Ang pinuno ng pamilya ay responsible sa mga bagay na nahulog sa kanyang tirahan
ni Atty. Persida Rueda-Acosta - @Magtanong Kay Attorney | March 26, 2021
Dear Chief Acosta,
Ang nakapaso na halaman ng aking kapitbahay ay nahulog mula sa kanyang balkonahe at tumama sa aking tricycle. Nang tingnan ko ay hindi pamilyar na mga mukha ang aking nakita at sila ay dali-daling pumasok sa loob ng gusali. Sino ang maaari kong mapanagot dahil hindi ko kilala ang mga taong sangkot sa nasabing insidente? – Kenny
Dear Kenny,
Ang sagot sa inyong katanungan ay matatagpuan sa Article 2193 ng Civil Code of the Philippines, kung saan nakasaad na:
“Art. 2193. The head of a family that lives in a building or a part thereof, is responsible for damages caused by things thrown or falling from the same.”
Ayon sa nabanggit na probisyon ng batas, ang pinuno ng pamilya na nakatira sa gusali o bahagi nito ay responsable para sa mga pinsala na dulot ng mga bagay na itinapon o nahulog mula rito. Samakatwid, ang pinuno ng pamilya ng inyong kapitbahay na naninirahan sa nabanggit na gusali ang maaari ninyong mapanagot dahil siya ay responsable sa mga pinsala sa inyong tricycle na dulot ng nakapasong halaman na nahulog mula sa kaniyang balkonahe kahit ibang tao pa ang may kapabayaan.
Sana ay nabigyan namin ng linaw ang inyong katanungan. Ang payong aming ibinigay ay base lamang sa impormasyon na inyong inilahad at maaaring magbago kung mababawasan o madaragdagan ang mga detalye ng inyong salaysay.
Maraming salamat sa inyong patuloy na pagtitiwala.





Comments