang tanungin kung mayroon siyang nais sabihin, nagbahagi siya ng maikling sipi:
“In this bloodbath and bludgeoning, I will be bloodied but unbowed.”
Pagkatapos nito ay umalis na siya at hindi na tumanggap ng anumang katanungan. Ayon sa kanyang spokesperson na si Atty. Michael Poa, hindi na siya dadalo sa mga susunod na sesyon upang matutukan ang kanyang mga responsibilidad bilang Bise Presidente.
Hindi nagtagal, maraming nagpaliwanag na ang pahayag ay hango sa tulang Invictus ni William Ernest Henley. Ganito ang nakasaad sa ikalawang saknong:
“In the fell clutch of circumstance, I have not winced nor cried aloud. Under the bludgeonings of chance, My head is bloody, but unbowed.”
Sino si William Ernest Henley? Hindi siya pulitiko. Isa siyang manunulat na nagkaroon ng tuberculosis sa buto noong kabataan at naputulan ng kaliwang binti. Ang Invictus ay isinulat bilang paglalarawan ng kanyang pakikipaglaban sa pagdurusa at sa sariling awa sa sarili (self-pity). Malayo ang kanyang pinagdaanan sa sitwasyon ng Bise Presidente.
Balikan natin ang Ebanghelyo. Hinimok ni Kristo ang kanyang mga alagad na hanapin ang mga nawawalang tupa ng Israel. Ganito rin ang hamon sa atin—tulungan ang mga naliligaw at nalilito sa pamamagitan ng pagsisiwalat ng katotohanan.
Inutusan din Niya ang mga alagad na magpagaling ng mga maysakit, pagalingin ang mga ketongin at magpalayas ng masasamang espiritu. Sinimulan na nating gawin ito noong nakaraang Sabado at patuloy natin itong isasagawa.
Iniutos din ni Kristo na huwag tumanggap ng bayad at huwag magbigay ng bayad kapalit ng paglilingkod. Hindi salapi o anumang gantimpala ang kapalit ng paghahanap at pagpapahayag ng katotohanan, kundi ang katarungan at ang paglaya ng marami mula sa kadiliman ng kasinungalingan at sa kaapihan ng kawalan ng hustisya.
Preparado ang magkabilang panig ng depensa at prosekusyon. Ngunit mahalagang itanong: Ano ang uri ng paghahandang ginawa nila? Para saan ito at ano ang kanilang motibasyon? At sino ang tunay na makikinabang sa kanilang pagsisikap?
Kilalang-kilala natin ang isa sa mga kasapi ng prosekusyon. Sa loob ng pitong taon ay dinalaw at nagmisa tayo para sa dating Senadora Leila de Lima. Nanindigan siyang inosente siya at hindi siya nagpadaig. Hindi siya nawalan ng pag-asa. Sa loob ng pitong taon ay natuto siyang manahimik, magdasal, magnilay, mag-aral at higit pang patatagin ang kanyang sarili para sa anumang misyong ipagkakaloob sa kanya ng Diyos.
Paulit-ulit niyang sinabi sa atin: “Inosente ako at mapatutunayang tama ako ng kasaysayan.”
Tiyaga, tiwala at tatag ang itinuro sa kanya ng mga taong ginugol niya sa bilangguan.
Kakaiba ang paghahandang ito—isang paghahandang hinubog ng Diyos para sa misyong ginagampanan niya ngayon nang may tapang, pananalig at buong pagtitiwala sa Kanya.
At ito rin ang inaasahang paghahanda ni Kristo sa Kanyang mga alagad at sa ating lahat: ang matutunan ang ganap at tunay na pagtitiwala at pananalig sa Kanya.





Comments